15

147 9 2
                                    

15

Isang himala na nagkausap kami ni Joy nang matino kagabi.

Kahit saglit lang 'yun at kahit walang patutunguhan, seryoso pa rin siya. Kaya naman hindi na ako umasa na makikita na siya kinabukasan.

Kaso laking gulat ko nang kinabukasan ay tumambad siya sa sala. Nakasimangot, pero hindi na ako nagulat dun. Ang ikinagulat ko ay ang bangs niya!

Suot niya pa rin iyong t-shirt at pajama ko. Palihim kong tiningnan ang paa niya kaso natatabunan na iyong peklat niya na nakita ko kagabi.

Nakakapanibago, kaya naman hindi ko naitago ang pag-nganga ko. Mas lumiit iyong mukha niya. Bagay naman sa kanya ang bago niyang hairstyle. Ang cute niya pa nga, eh.

"Gulat na gulat talaga?" gigil niyang tanong sa 'kin sabay pagkrus ng braso.

"Teka, anong nangyari diyan?"

"Good morning, anak," bati ni Mama na nakangiti nang lumabas sa kusina.

Sabado ngayon at nakatoka kaming mamalengke kaya naman maaga akong nagising, pero mukhang nakabili na yata siya.

"Anong maganda sa umaga, ha?!"

Mas lalo akong ngumanga nang suminghal siya kay Mama.

"Bagay naman sa 'yo, eh."

"Anong bagay?!" sabay turo ni Joy sa bangs niya.

"Anong nangyari?" tanong ko.

"Tanungin mo 'yang magaling mong ina," sabay irap ni Joy.

Lumaki ang mga mata ko. Wala ba talaga siyang galang? Ito namang si Mama, pinipigilan ang tawa. Kinabahan ako pero mukhang wala lang naman iyon kay Mama.

"Anong nangyari, Ma?"

"Alas kwatro ng umaga, gising na siya. Mas maaga pa ngang nagising kaysa sa 'kin, eh. Sabi niya putulan ko raw ang buhok niya-"

"Tama nga," putol ni Joy. "Sabi ko putulan mo ang buhok ko, hindi iyong ganito!"

"Mas bagay kaya 'yan, sa 'yo."

Umirap si Joy.

"Teka, sabay ba kayong nagpunta sa palengke?" tanong ko.

"Sana hindi ko na lang siya sinamahan," ani Joy. "Nakakainis talaga!"

Humarap ako kay Mama. "Paano mo 'yun nagawa?"

"Pinutol ko na lang bigla," patawa niyang sabi. "Wala na siyang magawa, eh. Kaya inayos ko na."

"Bakit ang ingay?" bungad ni Lovely na kakagising lang. Kaso kaagad niyang tinuro si Joy. "Nagising lang ako, may bangs ka na?!"

"Hindi pa ba halata?" ani Joy.

"In fairness, bagay sa 'yo," si Lovely.

"Hindi nga bagay!"

"Bagay nga," ani Mama.

"Para akong kabayo nito!"

"Hindi ka mukhang kabayo," sabi ni Lovely. "Bagay nga sa 'yo, ang arte ha."

"Wow, at sa 'yo pa talaga galing, ha?"

"Gusto mo ikaw rin, Lovely?" si Mama.

"Oo, nga!" suporta naman ni Joy.

"Ayoko nga! Yucks."

"Tama na!" sigaw ko.

Natahimik sila at tumingin sa 'kin, Sumasakit na ang ulo ko sa kanilang tatlo. Gusto ko tuloy mag-impake at lumayas.

More Than Meets the EyeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon