Kabanata 3: Rosas sa Ilalim ng Buwan

38 6 11
                                    

[Kabanata 3: Rosas sa Ilalim ng Buwan]

MATAPOS ang walang imik na paglalakbay ng pamilya Monteverde, mula sa mansion ng mga Villanueva ay agad silang tumungo sa bahay-panuluyan na matatagpuan sa isang liblib na bahagi ng Angeles. Lumalalim na ang gabi at ang iilang huni ng kuliglig lamang ang maririnig sa paligid kahit na napupuno ng mga kalesa ang paradahan ng gusali.

"Ito ho ang susi para dalawang silid sa dulo ng pasilyo sa kanan ng ikalawang palapag." salaysay ng isang tagapangalaga ng susi ng buong bahay panuluyan kay huwes Romano at sa mga anak nitong lalaki. Tumango naman ang huwes matapos makuha ang dalawang susi at walang salita na humakbang patungo sa kahoy na hagdan ng gusali.

"Maraming salamat po, ginang." saad naman ni Andres saka yumukod sa matanda na ngumiti at nagbigay-galang din sa kanila. Paraan ito ng matanda upang maging magiliw sa mga parokyanong alta na nagpapalipas ng magdamag sa kanilang bahay-panuluyan.

"Sa salas muna kayo, Andres at Simion," seryosong saad ng huwes na nagpatigil sa paghakbang sa dalawang naturang pangalan. "Sumunod kayo sa akin, Leonardo at Romeo." nagsimula na itong humakbang patungo sa ikalawang palapag. Nabato naman ang dalawang huling nabanggit ng kanilang ama. Wala na silang nagawa kundi ang sumunod na lamang.

Naunang pumasok sa pinakadulong silid si huwes Romano dahilan upang matigilan sina Leonardo at Romeo sa tapat ng naka-uwang na pinto. Kapwa sila nagkatinginan sa isa't isa at sabay na napalunok ng malapot nilang laway dahil sa kaba. "Pumasok na kayong dalawa. Hindi ko ugaling maghintay,"

Napa-iktad ang dalawa sa malamig at baritonong boses ng kanilang ama. Wala sa wisyong pumasok sila sa silid. Sumalubong sa kanila ang ama na kakatapos lang magsindi ng dalawang lampara sa magkabilang bahagi ng kama na maayos ang pagkakasalansan ng makapal na kumot at unan.

Nagmistulang bato sa kinatatayuan sina Leonardo at Romeo sa bukana ng pintuan nang maisarado nila ang pinto. Malalamig na butil ng pawis ang namuo sa mga noo nila. Tila maalinsangan ang paligid kahit na bukas ang bintanang gawa sa capiz ng silid.

"Nakarating sa akin ang inyong ginawang pag-aasal bata. Ayon kay Simion, puro paglalaro ang inyong inaatupag mula pa sa ating paglalakbay," panimula ni hukom Romano saka hinugot sa suot na pantalon ang makapal at matibay na uri ng sinturon. Ipinulupot niya iyon ng tatlong beses sa kanyang palad at seryosong tumitig sa dalawang anak.

"Hubarin niyo ang inyong pantalon at tumalikod kayo!" mariin ngunit pabulong na utos nito. Napalunok na lamang ang dalawang binata habang ginagawa ang utos ng ama. Matitikman na naman nila ang bagsik ng sinturon ng ama.

"Nagugunita niyo pa rin ba ang aking tinuran sa inyo?!" mariing tanong ni huwes Romano saka humakbang papalapit sa likuran nina Leonardo at Romeo. "O-opo, ama," halos sabay na tugon naman ng dalawa. "Ano ang tatlong bagay na iyon?" tanong muli ng huwes.

"Ipairal ang mga disiplinang itinuro ng mga magulang sa bawat sandali ng aming buhay," sabay na wika nina Leonardo at Romeo. Napapikit silang dalawa nang maramdaman ng kanilang puwetan na natatakluban ng kanilang panloob ang isang malakas na hampas ng sinturon na nanunuot sa kanilang kalamnan.

"Ano ang pangalawa?!"

"Ang pagiging masunurin at pakikinig sa mga babala at pangaral ng mas nakatatanda ay hindi nararapat na salungatin," napapikit muli sina Leonardo at Romeo nang dumapo muli ang malakas na hampas ng sinturon. Napaungol sila nang mahina dahil sa naramdaman.

"At ang pangatlo?!" halos hinihingal na tanong muli ni huwes Romano. Nagpipigil lang siya ng galit na maaaring makapambulahaw sa ilang tao na tumuloy sa bahay-panuluyan.

"May karampatang parusa para sa mga taong lumalabag sa batas ng tahanan, kumonidad at bansa." isang napakalakas na hampas muli ang nasumpungan ng dalawa nang matapos nila ang pagsasalita. Halos madurog ang kanilang buto sa hita at mawalan sila ng balanse sa huling hampas na iyon.

Guhit, Sukat at TugmaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon