Kabanata 16: Huling Sandali

45 1 2
                                    

[Kabanata 16: Huling Sandali]

KAKATAPOS lamang ni Louisa sa kaniyang pagpinta, ito ay ang araw at ang buwan na magkayakap sa dilim na pinalilibutan ng mga bituin. Isinara na niya ang libro ng mga obra na ibinigay ng kaniyang ama noong kaarawan niya.

Ganap na alas cuatro na ng hapon at kailangan na niyang isarado ang capiz ng bintana sa kaniyang silid pinatahan. Kumuha pa siya ng maliit na upuan na nasa tabi nito dahil hindi pa siya gaanong matangkad sa edad na labintatlong taong gulang.

Isasara na niya sana ang bintana nang mapagawi ang kaniyang paningin sa maliit na burol ng kanilang sakahan. Nakauwi na ang mga trabahador nila ngunit kataka-takang may isang binatilyo na nakaupo doon katabi ng magkadikit na puno ng Narra at Acacia.

Kumunot ang kaniyang noo nang suriin niya ang lalaki. May hawak itong pluma at nakadantay sa mga hita nito ang isang kwadernong itim habang nakamasid sa papalubog na araw.

Nakatalikod ang binatilyo sa gawi ng bundok Arayat, kung kaya't nakatagilid ang wangis nito na siyang tanging nakikita ni Louisa, matangos ang ilong nito, makapal na kilay at manipis na mapulang labi. Nakasuot ito ng isang uniporme ng mga sekondarya na nahihinuha niyang nag-aaral sa paaralan malapit sa kabisera ng Angeles.

Nanlaki ang mga mata ng batang si Louisa nang makilala ito. Tama ang kaniyang hinala na ang lalaking iyon ang madalas niyang makita sa tuktok ng burol sa parehong oras, hawak, pananamit at posisyon. Tila doon nakita ng batang lalaki ang kapayapaan ng magulong mundo.

Napalingon ang lalaki sa gawi ni Louisa, dahil sa pagkabigla ay napasinghap siya saka napahakbang paatras. Dahil sa kaniyang ginawa ay nalaglag siya mula sa tinutuntungang upuan hanggang sa kahoy na sahig ng kaniyang silid pintahan. Napadaing siya sa sakit na natamo dahil may kataasan ang nilaglagan niya at tila nabali ang kaniyang balakang.

"Susmaryosep, anong nangyari, Louisa?!" gulat na usisa ng dalagitang si Francisca matapos niyang buksan ang pinto ng silid. Mula sa salas kung saan nagpapatugtog siya ng marahang simponia ay dali-dali siyang pumanaog sa silid ng bunsong kapatid nang maulinigan ang malakas na kalabog sa itaas.

"N-nagkamali lamang ako ng pag-apak sa upuan, ate." tugon ni Louisa habang marahang tumatayo sa sahig. Napatuon ang kaniyang magkabilang kamay sa maliit na upuan upang maalalayan siya nito sa pagtayo. Agad din namang umalalay sa kaniya si Francisca na nag-aalala pa.

"Sinabi ko na sa iyo na ako na ang magsasara ng bintana, hindi ka pa gaanong katangkaran! Paano kung nabalian ka sa iyong ginawa? Ayos ka lamang ba?" litanya ni Francisca habang pumapalatak. Kahit kailan ay hindi nagtatanda ang bunso niyang kapatid sa mga pangaral niya at ng kanilang ina.

"Ayos lang naman ako, ate. Maliit na bagay, ako'y tumatanda na rin. Itong pagkakalaglag ko ay kasama sa aking pagdadalaga!" dahilan ni Louisa sa pabiro nitong tono. Umiling lamang si Francisca sa pilyang tugon ng kapatid saka sinuri ang mga braso at tuhod nito kung may mga pasa ba ito o galos. Tiyak siyang mag-aalala rin ang kanilang ama rito kapag napansin na ito ay may pinsala.

"Ano bang pinagagawa mo sa bintana?" tanong pa ni Francisca nang mapaupo niya ang kapatid sa katabing upuan, pinapagpagan ang saya nito na may kaunting gusot at alikabok. Natigilan si Louisa sa huling katanungan ni Francisca.

Muli niyang naalala ang lalaki na tinatanaw niya mula sa bintana. Nag-aalangan siya kung sasabihin niya ba ang dahilan ng pagkakalaglag niya sa kaniyang ate o hindi. Batid niyang magiging iba ang dating ng tagpong iyon sa kaniyang ate at sabihan pa siya nito na may napupusuan na siyang ginoo.

"L-louisa?" nag-aalalang tawag pa ni Francisca sa kapatid dahilan upang magbalik sa reyalidad si Louisa. Ngumiti lamang ng marahan si Louisa saka umuling. "M-marahil ay dala na ito ng gutom kung kaya't nahulog ako. Manunumbalik ang aking lakas kung ipagluluto mo kami ng masarap na putahe sa hapunan!" dahilan ni Louisa sa masigla nitong tono.

Guhit, Sukat at TugmaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon