Kabanata 1: Obra Maestra

141 8 17
                                    

[Kabanata 1: Obra Maestra]

Pampanga, 1830

LAHAT ng serbidora, trabahador, guardia personal at ginagalang na mga panauhin ay abala sa natatanging pagtitipon sa loob at labas ng mansion. Kung saan, ang may-ari nito ay isang kilalang negosyante at may malawak na sakahan sa kanilang bayan. Ang mga katagumapayan nito ay kinikilala sa kalakhang Maynila.

Puno ng mga lampara ang bawat sulok ng tahanan na dinagdagan pa ng mga eleganteng dekorasyon, muwebles, iba't ibang uri ng mga obra na nakasabit sa bawat pader at mga hapag na napupuno rin ng puti, kahel at gintong kulay na bumabagay sa kabuoan ng mansion.

Sinasabayan pa ito ng nakasisiyang musika mula sa iba't ibang uri ng instrumento na pinapatugtog ng inupahang orchestral. Ang lahat ay nakikisaya sa selebrasyong pinaghandaan ng pamilya Villanueva.

"Nagagalak ako't pinaunlakan niyo ang aming imbitasyon," nakangiting saad ng don at kinamayan niya ang kaniyang amigo. Siya ang padre de pamilya ng marangyang mansion na pinagdarausan ng pagtitipon.

Si don Francisco Villanueva. Ang tinitingalang negosyante na may malawak na sakahan ng palay, tubo at may mga kamalig kung saan pinoproseso ang mga magagandang kalidad ng alak na gawa sa ubas.

"Hindi kita matatanggihan, amigo. Malugod kong pauunlakan ang bawat tagumpay na makakamit ng inyong pamilya." nakangiti ring saad ni don Armando Aguilar saka nakipagkamay din pabalik.

Siya ay isang haciendero na madalas na namimili ng mga lupa sa iba't ibang panig ng bansa. Ipinagbibili niya rin ito sa kaniyang mga parokyano sa mas malaking halaga. Isa sa kaniyang mamimili si don Francisco na bumili sa kaniya ng lupang sakahan noong nakaraang taon.

"Nawa'y masiyahan kayo ngayong gabi." wika ni don Francisco saka inilahad ang isa pang kamay patungo sa direksyon ng mga taong nagsasalo-salo sa iba't ibang mamahaling pagkain.

"Aking sisiguraduhin iyon. Ipinaabot ko rin ang aking pagbati sa iyong anak," malugot na tugon ni don Armando saka inabot ng dalawang kamay ang kaniyang unica hija na katabi ng asawa nito matapos niyang makipagkamay. "Aking nararamdaman na magiging matalik na magkaibigan ang ating mga hija."

Tumango naman si don Francisco saka kinilatis ang nag-iisang dalaga ni don Armando. Iyon si Maria Marietta Aguilar, labinwalong taong gulang. Mahinhing binibini at ang hilig ay magburda ng mga kasuotan at iba't ibang bagay na yari sa tela. Ang suot pa nitong puti de krema na ba baro't saya ay gawa niya rin mismo.

Ang katabi nito ay ang kaniyang ina na si donya Joselita Aguilar na tahimik lamang na nagmamasid sa paligid. Katulad ng kaniyang anak, hindi ito nakihahalubilo sa mga tao. Para sa kaniya, walang mapagkakatiwalaang sinuman na kasalungat naman ng kaniyang asawa.

"Tinitiyak kong magiging magkaibigan sila," sang-ayon naman ni don Francisco na sinabayan naman ng dalawang tango at ngiti sa direksyon ni Marietta ngunit nakatungo lamang ito.

"Siya nga pala, Amigo. Nasaan ang iyong bunsong anak?" pag-iiba ng usapan ni don Armando dahilan upang maputol ang kuryosidad sa mga mata ng amigo. Ngayon lamang nito nakita ang pamilya ni don Armando kung kaya't nahihiwagaan siya sa katahimikan ng mag-ina nito.

"Nasa silid-pintahan pa ang aking anak," tugon naman ni don Francisco saka muling ngumiti sa amigo. Iginala niya ang kaniyang mga mata sa paligid at nasumpungan niyang papalapit ang kaniyang asawa sa kanilang kinalalagyang lugar malapit sa bukana ng mansion.

"Corazon, nasaan si Louisa?" biglaang tanong ni don Francisco na bahagya pang lumayo sa kaninang kausap. Pabulong lamang ang kaniyang sinaad ngunit maririnig naman iyon ng kaniyang asawa. "Akin lamang pupuntahan, Francisco. Nasa silid-pintahan pa rin siya ngayon," nakangiting tugon naman ni Donya. Siya si donya Corazon Villanueva. Ang ina ng tahanan.

Guhit, Sukat at TugmaWhere stories live. Discover now