30

148 8 1
                                    

30

Hindi ako makapag-isip nang maayos. Hindi ko rin alam kung ano ba dapat ang kailangan kong maramdaman.

Umuwi ako sa araw na 'yun at nagkulong sa kwarto habang nagre-replay ang mga nakita ko. Nag-iba ang paningin ko kay Joy. Naaawa ako sa kanya.

Kitang-kita ko kung paano siya nahihirapan. Kung gaano niya kagustong maayos na lahat. Sa tuwing pumapasok siya sa isipan ko, parang bigla na lang sumisikip ang mga kalamnan ko kasabay sa pagtaas ng mga balahibo.

Hindi ako makapag-focus sa pag-aaral. Imbis na sa biology ang kailangan kong i-highlight para sa darating na quiz, natagpuan ko na lang ang sarili na naghahanap ng mga libro tungkol sa psychiatry at sa mga trauma.

Gusto ko kasing malaman kung paano ba dapat mag-react sa kanila. Kung ano ba ang dapat kong gawin, kung paano sila pakalmahin. Gabi-gabi akong nagbo-browse ng mga tungkol sa sakit sa utak at kung ano ang epekto ng trauma.

Hindi man sinasabi ni Joy sa 'kin, pero nararamdaman ko na nagiging malubha na ang lahat. Nakakalungkot lang talagang isipin kung bakit niya pa ito nararanasan.

Hindi ako paladasal na tao, pero ngayon, lagi kong hinihiling na sana maging okay na siya. Desperado na ako kaya sumama pa ako kay Mama at Lovely na magsimba.

"Sinong anghel ang sumapi sa 'yo?" ani Lovely. "Himala yata at sumama ka sa 'min."

Hindi ko siya pinansin at naging tahimik lang.

"Kuya," mahinahon niyang tawag. "Okay ka lang ba?"

"Okay lang naman."

"Kung may pinagdadaanan ka, nandito lang naman ako," aniya. "Pwede mo akong pagsabihan. Marunong din kaya akong makinig 'no."

Ngumiti ako at tinapik nang marahan ang ulo niya. "Ayos lang ako."

Sinungaling.

Lagi akong binabagabag ni Joy. Hindi ako mapakali. Sobra akong nag-aalala. Kaya naman pagkatapos kong magsimba ay nagpaalam ako kay Mama na may pupuntahan muna ako.

"Ayos ka lang ba talaga, Silvester?" aniya.

"Opo, naman. May, uh, gagawin lang ako. Hindi ako magpapagabi. Promise."

Nagbuntong-hininga siya at tumango kaya naman magkaiba ang traysikel na sinakyan namin.

Malakas ang pintig ng puso ko habang naglalakad papunta sa kwarto ni Joy. Hindi ako kumportable, pero gusto ko ring makita kung okay na ba siya.

Nag-inhale at exhale muna ako bago kumatok sa pinto. Binuksan ko ito at sumilip sa loob at nakahinga nang maluwag nang makita si Joy na kumakain ng popcorn habang nanunuod sa TV.

"O, may pagkain ka bang dala?" tanong niya.

Paos ang boses niya, pero bukod roon, walang namang nagbago. Hindi siya iyong mahinang Joy na nakita ko, kung hindi iyong Joy na nagsusuot ng maskara.

"Wala, eh," sabi ko at pumasok na sa loob.

"Wala ka naman palang silbi, eh."

Napangiti ako. Bumalik na nga talaga siya.

Kumpara noong huli kong pagbisita, mas marami nang apparatus at makina ngayon Wala pa rin siyang dextrose, pero may maliit na mga bilog sa bawat sentido niya. Nagbe-beep ito ng kulay pulang ilaw.

Napansin ko rin na may tatlong camera sa kwarto, na para bang binabantayan ang bawat kilos namin.

Mahina kong kinagat ang ilalim na labi para pigilang malungkot. Kailangan kong maging masaya.

More Than Meets the EyeWhere stories live. Discover now