Kabanata 13: Sagot

91 20 32
                                    

|| Erika's POV ||

"Manuod ka, Ginoo. Pagmasdan mong mabuti ang aming pagtatanghal."

Bumalik na ako sa ulirat at bumungad agad sa paningin ko ang mukha ni Marco. Nakangisi sya habang matalim na nakatingin kay Rhys. Hawak pa rin ako ng mga gwardya. Nakakulong ako sa magkabilang braso nya at halos maubusan na ako ng hininga nang ibaling nya ang tingin sa akin.

Unti-unti nyang inilapit ang mukha nya. Mas lalong lumakas ang sigaw ni Rhys at ramdam ko ang labis nitong galit at takot. Napapikit at napakagat na lang ako sa ibabang labi nang maramdaman ang pagdampi ng mga labi nya sa leeg ko.

Ayaw ko na. Mas gugustuhin ko na lang na mamatay kaysa paulit-ulit na maalala ang pangyayaring ito.

Biglang umalingawngaw ang putok ng mga baril. Lumuwag ang hawak nila sa akin at itinigil na rin ni Marco ang kanyang ginagawa. Pagmulat ko ay nakita kong nakahiga na sa lupa ang mga gwardya habang gulat na gulat ang reaksyon ni Marco.

"Ysabella!"

Paglingon ko ay nakita ko si Don Joaquin na tumatakbo palapit sa akin kasama ang mga armadong lalaki. Sinuntok nya si Marco at tuluyan na itong umalis sa ibabaw ko. Agad syang dinampot ng mga kasama ni Ama.

"A-Anak." Niyakap ako ni Don Joaquin. "Hindi k-ko alam. P-Patawarin mo ako," rinig kong pagtangis nya.

Sunud-sunod na rin na tumulo ang luha ko. Akala ko ay katapusan ko na. Akala ko ay walang darating na tulong para sa amin.

"R-Rhys?"

Nakita ko syang inaalisan ng gapos. Dali-dali akong tumakbo palapit sa kanya. Napangiti sya nang makita ako at kahit hirap ay pinilit nyang iangat ang kanyang braso. Hinaplos nya ang aking mukha kasabay ng mabilis na pagtulo ng luha. Pareho na kaming napaiyak at napayakap sa isa't isa. Akala ko ay hindi ko na sya makikita.

"Buhatin nyo na si Ginoong Alejandro. Kailangan natin syang madala agad sa ospital."

Napalingon ako kay Ama na ngayon ay nakatitig sa amin ni Rhys. Isa-isang nag-sink in sa isip ko ang mga tanong. Paano nya nalaman ang tungkol dito? Sino ang nagsabi sa kanya at saan nya nakuha ang mga kasama nyang armadong lalaki? Bakit wala syang reaksyon nang makita si Alejandro? Ano na ang mangyayari sa kasal?

Pagbalik namin sa mansyon ng mga Suarez ay nakita kong nakaluhod at nakagapos si Kapitan Felipe kasama ang naiwang mga gwardya. Kita ang mga dumanak na dugo at ang ilang nagkalat na katawan ng tao sa lupa. Napapikit na lang ako. Nangyari ang lahat ng ito dahil sa akin.

Dumaan sa harap namin si Marco na hawak ng dalawang lalaki patungo sa pwesto ng mga bihag. Balak pa sana syang sugurin ulit ni Ama pero agad akong pumagitna. Nagdurugo na ang kanyang mukha dahil sa ilang beses na pagsugod ni Don Joaquin sa kanya habang papunta kami rito.

"Ilayo nyo 'yan sa'kin! 'Wag na 'wag nyong hahayaan na makawala ang hayop na 'yan! Magbabayad kayo!"

Hindi ko sya matignan. Naluluha ako sa tuwing maaalala ang ginawa nya. Gusto ko syang mapagbayad ngunit hindi sa ganitong paraan.

"Ysabella!"

"L-Lorenzo?"

Nakita ko sila ni Donya Elvira kasama ang mga tao na nanunuod. Hindi sila makalapit dahil may mga nakaharang at nagbabantay na mga Guardia Civil. Kita ang gulat, takot, at pag-aalala sa mga mukha nila.

"Hayaan mo lang sila," pagpigil sa akin ni Ama.

Wala akong nagawa kundi ang tanawin na lang sya mula sa malayo. Nagkatitigan kami at hindi nya inalis ang tingin sa akin. Umiiyak sya. Hindi ko mapigilang maawa. Sa maikling panahon na nakasama ko sya ay naging magaan ang loob ko sa kanya. Nasisiguro ko na inosente sya at wala syang alam sa ginagawa ni Kapitan Felipe.

A Vivir Mi Vida ContigoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon