Kabanata 17: Ang Pinatay na Mga Lihim

43 3 5
                                    

[Kabanata 17: Ang Pinatay na Mga Lihim]

"SA mga susunod na araw ay ihahanda na kita sa pamamanhikan. Pag-uwi ng nagiisang dalaga ng aking amigo mula sa Inglatera ay iyon na ang unang hakbang patungo sa iyong buhay may asawa." litanya ni huwes Romano habang ipinapakita sa kaniya ni Andres ang mga papeles ng mga kasong hinahawakan ng ama nito. Kahapon pa niya ito natanggap mula sa pinagkakatiwalaan nilang kartero.

Natigil siya sa pagbabasa ng mga papeles na nakasaad sa wikang Español nang makita niya si Andres na nakatulala sa kawalan. "Nadirinig mo ba ako, Andres? Iyong pagbigyan ng pansin ang bagay na iyon." puna ni huwes Romano dahilan upang mapalingon sa kaniya si Andres.

"Nakausap mo na ba si don Gustavo kagabi?" usisa pa ng don na agad namang tinanguan ni Andres. "Maayos naman ho akong nakitungo kay don Gustavo," tugon ni Andres kahit nagaalangan pa siya sa sasabihin. Ang totoo niyan ay lango siya sa alak noong gabi at naghilamos pa siya sa palikuran bago harapin ang ama ng kaniyang magiging katipan.

"Mabuti..." tanging saad lang ni huwes Romano dahil napansin niya ang tila kakaiba nitong presensya na bibihira niya lamang nakikita sa tuwing nag-iisip ng malalim ang kan'yang nakatatandang anak.

"May mga bagay na gumugulo sa iyo," wika niya sa siguradong tono, hindi niya ibig magmukhang nagtatanong o nagaalala ngunit kahit na ganoon ay ibig niyang mag-usisa. Sadyang hindi niya nakasanayan na usisain sa malambing na tono ang mga anak.

Napalingon sa kanya si Andres at nakita niyang tinipon ng huwes ang mga papeles na binabasa at saka itinuktok sa ibabaw ng lamesa upang magpantay ang bawat talulot ng mga ito. Napatikhim na lang ang binata at napatingin sa plumang itim na nakasandig sa bote ng tinta.

"Aking napapansin sa mga kinikilos ni Leonardo ang lumbay sa ideyang magpapatuloy siya ng pag-aaral sa Espanya, ama." tugon niya. Kahit na hindi niya sabihin ng detalyado ay alam niyang napapansin din iyon ng kanilang ama sapagkat ito ay obserbatibo. Ang layunin niya lamang ay buksan ang usapin na iyon.

"At alam kong hindi lang dahil sa gulong kinasangkutan ni Leonardo ang dahilan ng inyong pagpapasya," wika pa ni Andres sa seryoso at naniniguro nitong tono. Walang pagdududa na ang katangian ng binata ay siyang nahahalintulad ng lubos kay huwes Romano.

"Hindi na siya dapat pang masangkot sa gulong ito. Kilala mo ang kapatid mong iyon, padalos-dalos sa mga desisyon. Damdamin ang una niyang ipinaiiral, hindi ang isipan," wika ni huwes Romano. Kinuha niya ang pluma at bote ng tinta na kanina pang tinititigan ni Andres saka inilagay sa tukador ng kaniyang opisina.

"Ang padalos-dalos na pag-kumpas ng kamay sa isang pluma ay maaring makapagdulot ng kasiraan sa sinimulang pangungusap." dagdag pa ni huwes Romano saka mataman na tumingin sa anak matapos niyang iligpit ang mga papel at plumang nagkalat lang kanina sa kaniyang lamesa.

"Ngunit maari pa ring mabasa ang pangungusap na iyon kung ipagpapatuloy ng taong may prinsipyo ang kaniyang nasimulan." pangangatuwiran ni Andres na nakatingin din sa mga mata ng ama. "Kilala niyo rin si Leonardo. Siya ay may paninindigan at prinsipyo. Handa siyang lumaban sa panig ng tama at ng kaniyang mga paniniwala." dagdag pa niya na naging dahilan upang hindi na makaimik pa si huwes Romano.

"May iba pang dahilan si Leonardo kung bakit ibig niyang manatili. Pag-ibig... Ang natatanging bagay na nagiging dahilan natin kung bakit tayo lumalaban." wika pa ni Andres. Kahit hindi niya palawakin ang sinabi, nababatid niyang ganoon din ang dahilan ng kanilang ama kung bakit sinuong nila ang gulong kasasangkutan. Bukod doon ay nabanggit din kagabi ni Simion na may sinisinta si Leonardo ng palihim.

Lahat ng tao ay pare-pareho ng dahilan kung bakit sila patuloy na lumalaban sa buhay. Pag-ibig na iba't iba ang dahilan sa iba't ibang aspeto ng buhay.

Ilang saglit pa ay nakarinig sila ng ilang katok na nagmumula sa kulay tyokolateng pintuan ng opisina. Napatayo si Andres sa kinauupuang silyon at saka tingungo ang pintuan upang pagbuksan ang kumakatok na iyon.

Guhit, Sukat at TugmaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon