Kabanata 31

988 59 12
                                    

Every 17th

•••

HINDI KO INASAHAN KAHIT KAILAN NA SA GANITONG PARAAN KO BIBIGYAN SI RAFAEL NG BULAKLAK

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

HINDI KO INASAHAN KAHIT KAILAN NA SA GANITONG PARAAN KO BIBIGYAN SI RAFAEL NG BULAKLAK. Na mag-aalay ako sa kan’ya ng mga puting bulaklak na hindi man lang n’ya mahahawakan para tanggapin. At kapag pinakawalan ko ang bulaklak na hawak ko ay parang pinapakawalan ko na rin s’ya.

Inilapat ko sa dibdib ko ang hawak-hawak kong bulaklak, para kapag pinakawalan ko na ‘to ay sana madama ni Rafael ang yakap ko sa kan’ya gamit ito. At nang mapagdesisyunan ko nang ihulog ang bulaklak ay sumama roon ang ilang patak ng luha ko. 

Ang huling hantungan ni Rafael ay sa lugar kung saan katabi n’ya ang mapayapang puntod ng mga magulang n’ya. Napakabilis ng oras nang pamamalagi nila sa mundo, dahilan para mapaisip ako na kung mabait lang at mapagpatawad lang sana ‘to, wala akong iniiyakan ngayon.

“Dear,” tawag ni Tita Ning. Nakahawak ito sa balikat ko, bahagyang nakayakap sa’kin dahil iyon ang naging paraan n’ya para patahanin ako. 

Hinayaan ko lang ang pag-agos ng mga luha ko at hindi nag-abalang gamitin ang panyong nakayakap sa mga daliri ko. Malinaw ang sakit, pero malabo pa rin ang mga pangyayari sa’kin. Para lang akong nananaginip at hindi ako magising-gising. 

Ngayong alam ko na ang pakiramdam nang mawalan ng mahal sa buhay, napapatanong ako kung paano kinakaya ng iba na umusad matapos silang maiwan. Buong buhay ko, hindi sumagi sa isip ko na mawawala sa’kin si Rafael. Kaya ngayong wala na s’ya, ni magpaalam ay hindi ko magawa.

🎶🎵🎶

HINAYAAN NILA AKONG MAPAG-ISA. Matapos ang burol ni Rafael ay nagkulong lang ako sa kwarto ko upang umiyak, matulog, at umiyak ulit. Sa pilit kong pagtatago ng mga hikbi ko gamit ang pagkagat sa mga labi ay naramdaman ko ang hapdi at nalasahan ang iilang patak ng dugo galing doon. 

Ayokong marinig nilang umiiyak pa ‘ko. Ayoko silang abalahin na mag-alala pa sa’kin. Walang mga salita ang magkapag-iibsan at wala rin iba pang paraan. Siguro...tamang oras at panahon lang ang maaaring may kakayahan. Hahayaan ko na magluksa lalo na’t iyon ang kailangan ko at may karapatan ako. 

Kaya pasensya na, Rafael, kung hanggang ngayon lumuluha pa rin ako.

Napabangon ako mula sa pagkakahiga dahil sa iilang pagkatok sa pinto ng kwarto ko. Inaasahan ko na, na baka si Tita Ning iyon para kumustahin ang kalagayan ko, pero laking gulat ko nang bumukas ang pinto at si Ian ang tumambad doon. Agad akong napaayos sa itsura ko para sa kan’ya. Mahirap nang mahawa s’ya sa kalungkutan ko. 

Hinintay ko s’yang magsalita, kahit pa pabuka-buka s’ya nang bibig at nag-aalinlangan sa sasabihin n’ya.

“Ate, kapag binigay ko ba sa’yo ‘to, hindi ka na iiyak?” inosenteng tanong n’ya. Lukot ang mukha n’ya na sinamahan ng nakababang mga balikat. Napansin ko rin na mukhang may hawak-hawak itong bagay na itinatago n’ya sa likuran n’ya. 

Pero imbis na mapagaan no’n ang loob ko ay parang gusto ko lang ulit na umiyak dahil hindi ko kayang itago kahit sa kan’ya.

Napakagat ako ng labi ko, tiniis na lang ang sakit na dulot ng natuklap na balat. “Hindi ko maipa-promise, pero dahil galing sa’yo…” 

Lumapit si Ian sa kama ko, nakanguso ito. Sa ilang araw na nakalipas ay ngayon lang n’ya ‘ko nakausap sa matinong paraan. Kung sino man ang nagpahatid sa kan’ya patungkol sa nangyari sa Kuya Paeng n’ya naiisip ko kung paano nila napaintindi sa kan’ya.

Mula sa likuran n’ya at may inilabas s’yang tinatagong kahon na gawa sa kahoy. “Sabi ni Kuya Paeng, ibigay ko raw ‘to sa’yo. Lalo na kapag nakita kitang sad ka, gift n’ya raw ‘to sa’yo.”

Umawang ang mga bibig ko sa sinabi ni Ian, kahit abot-abot na n’ya ‘to sa’kin ay nag-aalinlangan akong kunin. Napako ang mga tingin ko roon bago nagkusa ang mga kamay ko na tuluyan na itong tanggapin.

“Bigay ‘to ni Rafael?” hindi ko makapaniwalang tanong. “Kailan n’ya ‘to binigay sa’yo?”

“Medyo matagal na. Ang sabi n’ya sa’kin, sasabihan n’ya ko kapag ibibigay ko na daw sa’yo ‘yan. Pero kung makita daw kitang sad, ibigay ko na raw para maging happy ka,” sagot n’ya.

Hinanap ko sa alaala ko kung kailan posibleng binigay ‘to ni Rafael, at naalala ko ang isang hapon. Noong hinahanap ko si Ian at nahuli na magka-usap sila ni Rafael sa labas ng bahay. Ito ang kahon na takbo-takbo noon ni Ian. 

“Ian! Ingatan mo ‘yan, ha!”

Umalingawngaw ang boses n’ya na sa memorya ko na lang maririnig. 

“Ate, huwag ka na maging sad, ha? Please,” hiling ng kapatid ko sa’kin.

Kaya tumango ako sa kan’ya kahit pa hindi ko maisasakatuparan iyon agad. Minsan ay kailangan mo rin magsinungaling para sa iba. 

Nginitian ako ni Ian, mukhang panatag na s’ya galing lang sa pagtango ko. Ibinalik ko ‘yon sa kan’ya para makumpirma n’ya na okay na ang kapatid n’ya. 

Saglit ang nilagi n’ya at lumakad na rin paalis ng kwarto ko. Nang maisara ang pinto ay tinuon ko ang pansin sa kahon na ibinigay sa’kin. Humugot ako nang malalim na hininga bago buksan ito upang makita kung ano ang nilalaman.

Cassette tapes. Ilang piraso ng cassette tapes ang nakapaloob doon, iyon lamang at wala ng iba pa. 

Pero kung galing ito kay Rafael, ibig sabihin ay hindi pa kumpleto ang pinabantayan n’ya sa’king mga koleksyon ng mixtapes kasama ng boombox at gitara n’ya noong hapon ng huling pagkikita namin. Sa isang sulok ng kwarto ko, sa may study table ay naroon nakapatong ang mga gamit na iniwan n’ya sa’kin, habang ang gitara ay katabi ko ngayon sa kama ko.

Hinugot ko ang isang cassette tape, tinignan iyong mabuti, at hindi ako magkakamali kahit pa numero lang ang tanging nakalagay roon, alam kong si Rafael ang nagmamay-ari ng sulat-kamay na ginamit. 

01/18/08 ang petsang nakasulat, isang araw matapos ang birthday n’ya. 

Tumungo ako sa study table ko bitbit ang kahon para patugtugin ang cassette tapes gamit ang walkman ko. Isinuot ko ang earphones, kasunod no’n ang pagpasok ng cassette tape para mapakinggan ang side a nito. Pero sa ilang segundo ay nahinto ang daliri ko, naghihintay na mabuo ang lakas ng loob para masimulan na itong patugtugin. Pumikit ako at kusa nang pinagalaw ang daliri ko sa kung anong dapat nitong gawin.

Doon, nahulog ang puso ko na s’ya lang naman ang may hawak-hawak hanggang ngayon.

Sa unang kanta pa lang ng liriko, boses na agad ni Rafael ang umawit sa tainga ko. Kapares nito ang pagtugtog ng gitara para kantahan ako ng sikat na kanta ng Parokya ni Edgar na Your Song.

Niyakap ko ang walkman, dinadama ang pagkanta n’ya. Nang sa ganoon, kahit boses na lang n’ya ang yumakap sa’kin habang umaagos ang mga luha na ayaw pa rin magpatigil.

Nahinuha ko na ito ang pinangako namin sa isa’t isa noong birthday n’ya. Ito ang mixtapes na kapalit ng mga binigay ko sa kan’ya. Akala ko, espesyal na ang mga ginawa kong mixtapes at ako lang ang nagpapahalaga sa mga iyon, pero nagawa n’yang mas gawing espesyal ang kan’ya dahil s’ya ang mismong kumakanta.

Sa huli, kahit kailan, hindi kinalimutan ni Rafael ang kasunduan naming dalawa.

•••

Every 17thTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon