Chapter 24

254K 11.9K 9.7K
                                    

#RTG24 Chapter 24

"Nagugutom na ko. Kukuha ako ng pagkain. May gusto ka ba?" tanong ko kay Sancho nang tumayo ako. Gaya ng pangako niya, pumupunta siya sa amin kapag weekend para tulungan akong magreview... Halos isang buwan na rin. Nagpapasalamat ako na kahit wala akong maalala sa ibang nangyari sa buhay ko, nang mabasa ko iyong mga libro ko ay parang biglang naalala ko sila.

Tama si Sancho.

Kaya kong bawiin iyong trabaho ko.

"Tubig na lang," sabi niya habang busy sa pagbabasa ng sagot ko. Dinala niya rin kasi iyong mga luma naming exam at pinapasagutan niya sa akin. Nagsimula kami sa pinaka-una. Dalawang linggo kong pinag-aralan iyong mga subjects ko nung unang taon ko sa law school. Nasa pangalawang taon na kami. Sa susunod, sa third year na kami.

Pagdating ko sa kusina, nakita ko si Papa roon. Ngumiti siya sa 'kin. Medyo naiilang pa rin ako kapag tinitignan nila ako kasi parang palagi silang natatakot na mawawala ako... Lalo na si Irina na grabe iyong iyak nang nakita ako. Sumasama pa rin ang loob ko sa mga nagtago sa akin... pero sana mawala na 'tong nararamdaman ko. Ayokong bitbitin 'to nang matagal.

"Nasan po si Mama?" tanong ko.

"Nasa palengke at may binili. Magluluto raw ng paborito mo."

Ngumiti na lang ako. Parang halos araw-araw, paborito ko iyong inuulam namin dito. Sinabi ko naman sa kanila na tratuhin lang nila ako nang kung paano nila ako tina-trato dati... pero wala. Parang takot pa rin sila na mawala akong bigla.

"Kailan ka ba talaga babalik ng Maynila?"

Napa-tingin ako sa kanya. "Pinapa-alis niyo po ba ako?"

"Hindi, ah... Nagtataka lang ako... Hindi mo ba gustong makita si Sean?" tanong ni Papa. "At saka... Masyado na yata kayong nagiging close ni Sancho."

Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. Pero pinagpatuloy ko lang iyong paghahanda ng sandwich para sa amin ni Sancho. Wala naman kaming ginagawa. Nag-aaral lang naman talaga kami kapag nandito siya. Nag-aaral din ako kapag wala siya. Ang kaibahan lang, kapag nandito siya, nagkakaroon kami ng recitation at tinitignan niya kung tama iyong alam ko.

"Tinutulungan niya lang po ako," sagot ko.

"Hindi ba pwedeng sa Maynila na? Para makapag-usap na rin kayo ni Sean?"

"May pamilya na si Sean."

"Asawa ka pa rin niya."

"May anak na siya."

"Ganon na lang 'yun?" tanong niya. "Alam mo ba na ilang beses kitang tinanong noon kung gusto mo ba talagang pakasalan si Sean kasi pakiramdam ko e nagmamadali kayong dalawa... Pero napaka-kulit mo at sumige ka pa rin. Tapos ngayon, ganyan na lang?"

Tahimik lang ako habang tinatapos ko iyong sa sandwich. Kahit si Mama, gusto rin na bumalik na ako sa Maynila... Kailangan ko na raw kausapin si Sean...

"Dati na po 'yun, Pa," sagot ko. "Kung babalik man ako sa Maynila, ang aayusin ko lang e 'yung annulment namin."

Nakita ko iyong pagka-bigla sa mukha niya.

"Ano'ng annulment ka d'yan!"

"Tama lang naman po 'yun para maging legal na sila nung bago niyang asawa," sagot ko. Pinaliwanag sa 'kin ni Sancho na kapag nagfile na raw kami ng declaration of reappearance, automatic daw na magiging void iyong pangalawang kasal ni Sean... Kailangan kong ayusin iyon.

"Ikaw, Isobel—"

"Lyana nga po."

"Lyana," sabi niya. "Alam mong hindi papayag ang Mama mo sa annulment na ganyan. Tinanong ka namin nang maraming beses noon dahil 'di kami pabor sa mga ganyan. Kapag kasal, kasal. Baka hatakin ka bigla ng Mama mo sa simbahan sa mga sinasabi mo."

Reclaim The Game (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon