Kabanata 7: Ang Abaniko

25 5 3
                                    

[Kabanata 7: Ang Abaniko]

"MAGANDANG umaga, binibini. Narito nga pala ang iyong abaniko," sinimulang buksan ni Leonardo ang kaniyang dalang maleta ngunit agad siyang nahinto nang maulinigan ang hindi pamilyar na boses ng babae.

"A-anong abaniko, ginoo?" tanong ng dalaga dahilan upang manlaki ang mga mata ng binata. Hindi tuloy maintindihan ni Leonardo ngunit hindi siya makalingon sa kaharap na dalaga dahil sa kahihiyan. Nahinto iyon nang may tumawag sa kaniyang pangalan.

"Leonardo!" pasigaw na saad ni Andres habang bumababa sa hagdan. "Kuya Leon!" suway din ni Romeo na nasa likuran naman ng kaniyang kuya Andres. Tulad nito, nagmamadali rin siyang bumaba sa hagdan sapagkat kanina niya pa nakita si Leonardo na gumagawa na naman ng mapangahas na mga bagay.

Napalingon sa kanila si Leonardo na may pilit na ngiti habang kumakamot sa kaniyang batok. Kasabay niyon ay ang pagkadismaya dahil hindi pala ang inaakala niya ang binibining kaharap. Isinara niya rin agaran ang hawak na maleta sa takot na malalaglag roon ang abaniko ni Louisa, "Kuya Andres, sa wakas ay muli tayong nag---"

"Ano ang iyong ginagawa?" hila ni Andres kay Leonardo upang hindi mapakinggan ng bisita nilang dalaga ang kanilang usapan. "Paumanhin, kuya. Ang akala ko ay isa sa mga nililigawan mong binibini," palusot ni Leonardo na ikinailing naman ni Romeo sa isang tabi. Nang makita nito ang dalaga ay yumukod siya at bumati.

"Anak iyan ni don Armando Aguilar, ayusin mo ang iyong ikinikilos. Maari kang mapahamak sa kapahangasang ginawa mo kay binibining Marietta!" Mariing bulong ni Andres na agad namang ikinatango ni Leonardo. Napa-palatak na lamang ang nakatatanda niyang kapatid.

"Kay pusok mo talaga sa mga binibini, kuya Leon. Paano kung sampahan ka rin ng kaso nito katulad ng ginawa ni---" naputol ang pasingit na sermon ni Romeo nang takpan ni Leonardo ang bibig nito. "Hehe, marahil ay gutom na itong si Romeo kaya kung ano-ano ang kaniyang mga sinasabi, kuya Andres." saad ni Leonardo saka mariing tinakpan muli ang bibig ni Romeo na parang lalagutan niya ito ng hininga.

"Bueno, handa na ang agahan. Siyang naririto ka na rin, Leonardo, sumabay ka na sa amin." saad na lang ni Andres sa pantay nitong tono saka tinungo si Marietta na hanggang ngayon ay nagtataka sa nabanggit ni Leonardo na abaniko.

"Binibining Marietta, handa na ang agahan. Kanina ka pa hinahapa ng iyong ama sa itaas," magalang na saad nito habang inaayos ang suot na gabardino na siyang parati niyang suot sa tuwing magtatrabaho sa Real Audencia.

Tumango si Marietta, "Maraming salamat, ginoo," nagsimula nang maglakad ang dalaga patungo sa hagdanan kasunod si Andres. Naiwan naman sa dating posisyon sina Leonardo at Romeo. Nang mamalayan ng binata na halos mawalan na ng hininga ang bunsong kapatid ay binitawan na niya ito.

"Balak mo ba akong paslangin, kuya Leon?!" habol hiningang saad ni Romeo. Napakapit pa siya sa kaniyang dibdib at mabilis huminga na parang tumakbo ng pagkakalayo. "Muntik na tayong mahuli sa iyong sasabihin! Kahit kailan ay madulas ang iyong dila!" sermon ni Leonardo sa kapatid dahil muntik na nitong masabi ang pangalan ni Louisa.

Diretsong naglakad si Leonardo patungo sa hagdanan habang si Romeo ay naiwang tulala. Inaanalisa ang huling sinabi ng nakatatandang kapatid. Natawa siya sa sarili nang mapagtanto na lihim nga pala ang lahat ng kaniyang sasabihin sana.

"Hehe, naalala ko na. Paumanhin, kuya." saad na lang nito saka humabol kay Leonardo na paitaas na sa hagdanan.





TAHIMIK lang si Leonardo habang kumakain sapagkat kanina pa siya kinakain ng hiya sa tagpo nila ni Marietta. Hindi na ito pinag-usapan pa nina Andres sapagkat batid nila na isang malaking kasiraan sa kanilang pamilya ang ginawang kapangahasan ng kapatid.

Guhit, Sukat at TugmaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon