2. Seeing

26 5 21
                                    



Evie


Magayon cafe.

Wala pa man ako sa unahan ng pila ay parang hihimatayin na ako sa kaba. Parang may nagliliparang mga ibon sa tiyan ko, hindi dahil sa kilig, hindi ko rin alam. Gano'n lang talaga ako kapag masyadong kinakabahan, parang naiimpatso ako kahit hindi naman talaga.

Ikinaskas ko na lang ang mga kamay kong pawisan sa strap ng bag ko at tumingin sa sahig.

Hindi kaya magulo ang buhok ko na parang pugad ng ibon? Nang umalis ako sa university ay maayos naman siya, hindi ko alam kung nagulo ito habang naglalakad ako. Maayos kaya ang porma ko ngayon? Baka baduy 'to sa paningin nila, nakakahiya. May nakatingin kaya sa akin? Parang may mga nakatingin nga sa 'kin.

Naglakad ang tao sa harapan ko kaya humakbang na rin ako. Naramdaman ko namang may pumila sa likuran ko. Baka ang baho ko na, baka amoy usok ako dahil galing ako sa labas.

Bakit naman kasi ang daming tao ngayon kung kailan kailangan ko pang bumalik sa university para may ipasa. Kadalasang maraming tao rito kapag gabi dahil nga sa mga music artists na pumupunta, pero bakit ang dami ngayon?

Naramdaman kong may kumalabit sa balikat ko, parang kinuryente ang buo kong katawan. Ang O.A ko rin minsan.

"Hakbang ka na, miss."

"Sorry, sir." Napa-bow ako sa harapan niya.

"Okay lang." Naglakad na ako papunta sa harapan habang tinitingnan ang menu.

Masyado na bang matagal ang pagpili ko? Baka naiinip na 'yong mga nasa likuran ko. Bakit kasi um-absent pa sa klase si Brent, siya ang umo-order para sa akin sa tuwing pumupunta kami sa mga ganitong kainan. At ngayon, kailan ko 'tong gawin mag-isa.

Nag-practice naman ako sa isip ko kanina kung paano ako o-order, kung paano ako magsasalita, pero bakit parang nakagat ko ang dila ko ngayon kaya hindi ako makapagsalita.

"A-ano po." Napakagat ako sa labi ko, paano kung mali ang pronunciation ko sa sasabihin ko? Mapapahiya ako. "'Y-yong. . ." Napakuyom ang kanan kong kamay dahil sa panginginig nito. Bakit kailangang ngayon ka pa umatake. "K-kesi." Sobrang hina ng boses sa pagkasabi ko ng mga salita na ito. Sigurado akong naiinis na siya sa akin. "Nachos. K-kesi—"

"Kesi Nachos po isa." Isang boses ang pumutol sa akin na parang nagligtas sa akin mula sa pagkapahiya.

"For beverage po?"

Yumuko si Gabriel kapantay ng height ko, itinapat ang tainga niya sa tapat ng mukha ko at tumingin sa akin habang nakatagilid. "Beverage, Evie?"

Sobrang laki ng pasasalamat ko sa pagdating niya. Ngayon ko talaga kailangan ng tulong niya. "Ch-chocolate milkshake."

Muli siyang tumuwid ng tayo at ibinaling ko ang paningin sa taong nasa harapan namin.

"Chocolate milkshake."

Hinalungkat ko ang bag ko at agad na kinuha ang wallet kung saan naroon ang pera ko.

Hindi ko pa ito nabubuksan ay tumambad sa akin ang dalawang kamay na hawak ang pagkain ko. Iniangat ko ang paningin sa kaniya at nakita ang mukha niyang nakangiti.

"Tara." Itinulak niya ako na nakapagpaatras sa akin. Agad napakunot ang noo ko.

"Hindi pa ako nagbabayad." Tinawanan lang niya ako nang mahinto kami sa isang gilid.

"Binayaran ko na. My treat for now." Hindi pa rin natatanggal ang ngiti sa labi niya. "At next time, ikaw naman ang manlilibre sa 'kin."

