Kabanata 17: Paalam

77 15 0
                                    

|| Erika's POV ||

Nagising akong basang-basa ng luha ang mga mata ko. Nakatulala lang ako sa kisame habang patuloy pa rin sa pag-agos ang luha. Humawak ako sa dibdib ko na sobrang sakit ngayon. Pakiramdam ko ay ako ang nakaranas ng lahat. Nasagot na kung ano ang talagang mga nangyari. Ipinakita nya sa akin sa panaginip. Tinapos nya ang kanyang buhay at nagpakalunod sya sa ilog. Nagbago na ang kapalaran.

Nagpasama ako kay Ate Estella na pumunta sa hacienda ng mga Suarez para magpaalam kay Lorenzo. Hindi mawala sa isip ko ang naging buhay nila. Nagawa syang ibigin ni Ysabella at nabigyan ng pagkakataong maging parte ng buhay nito ngunit ngayon ay tuluyan na itong magiging imposible. Higit pa rin ang pag-ibig na mayroon ang babae para kay Alejandro.

"Nais po naming makausap si Ginoong Lorenzo," paalam ni Ate Estella sa mga Guardia Civil na nagbabantay sa hacienda ng mga Suarez.

Ang pagkakaalam ko ay silang dalawa lang ni Donya Elvira ang narito at kaya may mga Guardia Civil na nakabantay ay dahil hindi sila pwedeng dumalaw kay Kapitan Felipe na nakabilanggo. Sandaling pumasok sa mansyon yung isang gwardya. Naramdaman ko ang paghawak ni Ate Estella sa kamay ko dahil tense na tense ako ngayon. Sana ay pumayag si Lorenzo na makausap ko sya. Mayamaya ay bumalik na ito at pinagbuksan kami ng gate.

"Naroon sya sa salas," wika nito.

"Maraming salamat po," sabay naming tugon ni Ate.

Pumasok na kami sa gate. Napatingin ako sa paligid. Parang dinaanan ng giyera ang hacienda nila dahil sa dami ng nagkalat na basag na mga paso at tabi-tabi rin ang mga hukay sa lupa. Noong mga nakaraang araw lang ay bihag nila si Rhys at balak nila kaming patayin. Ngayon ay tuluyan nang nawala ang kapangyarihan na naging dahilan ng kasamaan ni Kapitan Felipe. Hindi ko inakala na aabot sa ganito ang lahat. Simula pa lang ay imposible nang magawa ng mapayapa ang misyon.

"Maiwan na ako rito."

Nasa tapat na kami ng pinto ni Ate at pagpasok ay salas na. Bukas ito pero hindi ko pa matanaw ang mga silya kung saan naroon si Lorenzo. Tinapik ni Ate Estella ang likod ko at tumango-tango. Napangiti ako at dahan-dahan nang naglakad papasok.

Paglingon ko sa salas ay natanaw ko agad si Lorenzo na nakatayo at sabik na naghihintay sa akin. Gumuhit sa mga labi nya ang isang maikling ngiti. Ang sakit makita na hindi na ganoon kalawak at kagenuine ang ngiti nya tulad ng dati. Dali-dali akong naglakad palapit sa kanya at niyakap sya.

"P-Patawad."

Tumulo sa mga mata ko ang luha. Naramdaman ko ang paghagod ng mga kamay nya sa likod ko. Umiiyak din sya.

"Wala kang kasalanan, Ysabella. Ako nga ang dapat humingi ng tawad. Ako ang humiling sa kasalang ito. Ako ang naglayo sa'yo sa iyong tunay na pag-ibig." Kumalas na sya at hinarap ako. "Masaya ako... dahil nakilala kita. Sa totoo lang, simula pa lang ay ramdam ko nang wala ka talagang pagtingin para sa akin. P-Pero ayos lang. Hindi naman ako nagmamadali na mahalin mo rin ako. Mahal kita at patuloy pa rin kitang mamahalin hindi mo man maibalik."

"Lorenzo." Hinawakan ko ang mukha nya at hinawakan nya ang kamay ko na nasa pisngi nya.

"Hindi mo alam kung gaano mo ako napasaya noong bumalik kami galing sa Batangas at biglang nagbago ang naging pakikitungo mo sa akin. Alam mo bang matagal ko nang hinihiling na masilayan kang ngumiti? Sobra na akong nagpapasalamat para roon, Ysabella. Masyado lang siguro akong nagalak sa pangyayari kung kaya't inisip ko na nahulog ka na rin. Huwag kang mag-alala. Hindi ako kailanman nagalit sa iyo. Gusto kong maging masaya ka, kayong dalawa. S-Simula ngayon, hindi mo na kailangan pang pilitin ang s-sarili mo na mahalin ako."

Dahan-dahan nyang ibinaba ang palad ko na nasa mukha nya. Napailing ako at muli syang niyakap. Bakit sobrang sakit ng pamamaalam? Sobrang hirap lalo na kung wala nang ibang paraan. Napakabuti nyang tao para masaktan ng ganito pero hanggang dito na lang talaga ang wakas ng kanilang istorya.

A Vivir Mi Vida ContigoWhere stories live. Discover now