21

142 9 0
                                    

21

"Ma, ano ba," inaantok kong sabi. "Bakasyon ngayon. Hayaan mo ngang sulitin ko."

Tinakpan ko ng unan ang mukha kaso hinila iyon ni Mama. Madilim pa nga iyong labas ng bintana, ba't niya ako ginigising sa ganitong oras?

Unang araw ng bakasyon kaya naman kailangan kong sulitin ito. Hindi naging madali ang kolehiyo. Ilang beses nga akong napapaiyak sa mga bagsak kong quiz. Hindi talaga 'to pwede.

"Gumising ka na kasi. May naghahanap sa 'yo sa baba."

Inis kong kinamot ang ulo at napaupo, nakapikit pa ang isang mata. "Ma, naman. Sinong naghahanap sa 'kin ngayon?" Tumingin ako sa orasan sa may bedside table. "Alas tres pa, o!"

Humagikhik si Mama. "Nandito ang kaibigan mo."

"Ba't naman nila ako hinahanap? Nakakainis!" sabay kuha ko ng salamin para makita si Mama nang malinaw.

"Importante raw."

Nagbuntong-hininga ako. "Sige na, sige na. Susunod na ako."

"Sige, sige."

Lumabas na si Mama. Nag-stretching naman ako at inayos ang buhok.

Ano na naman ba ang trip nila? Babatukan ko talaga silang tatlo. Ang sarap-sarap ng tulog ko...

"Ano na naman bang kalokohan 'to?" sabi ko sabay bukas sa pinto.

Kinurap-kurap ko ang mga mata nang hindi tatlong tanga ang tumambad sa harapan kung hindi isang babae... pamilyar na babae.

"Joy?" halos pabulong kong tanong.

Ngumisi siya.

Si Joy nga! Wala na ang bangs niya at kulot ang dulo ng hanggang baywang niyang buhok. Naka-puting bestida siya at boots, pero ngayon ay disente siyang tingnan.

May suot din siyang kuwintas at bracelet. Kahit ang poste lamang ang naging ilaw namin, kitang-kita ko na hindi na siya maputla.

Wala na rin ang eye bags nito. 'Tsaka... lipgloss ba ang nasa labi niya?

Biglang lumakas ang pintig ng puso ko. Anong sasabihin ko ngayong nasa harapan ko na siya? Ilang buwan din kaming hindi nagkita... mga lima siguro o anim.

"Teka anong ginagawa mo rito?" tanong ko.

"Sabi ni Edwin, hinanap mo raw ako noong nakaraan."

Nagtaas ako ng kilay. Bigla kong naalala iyong pagpunta ko sa Safe Haven at iyong pag-uusap namin ni guard.

"Kaya nandito na ako," dagdag niya pa.

Napatitig ako sa maninipis niyang labi nang biglang may sumilay na ngiti rito. Kahit itanggi ko naman, namiss ko talaga siya.

Ilang gabi ko ring binabalik-balikan ang mga panahong lagi niya akong hinihila sa kung saan.

Nagkunot-noo ako. Hindi ko mapigilang manibago. Hindi kasi siya nakakatakot ngayon. Nakakapanibago ang malumanay niyang ngiti. Ibang-iba sa Joy na nakilala ko.

Kumaway siya sa harap ng mukha ko. "Okay ka lang?"

"Nakauwi ka na?" tanong ko. "Pasok ka na muna. Maraming lamok dito, 'tsaka malamig-"

"Saglit lang ako rito. Huminto lang ako para yayain ka."

"Saan?"

"Mamaya. 5 PM."

Nagtaas ako ng kilay. "Huh?"

Napalunok ako nang ngumiti siya sa 'kin. "Basta 'yun na 'yun. Sige, bye!"

More Than Meets the EyeWhere stories live. Discover now