Tumingin ako sa paligid upang malaman kung may nakatingin sa amin, buti na lang ay wala. Mga nakatuon ang atensyon nila sa pagkain o pakikipag-usap.

"A-ano, salamat." Sa totoo lang, ang mga kausap ko talaga ang dapat na naga-adjust tuwing kausap ako. Hindi ko alam kung naririnig nila ang mga sinasabi ko dahil sa hina at pagkautal.

"Welcome." Ibinigay niya sa akin ang chocolate milkshake at itinulak na ako papunta sa isang table. "Go, sit down."

Naupo ako sa upuan na nasa gilid at sinabayan niya ng upo sa kabila.

"Good job." Itinaas niya ang kamay niya sa akin na parang nanghihingi ng high five.

Dahil nga isa akong dakilang overthinker ay tumingin muna ako sa paligid, nang makitang walang nakatingin ay nakipag-apir ako sa kaniya.

"Bakit ano . . . bakit g-good job?" Sa totoo lang ay hindi ko rin minsan maintindihan ang mga sinasabi niya, o baka mahina lang talaga akong umintindi.

"You ordered alone." I gave him a worried smile. I ordered alone? Hindi ba't siya ang gumawa n'on para sa akin?

"Hindi naman ako ang gumawa." Huminga ako nang malalim at bahagyang hinila ang collar part ng shirt ko dahil para akong sinasakal kahit hindi naman ito masikip.

"Pero ikaw pa rin ang tumayo at humarap sa counter." Napangiti ako nang kaunti habang nakatingin sa lamesa. He's right, nagawa ko nga 'yon nang mag-isa lang. Ang galing ko.

"N-nabanggit kita kay kuya. Sana raw ay ma-tattoo-an mo siya kapag nagkita kayo." Binigyan na naman niya ako ng ngiti na parang nasa commercial siya ng toothpaste.

"Sabihin mo magpakita na kasi siya sa akin."

Binigyan ko na naman siya ng tipid na ngiti at tumitig sa pagkain ko. At ang tanong ng bayan, ano ang susunod kong sasabihin sa kaniya?

"Bakit mag-isa ka lang ngayon?" Nagulat ako nang kumuha siya ng Nachos mula sa pagkain ko at dire-diretsong kinain. Hindi ko na ito pinansin dahil baka akalain niyang galit ako.

"Si Brent. . . ano kasi . . . absent siya kaya . . . kaya mag-isa lang ako ngayon." Itinulak niya ang Nachos palapit sa akin.

"Mapili ka pa rin sa kaibigan, 'no?"

Sobrang mapili ako sa kaibigan, ang kadalasang mga tao lang na sinasamahan ko ay 'yong kaya akong dalhin sa pag-uusap. 'yong hindi maarte, 'yong hindi tanong nang tanong kung bakit ang tahimik ko. Nakakainis minsan, ayaw ko lang naman talagang magsalita. Gusto ba nilang ang isagot ko ay dahil ayaw kong maamoy nila ang mabaho kong hininga?

"Medyo, ayoko lang sumama sa isang grupo na pilit ko lang na isinisiksik ang sarili ko." 'Yong parang no choice lang kaya nila ako sinasama, para sabihing may kasama ako. Tapos kapag bonding na ay para lang akong ere sa harapan nila. Ang hirap, hindi naman kasi ako yung tipo ng tao na masarap maging kaibigan.

"Ako, pwede mo akong maging kaibigan, hindi mo kailangang isiksik ang sarili mo sa akin dahil . . . ako mismo ang magsisiksik ng sarili ko sa mundo mo."

Hindi ko na napigilan pa ang pagtawa habang nakatingin kami sa isa't isa.

He is a blessing in disguise. Sana ay masanay ako sa tingin niya. Sana sa kaniya ko lang maramdaman ang tingin na hindi nanghuhusga. Tingin na komportable ako. Tingin na magugustuhan ang kalawakang ginawa ko.

Your UniverseWhere stories live. Discover now