Kabanata 11: Ang Alitan

19 4 0
                                    

[Kabanata 11: Ang Alitan]

UMAGA pa lamang ay bihis na bihis na si Joaquin mula sa kaniyang silid. Nakatingin siya sa salamin habang naglalagay ng pomada sa buhok. Mula kahapon ay gumugulo sa kaniyang isipan ang biglaang pag-alis ni Leonardo at ng kapatid nito. Ngunit naging mas naging desidido siya umuwi nang mapakinggan niya noong umagang iyon ang usapan nina Manuelo at Gregorio.

Nalaman niya na ito raw ay papunta sa Angeles at napag-usapan pa ng dalawa ang babaeng nagmamay-ari ng abaniko. May masamang kutob siya sa usapang iyon kung kaya't nagliham siya agad sa kaniyang ama na uuwi siya sa mismong araw na iyon. Wala na siyang pinalagpas na sandali kung kaya't pagtapos niya magdala ng liham sa koreo ay agad na siyang naglakbay pauwi.

Nang matapos niyang ayusin ang buhok sa salamin ay naulinigan niya ang pagbukas ng pintuan ng kaniyang silid. Bumungad sa kaniya si gobernador Elenito na may seryosong ekspresyon ng mukha. "Sigurado ka na bang ibig mong ikasal kay binibining Louisa?" tanong nito.

"Ito rin naman ang gusto niyo, hindi ba? Ang tuluyan nang matali sa inyong mga kamay ang magiging hakbang ni don Francisco." sarkastikong wika ni Joaquin habang inaayos ang kaniyang kwelyo. Tumango naman ang kaniyang ama sa naging tugon niya.

"Nandiyan na si don Francisco sa ibaba. Nabasa na niya ang liham mo," wika ni gobernador Elenito ngunit walang emosyon sa kaniyang mukha. Tumango naman si Joaquin at ngumisi sa kawalan. "Sabay-sabay na tayong tumungo sa mansion nila para sa pamamanhikan, ama." wika ni Joaquin habang nakatalikod.





MATALIM na mga tingin ang isinusukli ni Joaquin sa mga malalalim na tingin din ni Leonardo sa kanya. Tama siya ng hinala. Mula noong nakita niya sa itaas ng dormitoryo sina Louisa at Leonardo na magkausap ay mas sumisidhi ang kaniyang galit dito. Katunggali na nga niya ito sa escuela, magiging katunggali niya pa ito sa puso ni Louisa.

Walang nagsasalita mula nang pumasok sila sa loob ng mansion kasama sina don Francisco at ang kaniyang ama nang bumungad sa kanila ang naglalakad-lakad na si Leonardo. Tama ang kaniyang hinala na inuunahan siya nito sa pagkilos upang makuha ang puso ni Louisa.

"Ano ang ginagawa rito ng isang Monteverde?" narinig nilang sarkastikong tanong ni gobernador Elenito. Lumingon si Joaquin sa ama at nakita niyang nakatingin ito kay don Francisco na tila nawalan ng boses sa kinatatayuan. Nararandaman niyang maging ito ay nabigla sa kahina-hinalang pagpunta ni Leonardo sa kanilang mansion.

"Don Francisco, ipagpaumanhin niyo po ang aking pagpunta rito ng hindi nagpapaalam sa inyo," seryosong wika ni Leonardo saka yumukod sa don. Hindi niya pinansin ang mapanlibak na mga tingin ng mag-amang Dela Rama. "Ang sadya ko po rito ay papirmahan po ang mga papeles ng inyong mga nabiling lupain. Nang sa gayon po ay magkaroon na ito ng titulo."

Kinuha ni Leonardo mula sa kaniyang hawak na maleta ang mga papel na matagal nang dapat napapirmahan ni Simion sa don. Hindi niya maunawaan kung bakit hindi si Andres mismo na siyang nag-aasikaso rito ang magpapirma sa negosyante. "Babalikan ko na lamang po sa mga susunod na araw. Marahil ay abala pa po kayo."

Walang salitang tinanggap ni don Francisco ang mga papeles. Mataman niya itong pinagmasdan at naulinigan niyang nagpaalam na si Leonardo sa kaniya na parang wala sa tabi nito ang iginagalang na gobernadorcillo. Lingin sa kanilang kaalaman na nakamasid sa may hagdanan si Louisa na nakatitig lang kay Leonardo habang katabi niya si maestra Silvacion.

Nang madinig nila ang marahang pagbagsak ng pinto sa bukana ng mansion ay ngumiti si don Francisco kay gobernador Elenito. "Umupo muna kayo sa salas, kumpadre. Akin lamang pupuntahan ang aking asawa." magiliw na saad ng don saka nagpalinga-linga sa paligid nang makita niya si Louisa sa may hagdanan maging ang maestra nito.

Guhit, Sukat at TugmaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon