Ikaapat na Kagat - Ikatlong Sipsip

170 31 41
                                    

Pangalan niya agad ang lumabas sa bibig ko sa oras na makalabas ako sa pintuan ng kanilang makipot na bahay.

“IVANA . . . !" sigaw kong gan'yan Dare Diary.

"Nararamdaman?"

Hinanap ko ang boses kung saan nagmula iyon at nakita ko si Ivana sa harap ng kulungan ng mga manok.

"Ampucking Alma ka! Binungi mo na naman ako!" sigaw kong ganyan sa kanya habang nakatayo pa rin sa gilid ng bahay.

"Oo at hindi pa tayo tapos!" sigaw niya't nanatili pa ring nakatayo sa harapan ng kulungan ng mga manok na ngayon ay nagpuputakan na rin dahil nabulabog sa ingay namin.

"POKPOK POKPUTAK! POKPOK POKPUTAK!" sabing gan'yan ng mga manok. Pinaparinggan yata si Ivana.

"Anong hindi? Tapos na tayo, Ivana Marawi!" sigaw kong gan'yan. Siguro'y nasa walong dipa ang layo namin sa isa't isa kaya dapat lang na magsigawan kami upang magkarinigan.

"Bambu, naririnig mo ba ang sarili mo?" tanong niya sa 'kin.

"OO, BAKIT?" sabi ko naman.

"WALA, natanong ko lang." Nagkibit-balikat pa siya Dare Diary.

"Ikaw, naririnig mo ba ang sarili ko?" tanong ko sa kanya pabalik.

Sumagot naman siya kaagad at kagaya rin ng sagot ko ang sinabi niya, "OO, BAKIT?"

"Wala lang din." Umiling pa ako.

May dumaang anghel.

Langaw pala, kaya natahimik kami ng ilang segundo hanggang sa maalala ko na galit pa nga pala ako.

"ARGH! GIVE ME BACK MY FANGS!" sigaw ko sa kanya, gigil na gigil at may paduro-duro pa.

"Ayoko nga!" sabi niya't nagpamaywang pa.

"HINDI KA TUMUPAD SA PANGAKO! MANLOLOKO TALAGA KAYONG MGA TAO!" sabi kong gan'yan Dare Diary, may panginig-nginig effect pa 'yong boses ko tapos parang mababasag ang lalamunan sa sobrang garalgal.

"Hoy! Ayus-ayusin mo 'yang bunganga mo, ha! Kung ayaw mong durugin ko ng maso 'tong pangil mo!" sabi niya at natakot ako ro'n. Paano kung pukpukin niya nga ng maso ang mga pangil ko? Oh, no! I cannot. I can't even imagine living my immortal life without fangs.

"Wala kang utang na loob!" sigaw ko sa kanya. "Pinagaling ko ang Alma mo tapos--" at hindi ko na naituloy ang sasabihin nang putulin niya ako.

"Natulog ka sa papag namin, may bayad 'yon!" sabi niyang gan'yan na ikinagulat ko talaga Dare Diary.

"Ha?" sabi kong gan'yan, nganga at tabingi ang mukha.

Sumagot na naman siya, nakikipagsigawan pa rin, "May bayad 'yon at para mabayaran mo ay 'wag ka nang tumunganga at magbunganga riyan, pumunta ka rito!"

"Packing packer! Ganito ba talaga sa mundo ninyo? Laging may kapalit ang bawat bagay? Laging may bayad ang pagtulong?" sabi kong gan'yan at mabilis akong sumibat patungo sa kanya.

"'Wag ka na ngang matanong d'yan, halika rito! Manghuhuli tayo ng manok!" sabi niya't hinatak niya pa 'ko lalo palapit sa kanya.

"Harangan mo riyan, ha? Huhulihin ko 'yong manok na pula," sabi niya sa 'kin habang pinatatayo ako sa harapan ng pintuan nitong kulungan ng mga manok.

"..."

Hindi ako kumibo at nagsimula na siyang magtatakbo sa loob ng kulungan ng mga manok. Ako nakatayo lang sa pintuan at kahit sabihin niyang harangan ko ang mga manok na lalabas ay hindi ko gagawin dahil naiinis ako sa kanya. Nakahuli siya ng apat na manok at tinalian iyon sa mga paa. Muli siyang nagtatakbo at hinuli ang lahat ng manok na pula. Ang bilis at ang liksi niya rin pala kaya kahit hindi niya na ako pagbantayin pa rito sa harap ng pintuan ng kulungan ng manok ay wala namang makatatakas sa kanya panigurado.

"Ang laki ng naitulong mo, ha?" sabi niyang gan'yan nang matapos siya sa panghuhuli sa mga manok na pula at nang bilangin ko 'yon sa isipan ay labinglima silang lahat. Wow, ang dami!

Mayamaya ay kinalagan niya ng tali ang isang manok at iniabot sa 'kin.

"O, hawakan mo! Kakatayin ko!"

Ilang ko 'yong hinawakan at hindi ko tiningnan pero nang mapatingin ako sa kanya ay dinudukot niya na naman ang Daedelus niya.

Anong hinahanap niya?

Mayamaya ay nakita ko na lang na hinahatak niya palabas sa Daedelus niya ang isang makisap at napakatalim na…

KUTSILYO?

Myghad Alma! Paano niya 'yon napagkasya sa Daedelus niya?

Hays, Doraemon talaga. Naisip ko tuloy kung kasya rin ba 'ko do'n? OGOGOGOG--OG!

"Hawakan mong mabuti! Baka makawala! Ano ba 'yan? Ang hina-hina mo naman!" sigaw niya na nagpabalik sa ulirat ko. Kanina pa pala ako tulala sa Daedelus niya at sa nang-aakit nitong guhit. Mabuti na lang hindi nahiwa ng kutsilyo iyon.

"Pa'no 'kong lalakas kung kinuha mo 'yong pinagkukunan ko ng lakas," sabi kong gan'yan sa kanya habang pinapanood siyang ihasa ang kutsilyo sa batong magaspang.

"Hawakan mo na basta, ibabalik ko rin 'tong pangil mo! Dali na, higpitan mo ang hawak… babalahibuhan ko na," irita niyang sabi.

Sinunod ko naman siya at diniinan ko ang paghawak sa pakpak ng manok at ang pagpigil sa dalawang paa nito.

"'Yan! Hawakan mong mabuti, ha? Gigilitan ko na ang leeg ng manok na pula," sabi niya at sinimulan niya nang alisan ng balahibo ang leeg ng manok.

Tinapik-tapik niya ang leeg ng manok gamit ang lapad ng kutsilyo dahilan para lalong mamula iyon at nang gigilitan niya na ang manok ay…

"AAAAAH!"

Tumili ako nang ubod ng lakas, umiwas ng tingin at pumikit.

"AY, PUCHA NAMAN TALAGA, OO! BA'T KA BA TUMITILI?" sabi niyang gan'yan at nabitiwan ko manok dahilan para magkikisay iyon sa lupa habang sumisirit ang dugo mula sa leeg niyon.

"AAAAAH!"

Nagsisigaw pa rin ako.

"Pambihira! Ikaw lang ang nakita kong bampira na takot sa dugo!" sabing gan'yan ni Ivana.

"Hindi ako takot sa dugo, sa manok na pula ako takot!" sabi kong gan'yan.

"Ay, wow? Late reaction, 'te? Ngayon mo lang na-realize?"

"Um-mm." Tumango ako.

"Bakit?"

"Puro puti lang ang manok sa 'min, e!" sagot kong gan'yan sa tanong niya pero binigyan niya ako ng tingin na hindi naniniwala.

"'Wag ka nang mag-inarte riyan! Marami pa tayong kakatayin na manok!" Hinatak niya ako pabalik sa kanya pagkasabi niya no'n.

Ginawa niya sa lahat ng manok ang ginawa niya sa isa. Ipinahawak sa 'kin ang paa at pakpak habang siya ay babalahibuhan ang leeg ng mga ito at gigilitan ng kutsilyo.

Nakapikit lang ako all the time hanggang sa…

"'Yan okay na, magpakulo ka ng tubig sa talyasi dali…" Natapos na rin sa wakas. Inutusan niya ako at sinunod naman siya.

Naglakad ako palayo sa kanya pero napahinto at napabalik din nang mapagtanto kong hindi ko alam kung saan ko kukunin ang bagay na pinapakuha niya.

"Saan?" tanong kong gan'yan Dare Diary kay Ivana.

"Ay, baka nasa pwet ko, Bambu, nagkakape! Malamang nandoon sa loob!" sigaw niya't itinuro ang bahay nila. Pwede palang magkape sa pwet? OGOGOG! Anyways…

"A . . . akala ko kasi sa Daedelus mo rin nakalagay, e!" sabi ko't humagikgik.

"Tarantado! Ba't ko ilalagay sa dede ko ang talyasi? Edi nagpuro uling 'to! Wala ka talagang masabing matino! Hanapin mo sa loob ng bahay, magpaparingas ako . . ." sagot niya at tinalikuran na ako. Natanaw ko siyang namumulot ng mga panggatong na kahoy at nanguha ng tatlong bato na malalaki.

Wow, alam niya rin pala ang bagay na iyon? Gano'n na gano'n kaming mga bagsak magluto, a!

Diary ng Bampirang Bungal ang PangilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon