Kabanata 14: Handa sa 'Di Tiyak

21 3 0
                                    

[Kabanata 14: Handa sa 'Di Tiyak]

"TIYAK ka bang napuruhan si Joaquin?" nakangising tanong ni Simion kay Leonardo. Malapit na ang paghihigpit kung kaya't iilan na lamang ang lamparang nakabukas sa bawat calle sa Tondo. Kasalukuyan silang nasa kalesa mula nang kunin nila ang ilang gamit ni Leonardo sa dormitoryo.

"Ako'y nakatitiyak, kuya. Nasuntok na siya ni Elyong sa mukha at pumangalawa naman ako!" tawa ni Leonardo habang nasa harapan ni Simion. Hindi niya inaakala na matutuwa pa ito sa binalita, hindi na siya magtataka kung magagalit ito kay Joaquin dahil sa pangungutya nito sa kanya at sa kanilang ama.

"Talagang karapat-dapat sa kanya iyon. Wala siyang karapatan na kutyain tayong mga Monteverde." nakangising wika ni Simion habang inaayos ang kaniyang salamin sa mata dahil nagamit niya ito kanina. Ang kaniyang pagtawa ay nalalayo sa dati nitong ugali na seryoso sa buhay, bagay na nakakapanibago kay Leonardo.

"Naninibago talaga ko sa iyo, kuya Simion. Tila napakasaya mo ngayon kumpara dati." pag-iiba ng usapan ni Leonardo na nagpangiti lalo kay Simion. Hindi mapigilan ng binata na mahiwagaan sa mga ngiting iyon ng nakatatanda niyang kapatid.

"Wala ito, sadyang masaya lamang ako," wika ni Simion. Ang totoo ay tutulungan siya ni Andres na idala siya sa kilala nitong musikero sa Espanya. Iyon ang kaniyang kondisyon sa kapatid, ang hayaan siya bilang isang kompositor sa ibang bansa. "Noon ay ibig ko nang bitawan ang aking mga pangarap. Ngunit, nagising na lang ako dahil sa sinabi ng iyong nobya." hirit pa nito saka tinignan ng nakakaloko ang kapatid.

"Ang tinutukoy mo ay si binibing Louisa? Hindi ko pa siya nobya," wika ni Leonardo saka umiwas ng tingin sa kapatid. Nilaro niya sa kaniyang kamay ang pluma na kanina niya pang hawak-hawak. "Marahil ay magiging pa lang." dagdag pa niya habang nakatingin sa madilim na batuhang calle. Kahit na itanggi niya, umaasa siyang mangyayari ang kaniyang ibig.

"Iyon ay kung nabasa na niya ang iyong liham. Doon tayo sa salitang marahil." panunukso ni Simion habang nakahalukipkip paharap sa kaniya. Napatingin sa kaniya ni Leonardo na may pabirong matalim na tingin, "Huwag mong sirain ang gabing ito, kuya." umiling siya at tumingin ulit sa kawalan. Ngayon ay ang lakas nang mang-asar ni Simion sa kaniya.

"Ang gabi ni ama ang iyong sisirain dahil sa sira mong pagmumukha!" hirit ni Simion, bumalik na naman ito sa pamilyar na tono kung saan ay tila isa itong aburidong ama. Nilingon siya ni Leonardo at nginisian, "Ang suntok at galos nga ay hindi ko ininda, iyon pa kayang hampas ng mga sinturon ni ama?"

"Tignan natin mamaya, tiyak akong ipapaalala niya na naman sa iyo ang tatlong bagay." ngising muli ni Simion ngunit sa pagkakataong iyon ay tila pananakot na kay Leonardo. Nagkibit-balikat na lamang siya at pinagmasdan ang nilalarong pluma. Iyon lamang ang posisyon nila hanggang sa makarating sila sa harapan ng kanilang tahanan.

"M-may bisita si ama?" biglaang tanong ni Leonardo nang makababa sila. Kasalukuyan siyang tumutulong sa pagbaba ng dalawang maleta na ibinababa ni Simion at ng kutsero. Nilingon siya ni Simion at sinundan kung saan nakatingin si Leonardo. "Hindi ko batid." tugon nito sa kaniya.

Nagpatuloy sila sa ginagawa hanggang sa mabayaran na nila ng karampatang salapi ang kutsero. Tunog ng mga yabag ng kabayo ang maririnig nang dahan-dahan nilang buksan ang tarangkahan. Batid nilang gising pa ang lahat dahil bukas pa ang lahat ng lampara sa buong kabahayan. Nakita pa nila si Romeo sa tapat ng bintana na may ginagawa.

Bitbit ang paboritong maleta at isang malaking maleta ay dahan-dahang naglakad si Leonardo papasok. Sasawayin sana siya ni Simion ngunit batid niyang kalokohan na naman ang iniisip nitong gagawin. Umiling na lamang siyang sumunod sa kapatid. Nakita niyang sumilip ito sa bintana na halos kalapit ng pintuan ng kanilang tahanan.

Guhit, Sukat at TugmaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon