Kabanata 15: Hatol

103 25 33
                                    

|| Erika's POV ||

Pumikit ako kasabay ng pagtulo ng luha ko. Hindi ko na maitatago pa ang katotohanan.

"S-Si Ginoong Alejandro... ay dating kasintahan ko."

Nag-ingay ulit ang mga tao. Dali-dali akong bumalik sa pagkakaupo pero bago ako tumalikod ay nagtama ang paningin namin ni Lorenzo habang may dumadaloy na luha sa mga ito.

"Dating kasintahan? O baka naman hindi naputol ang ugnayan ninyo kahit nakatakda ka nang ikasal kay Ginoong Lorenzo Suarez?" banat ng abogado nila.

"Inilalayo mo ang usapan!" sabat ni Crisostomo.

"Hindi ko inilalayo ang usapan. Gusto ko lang ipakita kung ano ang motibo nila para siraan ang kapitan. Gumawa sila ng kwento. Pinapalabas nila na gusto silang patayin ni Kapitan Felipe pero ang totoo ay gusto lang nilang pigilan ang nakatakdang kasal para silang dalawa ang magsama."

"Tumahimik ka! Kitang-kita ko kung paano tinangkang pagsamantalahan ni Marco ang anak ko!"

Bigla akong napatayo dahil sa sinabi ni Don Joaquin. Umiling ako pero huli na. Gulat na napatingin sa kanya si Ina at hindi makapaniwala sa narinig. Gayon din ang reaksyon ni Crisostomo at ng mga nanonood. Nahimasmasan na si Ama at maging sya ay nabigla sa kanyang nasabi. Napapikit na lang ako. Hindi maaari. Wala na dapat iba pang makaaalam ng tungkol doon bukod kay Ate Estella.

"Totoo ba iyon, Binibining Ysabella?" gulat na tanong ng hukom.

Para akong nawalan ng pakiramdam. Hindi na kaya ng mga binti ko. Buti ay agad akong nakahawak sa sandalan ng upuan at mabilis na nasalo ng mga Guardia Civil bago pa ako bumagsak sa sahig. Dinala nila ako pabalik sa tabi ni Rhys. Puno pa rin ng gulat ang mga mukha nila.

"M-Mukhang hindi na po kaya pa ni Binibining Ysabella ang magsalaysay. Maaari po bang pumalit na ang saksi?" rinig kong hiling ni Crisostomo.

Pumayag naman ang hukom. Sunod na dinala sa harap si Alberto. Hindi na magsasalaysay si Rhys dahil mahina pa ang kanyang katawan at pareho lang kami ng magiging pahayag.

"A-Ako po si Alberto. Nagtatrabaho po ako bilang kutsero at magsasaka sa hacienda ng mga Suarez. T-Totoo po ang mga sinabi ni Binibining Ysabella. Nasaksihan ko po ang kanilang naging pagtatalo ni Kapitan Felipe. Sinabi po ng kapitan na hindi sya makapapayag na agawin ni Don Joaquin sa kanya ang posisyon sa gobyerno. Totoo po na pinatay nya ang kasamahan kong kutsero. Hindi ko po alam kung saan nila ito nilibing. Tubong Bulacan po si Elias at h-hindi pa nakararating sa pamilya nya ang tungkol sa kanyang sinapit."

Matapos magsalaysay ni Alberto ay sandaling itinigil ang paglilitis. Rinig ko ang ilang beses na pangungulit ni Donya Eleanor kay Don Joaquin na ikwento ang nangyari sa akin pero nanatiling tikom ang bibig ni Ama. Mayamaya ay bumalik na ang hukom. Sa pagkakataong ito ay si Kapitan Felipe na ang magsasalita. Inaasahan na namin na babaligtarin nya kami. Malakas sana ang laban namin kung maipapakita ang bangkay ni Elias ngunit hindi ito natagpuan nila Ama noong nagsiyasat sila sa hacienda ng mga Suarez.

"Ang anak kong si Lorenzo ang humiling na kausapin ko si Joaquin para ipagkasundo sya sa anak nitong si Binibining Ysabella. Mabilis naman kaming nagkasundo. Iyong mga alak na inangkat ko mula Italya ay gagawin ko sanang sorpresa sa araw ng kasal. Hindi ko inasahan na gagamitin nila iyon upang gumawa ng kwento. Hindi nila sinabi na mayroon palang naging kasintahan si Binibining Ysabella at ngayon ay kakampi nya pa ito sa paninira sa akin.

"Hindi totoo na balak ko silang patayin. Oo, binihag ko ang kalaguyo ng Binibini. Nagalit ako dahil sa ginawa nyang pagtataksil sa anak ko pero hindi iyon dahilan para patayin ko sila. Gusto ko lang sanang hintayin ang pagdating ni Lorenzo upang iharap mismo sa kanya ang lalaki ng mapapangasawa nya. Nagkamali ako ngunit higit na mabigat ang naging kasalanan nila."

A Vivir Mi Vida ContigoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon