Kabanata 10: Ikaw, sa Takipsilim

36 4 3
                                    

[Kabanata 10: Ikaw, sa Takipsilim]

"NAGHAHANAP ako ng paraan upang magkaroon ka ng pagkakataong masabi kay binibining Louisa ang iyong nararamdaman. Naisip ko noon na maari kong dahilan ay ang pagpapapirma ng mga papeles kay don Francisco,"

Salaysay ni Simion habang umaandar ang sinasakyan nilang kalesa mula Binondo patungo sa Angeles. Matapos niyang mananghalian kasama si Leonardo ay nagpatuloy na sila sa paglalakbay. Nakatingin siya sa labas at malapit na sila sa dulo ng siyudad ng San Fernando. Nakikita niya mula sa malawak na tubohan ang matarik na bundok ng Arayat na nasa pagitan ng mga bayan ng Magalang at Arayat.

"Ngunit noong isang araw ay kinausap ako ni ama. Sinabi niya sa akin na kailangan kong asikasuhin ang titulo at mga plano ng agbarog sa binili niyang lupain at mansion. Bukas ay makikipagkita ako kay don Armando para sa bagay na iyon." dagdag pa ni Simion saka nilingon si Leonardo kung nakikinig ba ito sa kanya.

Napansin niyang abala sa pagsusulat si Leonardo sa kwaderno na nakapatong sa kanang hita nito habang tumatango-tango sa kanya bilang tugon. Sinawsaw pa nito ang hawak na pluma sa tabi nitong bote ng tinta. Kahit na malubak ang daan ay hindi ito naging hadlang kay Leonardo sa pagsusulat.

"Maaring matapon ang bote ng tinta na iyan sa iyong puting suot," seryosong saad ni Simion dahilan upang matigilan si Leonardo. Sinara niya ang kwaderno at ngumiti sa nakatatandang kapatid, "Gumawa lamang ako ng tula dahil sa ganda ng paligid, kuya." palusot ni Leonardo saka inilapag sa tabi ang kwaderno, pluma at ang tinakpang bote ng tinta. Mabuti na lamang at tapos na siya sa pagsusulat ng tula.

"Marahil ay malinaw pa ang iyong paningin ngunit sa ginagawa mo ay sigurado akong lalabo ang iyong mga mata," wika ni Simion sa walang emosyon nitong tono. Sinuri niya ang kabuoan ni Leonardo, hindi siya kumbinsido sa naging dahilan nito. "Maari ko bang makita ang iyong tula?" tanong niya dahilan upang agad na umiling ng mariin si Leonardo.

"H-hindi. I-isa itong pribadong bagay. Batid mo naman na hindi marapat makialam ang iba sa mga bagay na dapat ay pansariling bagay, hindi ba?" dipensa ni Leonardo. Tumango na lamang si Simion bilang tugon, walang duda na natututo na ito sa pag-aaral bilang abogado. Ibig niyang makipag-argumento rito ngunit ayaw niyang mas humaba pa ang usapan.

"Sa tingin mo, kuya, bakit kaya bumili si ama ng lupain at mansion dito sa Angeles? Ngunit sa kabilang bahagi, mabuti na rin iyon upang balikan natin ang ating kabataan." pag-iiba ng usapan ni Leonardo habang nakangiti. Napawi iyon nang dagdagan ni Simion ang kaniyang sinabi, "Tiyak akong pabor din iyon sa 'yo sapagkat madalas mo nang masisilayan si binibining Louisa."

Dahil doon ay umiwas ng tingin si Leonardo saka inayos ang kuwelyo ng kaniyang suot, tila uminit ang paligid dahil sa huling sinabi ng kaniyang kuya. Ngumisi ng palihim si Simion dahil tila naisahan niya ang kapatid sa bagay na iyon. "Saan kaya ang lokasyon ng lupain at mansion na iyon? Ibig ko sanang malaman kung doon ba---"

"Kung doon ba malapit sa mansion ng mga Villanueva?" putol na tanong ni Simion sa muling pag-iiba ng usapan ni Leonardo. Mas lalong lumapad ang kaniyang ngisi dahil nakita niya ang paglunok ni Leonardo. Nakita niyang pinagpagan nito ang manggas at pinunasan ang noo dahil sa malamig nitong pawis. Batid niya na kinakabahan ito sa pagtatapat, ngunit hinihiling niya na sana ay magkaroon na ito ng lakas ng loob.

"Tapatin nga kita, Leonardo. Handa ka na ba sa gagawin mo ayon sa ating napag-usapan?" seryosong usisa ni Simion habang nakamasid sa paligid. Dahil doon ay napatulala si Leonardo sa kalangitan. May mumunti nang kulay kahel sa bandang silangan. Muli niyang inalala ang ang kanilang usapan ni Simion makalipas ang nagdaang apat na araw...

Napabuntong-hininga si Simion sapagkat nakatulala si Leonardo sa kawalan, tila may lalalim na iniisip. "Hindi mo ba sasabihin sa akin ang katotohanan sa ginawa mong---"

Guhit, Sukat at TugmaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon