Kabanata 18: Ang Pulang Hiyas

28 2 0
                                    

Kabanata 18: Ang Pulang Hiyas

"ANO ang iyong mga nadinig?" panimulang tanong ni maestra Salvacion kay Louisa nang umandar na ang kalesa papaalis sa liblib na barrio ng Angeles.

Tumikhim lamang ang dalaga sa harapan niya at lumingon ito sa bintana ng kalesa. Mahina na ang bawat hibla ng ulan ngunit may malalaking patak pa rin sa bandang itaas ng bintana. Nakamasid lang si Louisa sa madilim na kalangitan, mapapansin din ang mga damo at talahib na nahahawi sa tuwing dumadaan ang tumatakbong kabayo.

"Kung ano man ang iyong mga nadinig, maasahan ko bang magiging tikom ang iyong bibig, señorita?" dagdag na tanong ni maestra Silvacion. Kinuha niya ang itim na balabal mula sa kanyang balikat saka ibinalot iyon sa magkabilang balikat ni Louisa.

"Anong koneksyon?" lingon ni Louisa. Tinitigan niya ang mga mata ng kaniyang maestra. Tila natigil ito sa tanong ng dalaga. Bumuntong-hininga lang ang maestra saka prenteng umupo paharap sa dinadaanan ng kalesa. "Bakit mapapahamak ang buong pamilya ni mang Conrado?" dagdag niya pang katanungan.

"Hindi ito ang panahon upang maghimasok sa bagay na wala kang muwang," walang emosyong wika ni maestra Silvacion. Dahil doon ay lalong napuno ng kuryosidad ang dalaga. "Kung gayon, ipaliwanag niyo sa akin kung anong kinalaman ni mang Conrado sa iyong mga---"

"Mapapahamak ka!" diing wika ni maestra Silvacion upang putulin ang mga sasabihin ni Louisa. Natahimik ang dalaga, tanging yabag ng kabayo at boses lang ng kutsero ang madidinig sa madilim na paligid. Ang nagiisang lampara sa harapan lang ang tanging pinagmumulan ng liwanag.

"Kung kaya't uulitin ko ang aking tanong, maasahan ba kita na magiging tikom ang iyong bibig?" ulit ni maestra Silvacion kay Louisa. Mataman niya itong tinitingnan sa mga mata, muling tumikhim ang dalaga at niyakap ang balabal na nakatakip sa kanyang basang katawan.

"Sì, maestra Silvacion." sagot lang ni Louisa kaakibat ng pagtango. Tinanaw niya ang malamlam na liwanag sa hindi kalayuan. Napagtanto niya na lamang na ang liwanag ay nagmumula sa kanilang mansion kung saan nandoon ang kaniyang pamilya na nagaalala sa kaniyang pagkawala.



MAALIWALAS ang kalangitan sa Binondo. Iilan lang ang tao sa mga calle sa araw ng lunes. May mga ale na galing lang sa pamilihan dala ang kani-kanilang buslo na puno ng gulay, karne, isda at tinapay para sa agahan na aabot sa pananghalian.

Nagbubukas na rin ang mga tindahan at kainan na pagmamay-ari ng ilang Intsik. Mapapansin si Manuelo na naglalakad papauwi sa tindahan ng kaniyang ate Julieta bitbit ang pandesal na nakabalot sa lumang diyaryo. Doon muna siya mamamalagi hanggang sa matapos ang isang buwang suspensyon nila sa escuela.

Nang makarating si Manuelo ay bumungad sa kaniya ang asawang Intsik ng kaniyang ate na si Zhāng Huan. Si señor Huan ang kilalang magaalahas sa buong Binondo. Maimpluwensiya ang mga magulang nito sapagkat minsan nang tumakbong cabeza de barangay ang ama nito na namuno ng halos isang dekada bago ito pumanaw. Ang ina naman nito ay lumuwas na ng Tsina upang doon mamalagi kasama ang iba pang anak nito na kapawa na may pamilya. Dumalaw pa ang ina nito sa kanila noong araw ng kanilang kasal.

"Oras na ho ng agahan, bayaw. Tila abala ka pa sa pagkilatis ng iyong mga hiyas," bungad ni Manuelo na may mapaglarong ngisi sa labi. Malapit ang loob niya rito sapagkat siya pa ang naging tulay ng mag-asawa noong nagliligawan pa lamang ang mga ito.

Ibinaba ni señor Huan ang lente na nakatapat sa kaniyang kanang mata saka ngumisi pabalik kay Manuelo, "Ikaw kanina pa hintay ng iyong ate. Gutom na iyo pamangkin." Wika nito sa tagalog na mapapansin pa rin ang dugong Intsik nito sa bawat banggit ng salita.

"Mabibili rin iyan, aking tinitiyak. Mukhang malaki ang halagang kikitain mo diyan sa esmeralda." pagiiba ng usapan ni Manuelo na may mataas na kumplyansa. Batid niyang namomroblema ngayon ang mag-asawa sa hina ng benda nila ng mga alahas sa tuwing sasapit ang Agosto.

Dostali jste se na konec publikovaných kapitol.

⏰ Poslední aktualizace: Jun 06 ⏰

Přidej si tento příběh do své knihovny, abys byl/a informován/a o nových kapitolách!

Guhit, Sukat at TugmaKde žijí příběhy. Začni objevovat