Kabanata 2: Muling Pagtatagpo

73 5 23
                                    

[Kabanata 2: Muling Pagtatagpo]

KASALUKUYANG umaandar ang dalawang kalesa patungo sa isang mansion na pinagdarausan ng pagtitipon. Ang unang kalesa ay tahimik lamang at animo'y walang tao na nakasakay ngunit ang ikalawang kalesa ay nambubulahaw sa mapayapang gabi ng mga kuwago at kuliglig.

"Hindi ba kayo titigil sa pag-iisip bata niyong iyan?!" tila aburidong boses ng isang lalaki. Kanina pa niya ibig tumalon mula sa kalesa sapagkat pulos pagbabangayan ang gumagambala sa kaniyang pagmumuni-muni. Kahit kailan ang sakit ng ulo ang hatid ng dalawang mas nakababata niyang kapatid.

"Kuya Simion, bakit hindi ka na lamang sumali sa aming laro na bato, gunting at papel?" nakangising saad ng mas nakababata sa kanila. Sinang-ayunan naman ito ng isang lalaki na halos kasing-tangkad ni Simion.

"Wala akong oras sa pag-aasal bata niyo. At isa pa, mariing ipinagdudukdukan ni ama sa ating pag-iisip ang pagiging pormal at maginoong pag-uugali?!" kanina pang nagtitimpi si Simion sa mga ito. Tatalon na talaga siya mula sa kalesa kapag naubusan na siya ng pasensya.

"Pamatay-oras lamang itong laro namin ni Romeo. Mahaba-haba ang ginugol nating oras sa paglalakbay. Nakakabagot magbilang ng bato sa daan." dahilan naman ng binatang nakasuot ng tyalekong kakulay ng tyokolate. Tinapik pa nito ang ulo ng nakababatang kapatid. Tulad ni Simion, mayroon din itong matikas at matipunong pangangatawan at tindig.

"Marami pang magagawang bagay bukod diyan, Leonard!" depensa naman ni Simion na tila may argumentong nagaganap sa kanila sa loob ng hukuman. "Tumahimik na lamang kayo. Kapag narinig kayo nina kuya Andres at ama ay tiyak na mapapagalitan kayo." dagdag pa nito.

Kahit na anong gawin niyang pangaral, hindi talaga makikinig sina Leonaerdo at Romeo sa kaniya. Puwera na lang kung gagamitin niyang panlaban ang nakatatandang kapatid nila at ang istriktong ama.

Animo'y may dumaang anghel. Kapwa natahimik ang dalawa at biglaang naging seryoso ang mukha. Dahil sa may isang lampara sa loob ng kanilang kalesa ay malinaw na nagkakakitaan ang magkapatid na magkaharap sa isa't isa. Napangiti naman ng malapad si Simion at muling bumalik sa pagmumuni-muni. Magandang taktika na panakot sa mga ito ang kanilang nakatatandang kapatid at ang ama.

Ilang sandali pa'y nakasapit ang kanilang sinasakyang kalesa sa marangyang tarangkahan ng mansion. Nakalagay sa itaas ng tarangkahan ang katagang Mansion de Villanueva. Namangha sina Romeo at Leonardo sa nakita ngunit si Simion naman ay nanatiling pormal ang tindig mula nang makapasok. Naghahangad din ito na may makilalang binibini sa pagtitipon.

"Kung ako ang nakatira sa eleganteng lugar na ito, marahil ay marami akong magagawang tula at sonneto!" wika ni Leonardo habang kausap si Romeo. May maganda naman silang tahanan sa Tondo ngunit hindi kasing ganda ng nakikita niya ngayon. Animo'y kakambal ng mansion ang mala paraisong paligid.

"Tama ka, kuya Leon! Maaari mo rin akong turuan na gumawa ng tula sa hardin na iyon!" natutuwang saad ni Romeo. Kahit na malapit na siyang magbinata, ibig pa rin niya maging bata na nalalayo sa kamay na bakal ng ama at malayang makapaglaro sa tirik na sikat ng araw.

"Hindi niyo maipagpapatuloy ang inyong hilig na iyan. Kilala niyo naman si ama, hindi ba? Bakit hindi niyo na lang pagtuonan ng pansin ang nakatuldang kahahantungan niyo sa hinaharap?" walang buhay na mga tanong ni Simion. Bagay na nagpatahimik kina Leonardo at Romeo.

"Ipagpatuloy niyo na lang ang pag-aaral niyo, matutuwa pa si ama. Ikaw, Leonardo, ikalawang taon mo na sa kursong abogasya. Sa susunod na araw ay pasukan niyo na sa Letran, pagbutihin mo na lang ang pag-aaral mo." pangaral ni Simion na tila siya ang ama ng dalawang kausap. Nag-alangan na lamang na tumango si Leonardo sa sinabi ng kapatid.

Guhit, Sukat at TugmaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon