45. Parallax

7 2 0
                                    



Evie


Hingang malalim, Evie.

Sinilip ko ang Magayon cafe mula sa glass wall at tiningnan kung mahaba pa rin ang pila. Tatlo na lang ang papunta sa counter.

Pumikit muna ako at huminga nang magkakasunod. Kailangan ko na namang um-order mag-isa dahil nautusan pa ako ng class mayor namin dahil alam niyang madadaanan ko ito pagpasok.

Nakakainis. Nakakakaba.

Sa pagsuko ko sa sarili ko ay mabilis akong pumasok sa cafe habang nakayuko. Huminto ako nang makita ko na ang taong nasa harapan ko. Inabala ko ang sarili ko sa pamamagitan ng paghawak nang mahigpit sa strap ng backpack ko.

Mukha ba 'kong weird? Baka mahalata nilang kinakabahan ako. Nakahukot ba 'ko? Ang pangit ng posture ko siguro.

Barkeley Burger.

Tama ba ang pag-pronounce ko nito? Bar-ki-ley. Baka pagtawanan ako n'ong tao sa counter.

Napatuwid ako ng tayo nang maramdaman ko ang paglapit ng isang lalaki sa likuran ko. Okay, hingang malalim ulit, hindi naman siya siguro nangangain.

Lumipas ang ilang minuto nang ako na ang nasa unahan ng pila. Umiinit ang katawan ko, parang gustong magsilabasan ng pawis sa bawat sulok ng balat ko.

"O-one . . . b-barkeley burger, one vanilla shake. Take out." Nakahinga ako nang maluwag nang maintindihan niya naman ang sinabi ko. Parang hihimatayin pa ako sa nerbyos.

Nang makuha ang order ko ay mabilis akong umalis sa harapan pero may kamay na pumigil sa harapan ko. Nang sundan ko ito hanggang sa braso ay nakita kong puno ng tattoo ito. This was not Gabriel.

"Ikaw 'yon," turo niya sa 'kin habang may malawak na ngiti sa mukha.

Bahagyang bumuka ang bibig ko, nagsimulang bumilis ang tibok ng puso ko. 'Di ko siya kilala. "A-ang alin po?"

"Wait lang, o-order lang ako." Isang hakbang pa lang ang nagagawa ko ay muli siyang nagsalita. "Wait lang. Hintayin mo 'ko. Kakausapin lang kita." Itinaas niya ang paningin niya at inilibot sa cafe. "Ayun, doon. Hintayin mo ko doon."

Sinundan ko ang itinuro niya at tumango na lang. Hawak ang binili ko sa isang kamay, ang isa namang kamao ko ay nasa tapat ng puso ko.

Nakayuko pa rin ako, hindi ko alam kung nakatingin sa akin 'yong mga tao.

Umupo ako sa puwestong itinuro niya at ipinatong ang binili ko sa lamesa. Minasa-masahe ko ang mga kamay ko dahil sa kaba. Dadamputin ko na sana ang cellphone ko upang sabihan si Brent ay dumating naman ang lalaki kanina.

"Ito." Naupo siya sa harapan ko at inusog sa akin ang isang fries at burger. Gusto ko mang matuwa ay hindi ko magawa dahil hindi ko siya kilala.

Niyakap ko ang bag ko sa katawan ko, parang ito lang ang poprotekta sa akin ngayon.

"Ikaw ba 'yong laging pinupuntahan ni Gab?" nakangiti niyang tanong at tumitig sa akin.

Malikot ang mga mata ko, hindi ko kayang makipag-eye to eye contact sa kaniya.

"Nakita ko kayo noong isang gabi, ikaw 'yong girfriend niya?"

Sunod-sunod ang mga tanong niya na hindi ko na masundan. Nagkaroon ako ng lakas ng loob na tingnan ang mukha niya. "H-hindi." Halos bulong na lang ang mga salita ko.

Napatigil siya at bahagyang nag-isip. "Hindi?"

Umiling ako nang mabilis, halos hindi na ako makahinga. "Hindi."

"Ah, akala ko ikaw ang girlfriend niya. Lagi kasi 'yong tumatakas sa tattoo apprenticeship niya. Ang iniisip ko baka may pinupuntahang girlfriend."

Nagkaroon ng saglit na katahimikan sa amin. Gumugulo sa utak ko ang sinabi niya habang nakatulala sa lamesa.

"Sabi na nga ba, wala talagang girlfriend 'yong lalaki na 'yon. Torpe 'yon," saad niya at tumawa. "Pero kaibigan mo si Gab?"

Napakagat ako sa ibaba kong labi at tumingin sa kaniya. Tumango ako nang dahan-dahan. Unti-unting naglaho ang ngiti sa labi niya nang makita ang mukha ko. Nahahalata niya bang malungkot ako? Na nakakaramdam ako ng guilt sa mga oras na ito?

"Ah, pero hindi ka naman lagi pinupuntahan ni Gab?"

Umiling ako at hindi nagsalita.

"Ah okay. Lagi kasing napapagalitan 'yon. Hindi lang ng mentor niya, kundi ni Jay mismo, 'yong parang kuya na rin namin." May tipid na ngiti sa labi niya. Nang iangat muli ang tingin sa akin ay nagtanong siya, "Anong pangalan mo ulit?"

Napatulala ako sa kaniya, parang nanigas ang dila ko at hindi makapagsalita. Bakit ayaw kong malaman niya ang pangalan ko? Siguro dahil ayaw kong banggitin niya kay Gabriel na nagkita kami, na nakita ako ng kaibigan niya. Ayaw kong malaman ng iba ang tungkol sa akin at kay Gabriel.

"Kung ayaw mo, okay lang." Tinitigan ko lang siya at lumunok. Hindi ko na lang sasabihin. "May mga nababanggit ba si Gab sa 'yo tungkol sa 'kin?" tanong niya habang nakasingkit ang mga mata at hinihimas ang baba.

"W-wala po," sagot ko, bahagyang natatawa sa ginagawa niya.

"Sorry nga pala at bigla na lang kitang kinausap. Akala ko talaga girlfriend ka ni Gab, bagay pa naman kayo." Pinilit kong pigilan ang malaking pagngiti. "Ako na lang ang magpapakilala. Ako si James, alam kong magkikita pa tayo."

Your UniverseWhere stories live. Discover now