Kiss

8.2K 508 111
                                    

Chapter Nine

TINANAW ni Andeng ang naghaharutang sina Manoy Dison at Marcy. Naliligo ang mga ito sa dagat. Paminsan-minsan ay nakikita pa niya ang mga ito na nagtutukaan. Palibhasa ay papagabi na kaya parang walang pakialam sa mundo ang mga ito.

Siya, balik sa pagsosolo. Nakaalis na sina William at Renato papuntang Maynila. Habang si Daryl naman ay busy na sa trabaho nito. Tutol man noong una sa pag-alis ni Renato si Pay Miyong, sa huli ay wala rin itong nagawa kundi ang pumayag.

Malungkot-masaya para kay Andeng ang pag-alis ng pinsan. Malungkot dahil wala na siyang katsikahan pagdating ng hapon. Pero masaya rin siya dahil natutuwa siyang makakita ng isang taong tinutupad ang pangarap nang walang sagabal. Alam niyang mabigat din sa loob ni Renato na iwanan ang pamilya. Pero kasabihan nga: Man cannot discover new oceans unless he has the courage to lose sight of the shore.

Iyon ang kadalasang takot ng iba. Ang umalis sa comfort zone at iwanan ang mga mahal sa buhay o ang lugar na nakagisnan.

Nang kawayan siya ng magkasintahang Dison at Marcy ay kumaway rin siyang pabalik. Niyayaya siya ng mga itong maligo. Ngunit umiling lang siya. Kaunti na lang kasi at malapit na siyang maging negra. 'Yong kutis niyang alaga sa kalamansi at tawas ay kaybilis na umitim. Kaya naman kahit gaano pa kahilig maglangoy sa dagat ay pumipirmi siya sa bahay dahil baka pag-uwi nila ng Sta. Catalina ay hindi na siya makita sa dilim. Naaalala niya noong bata pa siya, madalas siyang matuksong negra. Maitim kasi talaga siya. Nadala lang ng mga pamahid na lotion at kuskos ng kalamansi at tawas. Pati singit-singit niya at kili-kili ay alaga niya sa kuskos at hilod. Kaya kahit morena siya ay alam niyang hindi kasing-itim ng uling ang kanyang mga singit at kuyukot.

Hindi nagtagal at pumasok na rin siya sa loob. As usual busy si Chantal. Kapag may gana naman itong makipag-usap ay nagyayaya itong maglakad-lakad tuwing umaga sa tabing-dagat. Pero kapag tutok talaga ito sa ginagawa ay hindi ito matitikal sa pagkakaupo sa harapan ng working table nito. Si Boogie naman kung hindi busy sa pakikipaghuntahan sa cellphone ay kasa-kasama ng mga pinsan niya at tiyuhin sa pagkokopra. Sideline na rin nito para laging may load para wantusawa ang kuwentuhan sa dyowang nasa Japan.

Sana all, buntonghininga niya na may kasunod na pagsimangot.

Pumasok siya ng kusina at naghanap ng kutkutin. Maraming imported goodies doon. Mula sa chocolate, keso, at kung anu-anong chips. Pero nagki-crave siya sa minatamis na buko o bukayo. Lokal naman kasi talaga ang panlasa niya. 

Lumabas siya ng bahay. May suki siyang tindahan malapit sa aplaya. Hindi na siya nagpaalam kay Chan-chan dahil mabilis lang naman siya. Natanawan niyang umahon na ng dagat ang magkasintahang Dison at Marcy. Tingin niya ay papauwi na ang mga iyon. Nagpatuloy lang siya sa paglalakad patungo sa pakay na tindahan.

'Yong totoo ay mas masarap para sa kanya ang bukayo na gawang probinsya kaysa iyong nabibili niya sa palengke. Para siyang kumakain ng matamis na sapal. Hindi kasi murang niyog ang ginamit kundi niyog talaga. Paborito niya iyon dahil madalas siyang lutuan ng tatay niya noong nabubuhay pa gamit ang panutsa de bao.

Tamang-tama lang ang punta niya sa tindahan dahil mukhang magsasara na ito.

"Pabakal po," nakangiting bungad niya sa tinderang may-edad na. Na ang ibig sabihin ay: pabili po.

"Uy, Andeng. Ano ang babakalon kan magayon na daraga." Ano ang bibilhin ng magandang dalaga? tugon ng tindera sa dayalektong Bicol.

Natutop ni Andeng ang magkabilang pisngi at maarteng nginitian ang tindera. "Si May Conchi man, laging nagsasabi ng totoo."

Nagkatawanan sila.

Itinuro niya ang garapon ng bukayo at bumili ng halagang bente pesos. Hindi na rin siya nagtagal doon at nagpaalam na sa tindera. Habang naglalakad ay panay ang kain niya ng bukayo. Naalala niya ang pinsan. Kumusta na kaya ito sa loob?

The Untouchables Series Book 3 Callous DuboisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon