Kabanata 8: Multo ng Nakaraan

10 4 0
                                    

[Kabanata 8: Multo ng Nakaraan]

NAGMUMUNI-MUNI si Simion sa balkonahe na nasa likuran ng mansion ng mga Villanueva. Kasalukuyan niyang ginugunita ang mga sinabi ni Louisa kanina hinggil sa pangarap at ang pangalan na binanggit nito na nahahawig sa madalas na tawag ng bunso niyang kapatid na si Romeo kay Leonardo.

Hindi niya mawari kung bakit, ngunit may mumunti siyang kutob na baka nga tama ang hinala niya. Kailangan niya lamang ay kumpirmahin ito upang mapatunayan ang konklusyon na parang isa siyang hukom na naghahanap ng matibay na patunay upang maidepensa ang kliyente laban sa nang-aakusa rito.

Nang dalawin na siya ng antok ay isinara na niya ang librong hawak na naglalaman ng mga simponia at ilang awitin na tinitipa sa piyano. Kinuha niya rin ang maliit na lampara na kinuha niya mula sa silid na tinutuluyan. Pinagmasdan niya ang madilim na paligid na pinapalamutian ng makikinang na mga alitaptap at ingay dulot ng mga kuliglig.

Napagdesisyunan niya nang pumasok sa loob. Madilim ang paligid at ang lahat ng mga serbidora ay natutulog na sa kani-kanilang silid. Inayos niya ang kaniyang suot na salamin sa mata ngunit dahil sa ginawa niya ay aksidenteng nalaglag ang piraso ng papel na naka ipit sa mga pahina ng hawak na libro.

Pinulot niya ito at natigilan sa pagkakaluhod nang may maulinigan siyang mga bulungan na nanggagaling sa nakasaradong kusina na nasa tapat ng hapag at salas malapit sa hagdanan.

Tila may nag-udyok sa kaniya upang makiusyoso roon. Binitiwan niya rin sa sahig na gawa sa puting marmol ang hawak na lampara at libro. Tumayo siya sa pagkakaluhod at sinimulang lapitan ang nakasaradong pintuan ng kusina. Idinikit niya roon ang kaniyang tainga at napakinggan ang usapan ng mga pamilyar na boses.

"Sa tingin mo ba'y marapat na akong mangamba sa mga ikinikilos ni Louisa? Paano kung dumating ang araw na may ginoong ibig magpakasal sa kanya? Maaring mahadlangan nito ang mga pangarap ng aking bunso," narinig ni Simion na wika ni donya Corazon sa nag-aalala nitong tono.

"Hindi rin naman natin mahahadlangan ang puso ni Louisa. Ganap na siyang dalaga at maari na siyang bumuo ng sariling pamilya. Maari pa rin naman niyang isakatuparan ang kaniyang pangarap," wika naman ni manang Sora sa mahina nitong tono.

Lingid sa kaalaman ng binata na ikinuwento na nito ang mga tagpo nina Louisa at ang binatang si Leon sa donya. Maging ang liham na naglalaman ng tula na maaring paghanga o pagsinta. Nalaman niya ang nilalaman ng liham sapagkat nasabi ito sa kaniya ni Francisca noong nasa Intramuros pa sila.

Hindi mahinuha ni Simion kung bakit tila mahalaga para sa pamilya Villanueva ang mga pangarap ni Louisa. Batid niyang tahanan at pamilya lamang ang papel ng mga kababaihan sa kanilang lipunan at hindi ito maaring makiisa sa mga gawain na para sa mga kalalakihan.

Kahit na nasa wastong edad na si Louisa ay hindi pa rin nila ito ipinakakasal sa ibang binatang insulares na may tinatapos o tinapos na propesyon.

"I-iyong ginoo na nagpadala ng liham na tula dito kinabukasan matapos ang pagdiliwang, nakikilala mo na ba siya?" mahinang tanong ni donya Corazon kay manang Sora.

Natigilan si Simion sa likod ng pinto. Naalala niya noon ang kahina-hinang pagtakas nina Leonardo at Romeo noong umaga sa panuluyan. Hindi na niya ito sinabi sa kanilang ama dahil ang hinuha niya ay nagliwaliw lang ang dalawa. Ngunit ngayon ay malinaw na sa kanya na ang dahilan ng pagtakas ng mga ito ay ang liham na hawak ni Leonardo noong araw na iyon.

Biglang pumasok sa kaniyang isipan ang kalokohang ginawa ng dalawa noong gabi ng pagdiriwang. Mas tumibay ang kutob niya na nagkita na nga sina Leonardo at Louisa na walang nakakaalam. Napakuyom siya ng kamao dahil sa huling mga narinig.

Guhit, Sukat at TugmaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon