Kabanata 17

878 47 4
                                    

Every 17th

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Every 17th

•••

BUONG MAGHAPON, kinalikot ko lang ata ang cellphone na iniregalo sa’kin ni Papa noong graduation ko; isang Motorola flip phone. Masaya ako dahil dito, first time ko kasing magkaroon ng cellphone, at kahit unang araw pa lang napa sa’kin ‘to, puno na ng litrato ko, litrato ni Ian, at kung ano-anong bagay na naisipan kong kuhaan ng picture. Ito na lang kasi ang nagsilbing libangan ko.

Maliban naman roon, wala na ‘kong ibang magawa pa sa cellphone na regalo ni Papa. Karamihan ng mga tao rito ay walang gadget, tanging radio at TV lang kadalasang mayroon sila. Ang p’wede ko lang sigurong tawagan o i-text ay si Mama, Tita Ning, at si Miran. 

Napapikit ang isang mata ko ng tumakas na naman ang sinag ng araw papasok ng kwarto ko ngayong hapon, tumayo ako sa kama ko para isara ang kurtina. Pabalik na dapat ako sa kama ng madaan ako sa study table ko. Nandoon kasi ang mixtape para ngayong buwan na hindi ko pa nabibigay kay Rafael, sa panahon kasi ngayon at sa pinagdaraanan n’ya, ano bang silbi nito? Baka nga wala na s’yang panahon para makinig ng musika. 

Ngayong nagsimula na ang protesta nila, wala akong iba pang balita maliban sa pagpunta nila sa munisipyo at naroon maghapon. Mukhang walang pakialam ang mga lokal na istasyon dahil walang balita patungkol sa kanila, kaya mukhang malabo naman magbigay ng pakialam ang iba. 

Kinuha ko ang cassette tape na nasa tabi ng maliit na vase kung saan nilagay ko ang bulaklak na binigay n’ya no’ng nakaraang araw. Alam ko naman na hindi magtatagal ay malalanta rin ang mga bulaklak, gusto ko lang talagang manatili pa sila sa paningin ko ng kahit ilang saglit na lang. Napagtanto ko na nakakalungkot lang na ang ikli lang ng buhay ng mga ito. Ganoon talaga siguro, ang mga magagandang bagay pa ang hindi nagtatagal.

Sa huli, naisip ko rin na wala namang mawawala sa’kin kung ibibigay ko ang mixtape sa kan’ya. Gusto ko rin namang kumustahin ang sitwasyon nila lalo na kung may pag-usad ba sa protestang naganap. 

Paalis ng kwarto at nang makarating sa sala ay nakasalubong ko si Papa, mukhang kagagaling lang nito ng bukid at tinanggal ang suot-suot n’yang balanggot.

“Sa’n ka na naman papunta?” usisa nito, nakataas ang isang kilay na mapanuri. 

“Lalabas lang po ako saglit… magpapahangin lang,” pagsisinungaling ko. Umiwas ako ng tingin para ‘di n'ya mahalata ang pag-aalinlangan sa mukha ko, gano’n pa man, ramdam ko ang titig ni Papa na mukhang ‘di kakagat sa dahilan ko.

“May hangin naman dito, ba’t kailangan mo pang lumabas?” 

“Iba ang hangin sa labas, fresh air po ‘yon,” depensa ko rito. 

“Pupunta ka na naman kina Paeng, ano?” diretso na n’ya sa’kin. 

Lumipad pabalik ang mga tingin ko kay Papa, bisto naman na n’ya ‘ko. “Sasaglit lang naman ako, Pa. May ibibigay lang ako.”

“Bawal.”

“Pa…” 

Sa tinagal-tagal ko na ‘tong ginagawa, ngayon n’ya lang ako pinagbawalan. Nakakapagtaka tuloy.

“Doon ka na siguro dapat tumira,” patuloy na pagsermon n’ya. 

Napakamot naman ako ng kilay ko. “Pa, naman e. Babalik naman ako agad…” katwiran ko. “Sasaglit lang ako, promise!”

Tinalikuran ako ni Papa, mabagal ‘tong lumakad paalis habang tuloy-tuloy pa rin s’ya sa pagsasalita. “Sabi ko na ngang bawal, aalis pa rin. Sige na umalis ka na, kunin mo na lahat ng gamit mo, makiprotesta ka na rin sa kanila, napaka kulit mo talaga. Mas makulit ka pa sa kapatid mo…”

Naging bulong na ang mga sumunod n’yang sinabi dahil habang papalayo si Papa ay lumakad na rin ako nang patalikod papuntang pinto. Mabilis akong lumabas ng bahay habang wala ang mga mata n'ya sa’kin. Ang narinig ko na lang ay ang malakas na pagtawag n’ya ng “Yngrid!” na umalingawngaw matapos sigurong makita na wala na ang kinakausap n’ya. 

Binaybay ko na ang daan papunta kina Rafael, pamilyar ang katahimikan na kaagad din nagambala nang makalapit na ‘ko sa kinaroroonan ng bukid na sinasakahan nila at ng iba pang kapit-bahay nila ni Tiyang.

Tumigil ang pagyapak ko patungo sa kinaroroonan nila, at sa may malapit na puno ng mangga ko tinago ang sarili ko. Tumambad sa paningin ko ang isang puting telang may naka-imprintang mga salitang: “IBIGAY ANG IPINANGAKO” gamit ang pulang pintura. Nakalagay ito sa labas ng kubo nila Rafael, nakatali sa dadalawang piraso ng kahoy. 

Sinilip ko ang kumpol ng mga magsasaka na kaharap ang iilang lalaking sibilyan. Sa matitigas na ekspresyon ng bawat isa sa kanila, kasama na roon si Paeng, alam kong seryoso ang usapan ang mayroon ngayon. 

“Binigyan na kayo ng sapat na oras para umalis! Tapos na ang isang buwang palugid sa inyo!” Sigaw ng isang matangkad na lalaki, tandang-tanda ko pa rin ang mukha nito. Siya ang isa sa tatlong lalaking nagmamasid-masid lang noon sa bukid at minsan kong nakausap. 

“Hindi kami pumapayag!”

“Hindi kami aalis!”

“Narito ang buhay namin! Hindi n’yo kami mapapaalis!”

Sunod-sunod na ang ingay, gumawa na ito ng kaguluhan. Walang nagpapatalo sa dalawang grupo, nalulunod sila ng ingay ng pareho nilang pinaglalaban. Sa isang banda, nakita ko si Rafael na mukhang nakikiusap sa mga lalaking sibilyan, gusto ko man marinig kung ano ang sinasabi n’ya, hindi ko magawang umalis sa kinaroonan ko. Napako ako dala ng takot. 

Nanlaki ang mga mata ko nang makitang biglaang itinulak ng isang lalaking sibilyan si Rafael, gumawa lang lalo ito ng ingay. Dumaloy ang pag-alala ko para sa kan’ya, kasabay no’n ay naikuyom ko ang palad ko dala ng inis. Bakit ba wala akong magawa? Nailabas ko na lang ang bugso ng damdamin gamit ang pagpapakawala ng isang buntong hininga. 

Ibig sabihin, walang nangyari sa protesta nila; walang nakinig, walang sumipot na Mayor Jaime sa pagtawag nila, at wala rin namang ibang gustong makisali. Kung ngayon pa lang ay impit na ang boses ng protesta nila, hindi malabo na tuluyang mapaalis sina Rafael at ng iba pang magsasaka sa lupain na minana pa nila sa kanilang mga ninuno. Sana alam ni Don Lacsamana at ng mga tauhan n’ya kung ano ang silbi ng sakahan na ‘to, kung ano ang ambag nito sa kasaganaan ng Idiyanale, lalo na ang halaga nito kung bakit may naihahain sa hapag kainan ang mga tao rito para lang gawin n’yang isang pabrika. Hindi lang s’ya basta-bastang sisira ng tahanan, sisira rin s’ya ng mga buhay na matagal ng nakatanim dito na ilang taon nang lumago.

Pero katulad ng mga taong nananahimik…isa rin ako ro’n. Nagtatago kahit alam na may maling nangyayari, nakikinig pero ‘di kayang magsalita, nakamasid pero ‘di kayang makialam. Natatakot ako na madamay kami katulad ng sabi sa’kin, at lalo na sa kung anong kayang gawin ni Don Lacsamana. 

Napanghinaan ako, kaya umalis ako sa pinagtataguan kong mataas na puno ng mangga at tumakbo pauwi. Pinili kong lisanin ang kaguluhan pabalik sa tahanan kung saan naroon ang komportable kong katahimikan

•••

Every 17thTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon