32. Star

9 3 20
                                    



Evie

"Akala ko boyfriend mo 'yon." Napatigil ako sa paglalagay ng cheese spread sa hawak kong sandwich loaf dahil sa binanggit ni Tita Monic.

Hindi ko na itinaas ang paningin ko at pinakinggan lang siya. "May tattoo pa man din, kako, hindi maganda sa paningin." Muli kong itinuloy ang ginagawa ko pero mabagal na. Parang nakakapaso ang tingin niya sa akin.

Hindi naman pangit tingnan ang tattoo, lalo na kay Gabriel. He looks nice with or without it, looks handsome when he is happy talking about it. Issue nga lang talaga kay Tita dahil hindi naman sanay ang mga mata niya sa mga taong may tattoo. 'Di tulad dito sa Redton na mayroong mga iilan na may tattoo at katanggap-tanggap.

"Para silang nasa kulungan." Pinigilan ko ang sarili ko na ikunot ang noo ko dahil baka akalain niyang galit ako. Nakaka-offend lang ang bagay na ipinararating niya.

"Marami na ring nagta-tattoo rito, hindi lang naman sa kulungan meron niyan," kalmadong saad ni Mama. Nagkaroon ako ng pagkakataon na kagatan na ang hawak kong tinapay.

"Kahit na, hindi pa rin maganda sa paningin."

Hindi ko naman talaga gustong sumabay sa pagkain nila pero noong nag-aayos na ako ng pagkain ay biglang dating ni Tita. Sinimulan na rin akong daldalin, magmumukha siguro akong bastos sa kaniya kung bigla ko siyang alisan sa harapan ng pagkain.

"'Tsaka hindi naman mataas ang kita sa pagta-tattoo, 'di ba?" tanong niya kay Mama.

"Hindi ko alam."

At ano naman kung mataas o mababa ang kita ng isang tattoo artist? Masaya si Gabriel sa ginagawa niya, at enough na 'yon. Sa katunayan ay pareho kami, nasabi na rin nilang walang kita sa course na kinuha ko, pero masaya naman ako.

"Kapag magbo-boyfriend ka, Evie, 'yong mga may magagandang trabaho, para ikaw na lang ang bubuhayin niya," biro niya sabay tawa sa huli, na alam ko namang seryoso siya sa ipinupunto niya. "Hindi naman kasi talaga mataas ang sahod sa pagsusulat, kaya kuha ka na lang ng mayamang asawa."

Nginiti-ngitian ko lang siya na parang nakiksabay lang ako sa mga biro niya, pero sa totoo lang ay gusto ko nang umiyak at sabihing sobrang worth it ang course na kinuha ko.

"Mabait naman si Gabriel, 'tsaka matagal na nilang kilala 'yon ng kuya niya," muling pagpuri ni Mama kay Gabriel.

"Nanliligaw ba kay Evie?" tanong nito sabay kagat sa tinapay na hawak.

Tumingin muna sa akin si Mama bago sumagot. "Hindi." Nakahinga ako nang maluwag at pinagtuunan ng pansin ang pagkain ko. Ang sarap-sarap talaga nito, lasang-lasa 'yong cream ng cheese at alat sa bibig ko. Kahit yata ito ang kainin ko buong araw, solve na.

"Uuwi ka na?" Tumingin ako sa pintuan ng kusina dahil sa taong tinanungan ni Mama. "Kain ka muna."

Basa ang buhok niya na bahagya niyang sinusuklay. Nakasuot ng itim na T-shirt na pamilyar sa akin, lumalabas ang tattoo sa kaliwang braso niya.

Parang kay Kuya nga ang suot niya dahil sa mas built ang katawan ni Gabriel kay Kuya, nagiging fit na ang shirt na ito. Suot niya ang pants na suot niya kahapon at maging ang sapatos. 'Yan ba ang sinasabi ni Tita Monic na hindi maganda sa paningin? That's the person I always want to see every day!

"Sige lang po." Naglakad siya palapit at naupo sa tabi ko. Hindi ko siya binati at kumagat lang sa tinapay na hawak ko habang nakatingin sa kaniya. Itinaas niya ang kaliwa niyang kilay at tinawanan ako, sabay lipat ng paningin niya kay Tita Monic at ngumiti.

"Taga-sa'n ka?" magiliw na tanong nito.

Ipinatong ni Gabriel ang siko niya sa lamesa. "Livis po."

"Malapit lang 'yon dito?" kaswal na pagtatanong nito.

"Opo, malapit-lapit lang din dahil medyo sa unahan lang kami." Tumango-tango si Tita Monic. Inabot naman ni Mama ang isang tasang kape kay Gabriel at inamoy niya iyon.

"Ilang taon ka na?" Palihim akong kumuha ng sandwich loaf sa lalagyan at nilagyan iyon ng palaman.

"Twenty-one po. Kaklase ko noong high school si Vin." Gusto ko pa sanang kainin ang tinapay na pinalaman ko pero ipinasa ko na lang iyon kay Gabriel at agad niyang kinuha.

"Ah, akala ko boyfriend ka ni Evie, hindi pala pwede dahil hindi kayo magkaedad." Magkandaubo-ubo si Gabriel na inilayo ang kape sa bibig niya matapos sabihin iyon ni Tita.

Napayuko ako at pinaglaruan ang mga daliri sa kamay ko. I knew it. 'Di ako bagay kay Gabriel. Kahit isang taon lang ang pagitan namin, bata pa rin ang turing nila sa 'kin.

"Tingnan mo si Mama at Papa niya, sampung taon ang agwat yata ang edad, naghiwalay rin agad. Kayo, kahit isang taon lang ang pagitan n'yo, magkaiba kayo ng maturity, parang bata pa rin si Evie kung umakto," kuwento niya na parang wala si Mama sa kusina na masasaktan, gano'n din ako.

Ilang segundo rin ang dumaan nang tumayo si Gabriel kay napaangat ang tingin ko sa kaniya.

"Alis na po ako. Hiramin ko lang si Evie 'tsaka Vin, papahatid lang ako," tila nahihiyang paalam niya kay Mama.

"O sige, sige. Gisingin n'yo na lang si Vin, pagising mo kay Evie."

Tumingin sa akin si Gabriel at tinanguan ako. Agad na rin akong tumayo at hinintay na simulan niya ang paglakad. Nginitian niya si Tita Monic bago tuluyang umalis ng kusina.

"Gigisingin ko si Kuya." banggit ko sa kaniya nang nakasunod lang ako sa likuran niya. Napansin ko sa kaliwang kamay na bitbit niya ang tinapay na hindi niya pa nababawasan.

"Hindi na." Nagtataka akong sumunod sa kaniya na papunta sa direksyon ng pintuan. Mabilis siyang naglakad kaya binilisan ko rin ang kilos ko at isinuot ang tsinelas upang masundan siya sa labas.

Napaatras ako nang itapat niya sa harapan ko ang sandwich na hinati niya sa gitna. Magkasalubong ang kilay ko siyang tiningnan. "Kumain na 'ko."

Hindi niya inalis ang tinapay sa harapan ko at kinagatan ang kalahating nasa kaniya. Wala na akong nagawa at kinuha sa kaniya ang ibinibigay niya.

"Bago ako umuwi, may pupuntahan muna tayo." Tumalikod na siya at nagsimula na ulit maglakad. Humabol ako sa kaniya at hinila ko ang damit na suot niya.

"Saan?" Tuluyan siyang humarap sa akin at kinain nang buo ang sandwich na natitira. Itinaas niya ang kamay niya at sumenyas na hintayin siyang malunok ang kinakain niya.

"Bookstore." Gumapang ang malaking ngiti sa labi ko pero agad ding nawala nang maisip na maraming tao ngayon do'n. Kahit twenty-six, sure na marami pa ring namamasyal na mga tao ngayon.

"A-ayoko, maraming tao ro'n." Bumitaw ako sa damit niya at nanatili sa kinatatayuan ko.

"Konti lang 'yan. Sa may maliit lang tayo na bookstore at hindi ro'n sa Dither." Itinaas niya ang kamay niya at hinintay na hawakan ko ito. Tiningnan ko ang suot ko at isa pa ito sa kung bakit ayaw kong sumama.

"Hindi maayos suot ko." Jersey shorts na pambabae, tapos 'yong T-shirt ni Kuya na halos lamunin ako, tapos 'yong makapal na tsinelas na iniregalo sa akin kagabi ni Tita Nala. Nothing special kung ikukumpara sa suot niya.

"Okay na 'yan. Bagay naman sa 'yo. Kahit ano'ng suot mo, ikaw pa rin ang Evie ko na maganda."

Your UniverseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon