Trauma

7.6K 525 60
                                    

Chapter Twenty-Five

PARANG sirang plaka na nagpapaulit-ulit sa tenga ni Andeng ang katatapos lamang na sabihin ni Callous. Mag-date raw sila katulad ng mga ordinaryong pareha.

Napatanga siya rito nang walang kurap. 

"You don't like the idea?"

Napakagat-labi si Andeng.

"Oh, I know," marahas itong napabuga ng hangin saka bumitiw sa pagkakayakap sa kanya at tumalikod. 

Mariin nitong naihagod ang mga daliri sa buhok. May kasunod iyong mahinang mura sa palagay niya. Nagsalita na naman kasi ito sa foreign language nito kaya minsan ay hinuhulaan na lang niya. Depende siyempre sa intonation. Kapag paungol at parang may lambing ay sigurado siyang hindi mura. Pero kapag tipong puputok na ang mga muscles nito at kumikislot na ang panga kasunod ang pagbuga nito ng salita, iyon sigurado siyang mura ang lumalabas sa bibig nito.

"I'm not him, god damn it."

"Ano 'yon?"

Lumapit siya rito dahil hindi niya naintindihan ang una ntong sinabi maliban sa kaputol na mura.

"Minumura mo ba ako?" nakataas ang mga kilay na tanong niya rito at naghalukipkip.

Humarap ito sa kanya na may bugnot na ekspresyon sa mukha.

"What are you so afraid of, Andalusia?" 

Hindi niya nakayang salubungin ang tingin nito at inilihis niya ang mga mata sa ibang direksyon.

"Hindi ba at mas gusto niyong mga lalaki ang ganitong klase ng set-up? No strings attached."

Pumalatak ito. "I'm not gonna propose dating you in the open if that's what I want."

Napatungo siya at napagbuhol ang mga daliri sa harapan. Kung ibang babae siguro ay sinunggaban na ang offer ni Callous na gawing hantad sa lahat ang kung anumang namamagitan sa kanila. Lalo pa nga at bukod sa mapera ito ay magandang lalaki ang binata. At maliban sa paminsan-minsang pagiging brusko ay masasabi niyang sweet at mabait din naman, maalaga. Pero nag-aalangan siya. Nag-aalala siya sa magiging reaksyon ng mga tao sa paligid niya. At higit sa lahat, parang nalulula siya sa agwat ng katayuan nila sa buhay. Paano kung maulit ang nangyari sa kanya noon? 

Malalim ang iniwang pilat sa pagkatao niya ng pangmamaliit at panghahamak na natanggap niya noon mula sa nanay ng kauna-unahang lalaki na minahal niya. Pilat na naging tagapagpaalala niya na dapat siyang magpursigi at magsumikap sa buhay para hindi na muli pang maranasan iyon.

Masakit maakusahang gold digger. Ang masabihang isang hampas-lupa na para bang isang malaking krimen ang ipanganak na mahirap. At 'yong lait-laitin siya mula ulo hanggang paa na kulang na lang ay duraan siya sa mukha. Hindi lang siya ang umani ng kahihiyan nang mangyari iyon. Lalong higit ang kanyang ama at si Jethro. At ayaw na niyang muling maranasan pa iyon.

Ngayong binabalikan niya sa isip ang panahong 'yon ay parang muling nananariwa ang sakit.  And it was so painful beyond words na para iyong isang trauma na mahirap bastang burahin sa alaala.

Mula sa pagkakayuko ay umangat ang kanyang mukha nang gagapin ni Callous sa isang palad ang kanyang panga. Tumaas ang isa pa nitong kamay at hinagod ng knuckles ang kanyang pisngi. Hindi niya mabasa kung ano ang emosyong nasa mga mata nito. Ngunit yumuko ito at dinampian siya ng magaang na halik sa labi.

"You look tired. Let's get you to bed."

"G-gusto kong mag-shower muna."

Ginagap nito ang isa niyang kamay at iginiya siya sa kinaroroonan ng banyo.

The Untouchables Series Book 3 Callous DuboisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon