Kabanata 13: Ang Limang Tula

24 4 3
                                    

[Kabanata 13: Ang Limang Tula]

MATAPOS ang misa ay mabilis na lumabas si Leonardo sa simbahan ng Angeles patungo sa kanilang kalesa. Hindi na niya hinintay pa si Simion dahil mula nang makita niya ang pamilya Villanueva kaalinsabay ng mga Dela Rama ay hindi na niya makayanan pa ang nakakailang na presensya sa loob.

Dalawang uri ng pakiramdam ang nararamdaman niya, galit para kay Joaquin at pangamba dahil baka nabasa na ni Louisa ang kaniyang liham. Hindi pa niya handang harapin ng mahinahon ang isang Dela Rama, gayon na rin ang dalagang Villanueva na batid niyang mas pinagtutuonan ng pansin ang pangarap kaysa sa pag-ibig.

Pagkasakay niya sa kalesa ay namataan niya si Simion na parang patay-malisya sa paligid habang naglalakad papalapit sa kalesa. Halos kalapit lang niya ang dalawang pamilya na iniiwasan ni Leonardo. Nakabihis ito tulad ni Leonardo dahil didiretso na sila sa Tondo ng maaga upang hindi sila abutin ng gabi.

"Hindi ko alam kung bakit ka umiiwas ngunit bahala ka sa iyong mga hakbang. Nagawa ko na ang aking pinangako sa iyo." wika ni Simion nang makasakay siya sa kalesang inupahan. Tumango naman si Leonardo at umiwas ng tingin sa mapanuring mga mata ng nakatatandang kapatid. Nagsimula nang tumakbo ang kabayo.

"Hindi ako binabagabag ng magiging tugon ni binibining Louisa sa aking liham. Ngunit nangangamba ako sa maidudulot niyang sakit dito," itinuro ni Leonardo ang kaniyang dibdib kahit na nakamasid siya sa maaliwalas na paligid ng Angeles. Maraming taong may kanya-kanyang ginagawa at mga tindahan na inaaliw ang mga mamimili.

"Kung ano man ang mangyayari sa mga susunod na panahon, mainam na ihanda mo ang iyong sarili at damdamin. Nang sa gayon, hindi ka na maapektuhan pa." tugon ni Simion. Napabuntong-hininga siya saka inayos ang suot na abrigo. Hinubad niya rin ang suot na sumbrelo at isinilid sa kaniyang maleta kasama ng salamin sa mata na ginamit sa pagbabasa ng mga awitin at dasal sa simbahan.

Walang naging tugon si Leonardo sa mga huling sinabi ni Simion. Nalulunod siya sa mga isiping tumatakbo sa isipan niya. Paulit-ulit na rumerihistro sa kaniyang isipan ang mga pangungusap na sinulat niya sa liham.

Hindi niya batid kung anong mararamdaman ng dalaga kapag nabasa iyon ngunit alam niya sa kaniyang puso na lubos na katapatan ang binuhos niya sa liham.

Ilang sandali pa ay nahagip ng kaniyang mga mata si Andres na nakatayo habang tila nagtatago sa isang eskinita at puno sa tabing kalsada. Tinitigan niya ito ng mabuti at nakumpirma niyang ito nga ay ang nakatatanda nilang kapatid.

Nakita niyang pumasok ito sa isang paupahang tahanan na katapat ng liwasan. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita ang pamilyar na matandang babae na nagbukas ng pinto para rito.

"K-kuya Simion, hindi ba nasa Norte si kuya Andres? Ngunit bakit mukhang tumutuloy siya sa wari ko'y tahanan ni tiya Silvacion? May alam ka ba---" hindi na natapos pa ni Leonardo ang sasabihin nang lingunin niya si Simion at napansin niya na ito ay nakaidlip na sa kinauupuan.

Lumingon siya sa kutsero at akmang magsasalita upang itigil ang kalesa ngunit biglang nagbago ang kaniyang isip. Sa huli ay nilingon na lamang niya ang lumalayong tahanan ng kaniyang tiya na napapaligiran ng iba pang tahanan at barong-barong. Wala rin naman siyang mapapala kung uusisain iyon, tiyak na alam ng kanilang ama ang ginagawa ngayon ng kanilang kuya Andres.

Batid niya na tanging ito lang ang higit na mapagkakatiwalaan ni huwes Romano. Ito lang ang natatangi sa kanilang apat na may naabot nang pangalan sa larangan ng abogasya at sa mundo ng hukuman.



TAHIMIK na kumakain sa hapag si Romeo at ang kaniyang ama. Wala sina Andres, Simion at Leonardo kung kaya't walang lumalabas na usapan sa pagitan ng mag-ama. Parati lang naman kinakausap ni huwes Romano si Romeo kapag pinapaalalahanan ito sa pag-aaral o hindi kaya ay nakakakuha ito ng mababang marka.

Guhit, Sukat at TugmaOnde histórias criam vida. Descubra agora