9

20.1K 652 16
                                    


TULOY-TULOY na sana ang dalaga sa elevator nang may pamilyar na tinig na tumawag sa kanya.

"Bobbie?"

Lumingon si Bobbie. "Derick..." manghang usal niya. Agad na naghinalang sinabi ng mama niya na narito siya.

Lumapit sa kanya si Derick at hinawakan siya sa braso at inakay sa tabi. Nakaharang sila sa pumapasok sa elevator.

"Ano ang ginagawa mo rito?" tanong nito. "Kahit ano ang pilit kong tanong sa mama mo'y hindi niya sinabi kung saan ka nagpunta. Bakit hindi ka man lang nagpaalam sa akin?" Pagtataka at hinampo ang nasa tinig ng lalaki.

"I-ikaw, ano ang ginagawa mo rito?" Hindi halos magdaan sa lalamunan niya ang tanong.

Lumingon ito sa reception. "May mga importanteng bisita si Vivian—Mrs. Delgado na dumating galing Australia. Pinauna niya akong samahan ang tatlo dito. Commencement exercise ng bunsong anak niya ngayong gabi."

"I see," matabang niyang sabi. Hindi alam kung paano kikilos at kung paano uusigin ang kasintahan tungkol sa nakita niya.

"Bakit hindi ka nagsabing pupunta ka rito, Bobbie?" ulit na tanong nito. "Bakit hindi mo gustong ipaalam sa akin?"

Itinaas niya ang mukha. "T-tinatapos ko na ang lahat sa atin, Derick."

"What?" Nagsalubong ang mga kilay nito at humigpit ang pagkakahawak sa braso niya. "Ano ang sinasabi mo?"

"I'm sorry, Derick," aniya sa nagbabarang lalamunan. Hindi niya inaasahan ang sandaling ito.

"But why?" Hindi maipinta ang mukha nito. "Bakit biglang-bigla? Ano ba ang problema?"

"Bakit hindi mo tanungin ang sarili mo?" wika niya sa matalim na tinig. "Anyway, gusto ko lang ipaalam sa iyo na nasa opisina mo ako noong Mierkules, bandang alas-sais ng hapon..." Kitang-kita niya ang pagkawala ng kulay sa mukha nito. Lumuwag ang pagkakahawak sa braso niya. Sinamantala niya iyon upang gamitin ang hagdan sa pagpanhik.

Akma siyang hahabulin ni Derick subalit narinig niyang tinawag ito ng isa sa mga kasama. Nakahinga siya nang maluwag at binagalan ang pagpanhik sa itaas.

Magkasamang hingal sa pagpanhik at pagkahapo sa nangyayari ang nadama ng dalaga. Ano bang klaseng bakasyon itong ginawa niya?

Hindi siya nananghalian nang araw na iyon. Hindi niya gustong makita si Derick sa dining room. 

She hated the confrontation. Inubos niya ang maghapon sa pagtulog. Bandang alas-sais ng gabi nang may kumatok sa silid niya. Binuksan niya ang pinto. Nakatayo sa labas si Derick.

"Sino sa mga big boss ang kaibigan mo at narito ka sa VIP?" tanong nito sa nag-aakusang tinig.Akma niyang isasara ang pinto subalit nakapasok na ito.

"Ano ang kailangan mo, Derick?"

Nagbuntong-hininga ang lalaki at naupo sa naroong couch. "Dine with me, Bob, and let's talk...please."

"No."

"Gusto kong magpaliwanag. Siguro naman ay entitled ako roon, 'di ba?" pakiusap nito. Hindi siya kaagad nakakibo. "Ano pa ba ang dapat mong ipaliwanag? Nakita ko kayo," she accused bitterly.

"Yes. Para ano para tumanggi? But will you let me explain and listen to my side?" Nang hindi siya sumasagot ay idinagdag ng binata. "Please, Bobbie. Hihintayin kita sa dining room ngayon." Tumayo ito at lumakad patungo sa pinto. "Kahit abutin ako roon ng hatinggabi," panghuling sabi nito bago lumabas at kinabig ang pinto pasara.

Nalilitong naupo sa gilid ng kama ang dalaga. Ano pa ba ang maaaring ipaliwanag nito? Siguro nga'y wala na kung punto de vista niya ang pag-uusapan. Pero ang kabilang isip niya'y nagsasabing may karapatan itong maghayag ng panig at walang masama kung pakikinggan niya.

Kristine 13 - Romano (UNEDITED) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon