15. Constellation

7 4 22
                                    

Gabriel

"Kumusta gala?" Napahinto ako sa tuluyang pagpasok sa loob ng studio nang walang tuwang tinanong sa akin iyon ni Kuya Jay.

Napalingon ako kay Morgan na nakaupo sa sofa habang nag-i-sketch, na sandali lang na tumingin sa akin. Malaman ko lang na pinagtatawanan niya ako sa isip niya ay . . . basta.

"O-okay lang." Napalunok ako at tuluyan nang pumasok sa loob, naupo sa sofa na nasa harapan ni Morgan.

"Wala kang paramdam kahapon, a, pati kay Sir Dexter." Hindi ako nakasagot at parang pagpapawisan pa ako dahil sa init na nararamdaman ko. Napakiskis pa ako sa mga palad ko at pinagsaklop iyon habang nakasanday sa mga hita ko.

"O, nandito na pala." Sinilip ko si James na kadarating lang. Tinanggal niya ang suot niyang jacket at inilagay iyon sa rack at lumapit sa amin. "Kahapon ka pa namin hinahanap." Tinapik niya ang balikat ko at umupo sa tabi ko.

Napayuko ako. Guilty ako sa ginawa ko. May tattoo apprenticeship ako at hindi ako sumusunod sa schedule, wala ring paramdam sa kanila. Pero hindi ko rin naman kasi pwedeng palampasin ang pagsama kay Evie dahil ngayon ko na lang naman na sila nakitang magkapatid. Fifty-fifty pa ang pagsisisi ko, hindi naman siguro ako tatakbuhan ni Sir Dexter.

"Gan, you told Sir Hank na? About do'n sa sketch?" tanong ni James kay Morgan na napatigil sa ginagawa.

Napabuntonghininga ako at sumandal sa sofa. Ihahanda ko na ang sarili ko kung sakaling pagalitan ako ni Kuya Jay mamaya.

"Yeah, yeah." Binuklat niya ang portfolio at sa likod n'on ay may isang puting envelope na inabot niya kay James.

Napakasisipag.

"Where did you go yesterday?" Nagsalubong ang kilay ko nang tanungin ako ni Morgan na parang siya ang amo ko. Tingnan mo nga naman ang lalaki na 'to.

Hindi ko siya sinagot at tumitig lang sa pader. Isang hampas sa balikat ang nakapagpatingin sa akin kay James. "Tinatanong ka," mahina niyang sambit at muli kong nilingon si Morgan.

Nakatingin lang siya sa akin na walang kaemo-emosyon ang mukha. Akala mong taong bato na isang araw ay kinulayan na lang para maging ganito.

"Do'n." Napahalukipkip ako at nakipagtitigan sa kaniya.

"Andaming doon, Gab, akala mo namang mahuhulaan namin 'yang sinasabi mo," sabat naman ni James. Imbes na siya ang maging kakampi ko sa ampon na 'to ay ginagatungan pa niya.

"Tsk." Napahilot ako sa sintido ko at lumingon kay James. "Ikaw nga nakita ko no'ng . . . hindi ko na maalala, nakasakay ka sa bus, sa harap ka nakaupo. Nakaputing shirt ka, sa'n ka ba pupunta no'n?"

Magkasalubong ang kilay niyang nilingon ako, nasa kamay ang kanina'y tinitingnan na papel na may nakasulat. "Bakit sa 'kin mo nililipat 'yang tanong na 'yan? Hindi naman ako ang hindi nagpaparamdam dito."

Napabuntonghininga ako at muling sinilip si Morgan. Parang tanga siyang nakatulala sa lamesa habang nakahalukipkip at nakasanday sa sofa. Sa tuwing nakikita ko ang lalaki na 'to, parang pasan-pasan lagi ang buong daigdig.

Sinitsitan ko siya at hindi niya pa narinig noong una, pero nang ulitin ko ay gulat siyang napatingin sa akin. "Okay ka lang?" matigas kong tanong, baka kasi isipin niyang nag-aalala ako sa kaniya. I'm not, syempre.

"Hmm," tipid niyang sagot at tumayo. "Una na 'ko."

"Wait," pigil sa kaniya ni James. "Akala ko sabay tayo?" Hindi makatingin nang tuwid si Morgan sa amin at palipat-lipat ang tingin sa paligid.

"Babalik na lang ako. Diyan lang ako sa malapit," nagmamadali niyang sagot at ngumiti nang tipid.

Tinanguan lang siya ni James at hindi na ako nagsalita. Nagkapalitan kami ng tingin ni James, hindi ko alam kung ang nasa isip niya rin ay may problema talaga ang Morgan na 'yon. Walang character development, kung pa'no namin siya nakilala no'ng una ay gano'n pa rin.

"'Yong totoo, sa'n ka talaga nagpunta?" mahina niyang tanong.

Buti na lang at may client ngayon si Kuya Jay, makakapaghanda pa ako ng mga sagot sa mga magiging tanong niya.

"Sa ano. . . ." Nilingon ko ang puwesto ni Kuya Jay at nakitang nakaharang na ang kurtina. Binaling ko ulit sa kaniya ang paningin ko. "Redton," mababa kong sagot sa kaniya.

"Familiar." Napaisip siya saglit. "Do'n ka nag-high school dati, 'di ba?"

Napangisi ako. "Naks, natatandaan mo pa, ha." Tinabig ko ang balikat niya at ginantihan niya ako nang mas malakas.

"Ano nga kasing ginawa mo ro'n." Sinamaan niya ako ng tingin kaya't itinigil ko na ang pagbibiro ko.

"Pinuntahan ko 'yong dati kong kaklase." Nakataas ang isang kilay niya na naghihintay pa ng kasunod na sagot. "'Tsaka si Evie." Napangiti ako na nagyayabang.

"Babae?" hindi niya makapaniwalang tanong na tinanguan ko. "Ulol," bulong niya na nakapagpabagsak ng ngisi ko.

"Anong ulol, araw-araw mong nakikita 'yong mukha ko tapos magtataka ka ngayon?" Hindi niya yata alam na consecutive escort ako mula elementary hanggang high school. At no'ng college ay ipinanlaban ako sa King of Arts, at syempre ay hindi ako nanalo, but still, kaya ko pa ring mag-brag tungkol do'n. "Porke hindi ka lang loyal," bulong ko na sinadya kong iparinig sa kaniya.

"Anong hindi loyal. That's what you call fling, tanga, no commitment," nag-uusok ang ilong na sagot niya.

Maya-maya lang ay bumalik na rin si Morgan para makaalis na silang dalawa. Naiwan akong naghihintay kay Kuya Jay sa dating puwesto at tinawag ang mga santo na 'wag na niya akong pagalitan dahil alam ko na ang mali ko.

Binasa ko ang labi ko nang lumabas na ang client at kasunod n'on ay ang pagbukas ng kurtina. Napahinga ako nang malalim nang bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi naman siya nananapak kapag nagagalit, nakakahiya lang talaga kasi responsableng tao si Kuya Jay, at napakakapal ng mukha ko na maging pasaway sa kaniya.

"Ilang araw ka nang hindi sumusunod sa schedule mo," simula niya at naupo sa sofang nasa tapat ko.

"Ano." Napakamot ako sa ulo ko at napayuko. Hindi ko naman pwedeng idahilan si Evie dahil hindi naman niya kasalanan 'to, ako lang talaga ang masyadong malakas ang loob sa paggawa ng mga ganitong bagay. "Promise, Kuya Ja—I mean Jay. Hindi na 'ko magpapasaway."

Tiningnan niya lang ako at nag-iba na ng usapan. "Nabanggit ni James 'yong tungkol sa magulang niya?"

"Relationship ng parents niya?" Ang alam ko ay hindi gano'n kaayos na ang samahan ng parents niya, last year pa yata. Kaya nga humiwalay na rin siya dahil gusto niyang maging independent sa mga magulang.

"Hindi, 'yong nangyari kagabi." Binuklat niya ang portfolio niya at inilabas ang isang papel doon.

"Hindi, wala naman siyang nabanggit. Ano ba nangyari?" Itinukod ko ang mga siko ko sa hita ko at bahagyang sinilip ang isinusulat niya sa papel.

"Nag-away na naman 'yong magulang niya. Hatinggabi yata 'yon, umuwi siya para puntahan kapatid niya."

Napatango-tango ako. Hindi ko inakalang may nangyari pala kagabi, pero kung makipagbiruan siya ay parang okay lang. Pareho sila ni Morgan na alam kong parehong may problema, pero magkaiba sila ng pag-e-express ng sarili nila sa araw-araw.

Si Morgan, tahimik, halatang walang gana sa kung ano man, pero si James, ewan, parang walang problema. He is extroverted. Mahilig sa tao.

Minsan ay naiisip kong ako yata ang may pinakamagaang buhay rito, I feel lucky sometimes, I don't want to invalidate that feeling, pero kailangan ko pa ring maging sensitive sa struggles nila ngayon.

Like Evie, alam kong nahihirapan siya ngayon sa mga nararamdaman niya, sana matulungan ko siya na matulungan ang sarili niya.

Your UniverseWhere stories live. Discover now