33

160 11 6
                                    

33

"O, bakit ang emotional mo naman?" sabi niya.

May maliit siyang ngiti habang nakalingon na sa akin. Umupo ako sa gilid ng kama at hinawakan ang kanan niyang kamay. Nakita ko na may mga sugat ito.

Naaawa ako sa tuwing tumitingin sa maputla niyang mukha. Bakit ba nagpapanggap na naman siya? Ba't pinapakita niya na naman na parang walang nangyari?

Nagkuntot-noo siya. "Napipi ka na ba? Huy, magsalita ka nga."

"Nandito na ako."

"Alam ko. Nakikita kita. 'Tsaka, ba't ka nakahawak sa kamay ko? 'Tsansing ka, ha."

Mahina akong natawa. Hinaplos ko ang kamay niya gamit ang mga daliri ko. Magaspang ito kasi namumula.

"Anong nangyari dito?" tanong ko habang nakatingin sa kamay niya.

"Ba't kita sasagutin?"

Napangiti ako. Inasahan ko na 'yun. Sa bagay, hindi naman niya talaga ako sinasagot nang maayos.

Biglang humangin nang malakas at kumulimlim ang kalangitan kaya tumayo ako para isara ang mga bintana. Hinawi ko rin ang kurtina at doon lang bumagsak ang napakalakas na ulan.

"May bagyo yata," sabi ko. Nagkunot-noo ako nang nakatitig siya sa 'kin. "Bakit?"

Umupo ulit ako sa gilid ng kama at tiningnan siya. Ang cute pa rin ng maliit niyang nunal sa tulay ng ilong. Bukod sa maiitim at malalaking eyebags, maputla at tuyong labi, siya pa rin naman ang Joy na nakilala ko.

"Ano ba talaga ang pinunta mo rito, Lester?" seryoso niyang tanong. "Nawala ka ng isang buwan, tapos babalik ka na parang wala lang. Ano ba talaga ang pakay mo?"

Napalunok ako sabay yuko. Mukhang hindi ko na yata ito matatakasan.

"Joy, seryoso ako sa sinabi ko na gusto kita. Nandito ako para malaman mo na hindi ka nag-iisa."

"Bakit? Nararamdaman mo rin ba kung ano ang nararamdaman ko? Alam mo ba ang pakiramdam ng isang baliw?"

"Hindi ka baliw, Joy."

Nag-iwas siya ng tingin. Namumula ang mga mata niya.

"Tigilan mo na 'yan kasi wala 'yang patutunguhan," sabi niya. "Wala kang maaasahan mula sa 'kin. Tingnan mo nga ang sitwasiyon ko." Tumingin siya sa 'kin. "Gusto mo pa rin ba ako pagkatapos mo 'kong makita?"

"Bakit ba ako nandito? Hindi pa ba obvious?"

Mukhang pagod na pagod na ang mga mata niya kakaiyak. Nasasaktan ako lalo na at palihim siyang humihikbi.

"Nakakahiya," aniya. "Nakakahiyang ganito ako. Ang duwag-duwag ko."

"Hindi ka naman duwag, eh."

"Kung hindi, bakit hanggang ngayon ay ganito pa rin ako? Bakit nakikita at naririnig ko pa rin ang boses nila? Bakit sa tuwing pumipikit ako, sila ang nakikita ko?"

"May mga sugat lang talagang ayaw maghilom, Joy. At wala tayong ibang magawa kundi ang tanggapin ito."

"Madali lang sa 'yong sabihin 'yan kasi hindi mo alam."

"Hindi nga," medyo tumataas na ang boses ko. "Pero nandito na ako. Sasamahan kita."

"Ginagawa mo lang ba 'yan kasi gusto mo ako?"

Hindi ako nagdalawang-isip na umiling. "Dahil kaibigan din kita."

Natahimik siya at yumuko. Kinukusot niya ang mga kamay na para bang hindi nasasaktan lalo na at may mga sugat dito.

More Than Meets the EyeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon