26

130 8 0
                                    

26

Sa totoo lang, hindi naman talaga ako nahihirapan sa exam. Minsan, nagdadalawang-isip, pero hindi talaga ako umabot sa punto na walang mai-sagot. Kagaya nga ng lagi kong sinasabi, daig ko pa ang boyscout sa paghahanda.

Pero parang bumagsak yata ang tuhod ko nang marinig ang balita mula kay Ninang. Pagkaalis niya, kaagad akong napaupo at pinakiramdaman ang sarili.

Masakit sa loob na mula kay Ninang ko pa talaga nalaman ang tungkol sa nangyari. Sumasakit ang dibdib ko habang inaalala kung ano ang naranasan ni Joy. Hindi ko akalain na ganoon pala kalala.

Hindi ko rin maintindihan kung anong nangyayari. Anong ibig sabihin sa pagkaka-ospital ulit ni Joy? Ba't nataranta si Ninang?

Pumikit ako at nag-inhale-exhale, lihim na nagdadasal na sana okay lang siya. Pero lumilipad ng isip ko sa puting pasilidad na 'yun.

"Okay ka lang?" tanong ni Mama nang lumapit sa 'kin.

"O-Opo..."

"Iyong totoo, Silvester."

Napalunok ako at yumuko. "Ewan... naguguluhan po ako. Parang nag-uusap lang tayo rito tungkol sa kanya, tapos ganoon na ang nangyari."

"Gusto mo bang pumunta?" Napatingin ako sa kanya. "I mean, hindi ko alam kung pwede ba, pero pwede mo siyang kamustahin."

"Ah, hindi po." Tumayo ako. "Punta na muna ako sa kwarto."

Nang tumango siya ay kaagad akong umakyat. Napaupo ako sa kama at kinusot-kusot ang mga mata sa ilalim ng salamin.

Ilang gabi akong hindi makatulog kakaisip kay Joy. Lagi kong tinitingnan ang chat box namin pero hindi siya muling nag-online.

Nagsimula na ang semestral break at wala akong ibang ginawa kundi magmukmok at manuod ng mga palabas. Pero laging lumilipad ang utak ko papunta sa Safe Haven.

Ano na kaya ang nangyari?

"Ma," tawag ko sa kanya nang bumaba sa kusina.

"O?"

"May pupuntahan lang po ako sa mall. Magkikita kami nina Reggie."

Nakita ko ang pagngiti niya. "Sila ba talaga ang pupuntahan mo?"

Wala sa ugali ko ang pagsisinungaling. Kaya naman alam ko na alam ni Mama na may mali sa akin ngayon. Kaso nakakahiyang aminin.

Tumango ako kahit naiilang na. "Sige, po."

Lumabas na ako sa bahay at pumunta sa sakayan. Sobrang lamig ng mga kamay ko. Hindi ako mapakali. Pero kailangan ko rin kasi 'tong gawin.

May maliit na mga tindahan sa gilid ng sakayan. Para itong tiangge. Puro assorted ang mga binebenta rito. Minsan, dito na rin kami bumibili ng mga kagamitan. Bukod sa mura na, maganda pa ang quality.

Nagpunta ako roon at huminto sa tapat ng flower shop. May mga iba't-ibang bulaklak na naka-display sa labas.

"Anong atin, Kuya?" tanong ng tindera.

"Gumagawa ba kayo ng bouquet dito?"

"Opo. May mga bagong gawa po kami."

Pumasok ako sa loob at may nakitang mga magagandang bouquet. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong piliin kasi wala naman akong alam dito.

Noon, laging red roses ang lagi kong binibigay kay Mea, pero gusto ko sanang maiba naman.

"Ano po bang okasiyon?" tanong ng tindera.

"May bibisitahin lang po ako sa ospital."

Napakamot ako sa ulo, medyo nahihiya na.

Ngumiti ang tindera at binigyan ako ng bouquet na puno ng mga puting rosas. Sobrang ganda nito at ang payapa tingnan. Kaya naman binili ko na.

More Than Meets the EyeWhere stories live. Discover now