19

140 11 1
                                    

19

"Ang bilis mo naman akong mamiss."

Kaharap ko ngayon ang nakangiting Joy. Gabing-gabi na pero sinadya ko talagang makipagkita para ibalik ang folder para na rin makahingi ng sagot sa kanya.

Mabuti na lang at maliwanag ang buwan. Nasa playground ulit kami. Hindi pa siya nakabihis at parang antok na antok na, ngunit pinipilit niya pa ring harapin ako.

Bumagsak ang mga mata niya sa hawak kong folder pero hindi man lang siya nagulat.

"Ibabalik ko lang sana 'to," sabay lahad ko sa dala. "Naiwan mo kasi."

Tiningnan niya lang ito. "Alam ko. Sinadya ko rin naman kasing iwan 'yan."

Nagkunot-noo ako. Hindi ko na naman siya maintindihan. Umupo siya sa swing at tumingala sa buwan. Nakatingin lang ako sa kanya.

"Binasa mo ba?" mahina niyang tanong.

Hindi ako nagsalita. Nanatiling nakatikom ang bibig ko.

"I guess hindi mo talaga binasa." Lumingon siya sa 'kin.

"Hindi, nga. Hindi rin naman 'yan sa 'kin-"

"Pero may nakita ka, hindi ba?"

Nabitin sa ere ang mga dahilan ko. Bumalik sa akin lahat iyong mukha niya sa ID picture at iyong mga nabasa ko.

Nag-iwas na lamang ako ng tingin kasi hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin.

Nagbuntong-hininga siya at nagsimulang itulak ang sarili sa swing.

"Bakit ba kasi ang bait mo, Lester."

"Ano 'to?" sabi ko sabay lahad sa folder. "Bakit sinasabi rito na na-diagnose ka. Pasyente ka ba talaga rito?"

"So, iniisip mo na naman na baliw ako?"

"Hindi. Oo... ewan ko, Joy." Nahinto ako at tumingala na lang sa buwan. "Ba't 'di mo na lang kasi sabihin sa 'kin?"

Hindi siya nagsalita at nagpatuloy sa pagse-swing. Hinahangin iyong mataas niyang buhok pati iyong laylayan ng bestida niya.

Doon ko natanto na wala pala talaga akong kaalam-alam sa tunay niyang buhay.

"Kasi magkasalungat lagi ang mga sinasabi mo sa mga nalalaman ko, eh," dagdag ko pa. "Hindi ko na alam kung maniniwala pa ba ako. Hindi ko maintindihan."

Nang magkatinginan kami, wala akong makitang ekspresyon sa mga mata niya, kaya mas lalo akong nainis. Hindi ko siya mabasa.

Nakaka-frustrate na rin na lagi ko na lang itong tinatago. Gusto ko nang malaman.

"Sino ka ba talaga, Joy?" mahina kong tanong.

"Bakit mo gustong malaman?"

"Ayan ka na naman, eh. Lagi ka na lang ganyan. Hindi kita makausap nang matino."

"Ganito naman talaga ako, Lester. What would you expect?"

Nakipagsukatan siya ng tingin. Nagbuntong-hininga ako at umupo sa katabing swing. Nasa kandungan ko ang folder at gustong-gusto ko na itong basahin.

Pero ayaw kong magalit siya. Ayaw kong makita niya na hindi ko siya nirerespeto. At nakakainis 'yun.

"Bakit ba ganyan ang mga tanong mo?" mahina niyang tanong, patuloy pa rin sa pagse-swing.

"Gusto kitang makilala."

At totoo iyon. Gustong-gusto talaga. Pero siya na mismo ang naglalagay ng pader sa gitna.

More Than Meets the EyeWhere stories live. Discover now