11. Inclination

13 6 16
                                    



Gabriel


"C'mon, Evie. Nakarating ka naman na sa bookstore, 'di ba?" Halata pa rin ang takot sa kaniya habang pinipilit ko siya na lumabas. Gusto ko sana siyang bilhan ng libro at pumasyal na rin, kaso ayaw magpapilit.

"Ayoko, maraming tao do'n." Tuluyan na niyang ibinalot ang buong katawan sa kumot. Umupo ako sa gilid at sinubukang hilahin iyon.

"Evie, kasama mo naman ako. Hindi kita iiwan, bibilhan lang kita ng libro tapos uuwi na tayo." Nakitulog ako sa bahay nila dahil medyo malayo-layo rin ito sa amin. Nagpaalam rin naman ako sa mga magulang ko kaya hindi na nila kailangan pang abalahin si Kuya Jay.

Hindi ko alam kung bakit ako beybing-beybi ni mommy at daddy kahit antanda ko na, dahil na nga rin siguro sa only child lang ako.

"Edi 'wag mo na 'kong isama, bilhan mo na lang ako," pagtanggi niyang muli.

Dahan-dahan hiniga ang likod ko sa katawan niya na nakabalot at dinaganan siya.

"Gabriel!" Panay ang galaw niya likod ko. "Kuya! Si Gab nga!"

Hindi ko na napigilan pa ang pagtawa nang malakas. "Hindi ako aalis rito kapag hindi ka sumama sa 'kin." Pumikit ako habang nararamdaman ang paglikot at pagsigaw niya.

Hindi ko naman siya dinaganan talaga nang husto, nakaupo lang ako sa kama niya at inilapat lang sa kaniya ang itaas na parte ng katawan ko.

"Gabriel!" Hindi ko pinansin ang pagsigaw niya. "Oo na! Umalis ka na diyan!"

"Anong oo na, sabihin mo sasama na ako kay Gabriel papunta sa bookstore."

Panandalian siyang tumigil sa pagsipa at pagsuntok sa akin. "Sasama na ako kay Gabriel sa bookstore."

Nag-aalala akong bumangon at tinanggal ang kumot sa mukha niya nang mapansing bagsak ang tono ng boses niya. Mukhang napasobra na ang pamimilit ko sa kaniya.

"Evie, It's a joke. Kung ayaw mo—"

"No, I'll go with you." Bumangon siya at umupo sa kama habang nasa gilid niya ako. "I'll try again this time. Nakapasok na rin naman ako sa bookstore, kadalasan lang talaga ay si Kuya ang pinapabili ko."

Alam ko ito dahil kadalasang ako ang kasama ng kuya niya na bumili ng libro kaya kabisado ko kung ano ang mga binabasa ni Evie.

"'Wag kang mag-alala, hindi ako hihiwalay sa'yo pagkalabas pa lang natin sa pintuan niyo." Muli kong tinusok ang leeg niya na nakapagpatagilid sa ulo niya. Hinawakan niya ang kamay ko at inialis ito sa leeg niya.

"'Natatakot lang ako, baka mamaya, masira lang 'yong pamamasyal natin."

Iginalaw-galaw ko ang kamay niya. "Hindi mo masisira 'yon, ikaw pa nga ang magpapaganda." Halata pa rin ang pag-aalala sa mukha niya at ang malalalim niyang paghinga. "Sige na, magbihis ka na. Hihiram lang ako sa kuya mo ng T-shirt."

Tumayo na ako at tiningnan muna siya nang ilang segundo bago tuluyang lumabas.

Naglakad ako papunta sa kabilang kuwarto kung saan nandoon ang kwarto ni Vin. Binuksan ko ito at nakita ko siyang nakahiga habang busy sa pagkalikot sa cellphone niya.

"Pumayag?" tanong niya nang hindi iniaalis ang paningin sa pinagkakaabalahan. Isinara ko ang pinto sa likuran ko habang hindi mapigilan ang pagngiti.

"Oo." Naglakad ako sa lalagyan niya ng damit at namili ng isusuot.

"'Wag mong iiwan 'yon, hindi sanay si Evie sa maraming tao."

Hindi pa rin naaalis ang ngiti sa labi ko habang nagpapalit ng damit. Ito ang unang beses na makakasama ko si Evie na mamasyal kaya excited na excited ako.

Dati ay kadalasang dito ko lang siya nakakasama, at sa university naman ay sa apartment lang rin. Halos kaming dalawa lang ang nakakaalam na nagkakasama kami.

"Oo naman." Pagkatapos magbihis ay hinila ko ang swivel chair niya at naupo sa harapan niya. "'Tsaka kaya pala ako sumama dahil may sasabihin ako tungkol kay Evie." Nginitian ko siya habang pinagkikiskis ang mga palad ko. Nararamdaman ko na rin ang unti-unting pagbilis ng pagtibok ng puso ko dahil sa kaba.

May kaba pero hindi pa rin nito natatalo ang lakas ng loob ko. Tumanggi man siya ay pipilitin ko pa rin siya.

"Ano 'yon?" Itinaas niya ang isang kilay niya habang nakatingin sa akin. Binasa ko muna ang mga labi ko dahil pakiramdam ko ay natutuyot na ito.

"Liligawan ko si Evie." Binigyan ko siya ng isang napakalawak na ngiti na alam kong hindi niya matatanggihan.

"Siraulo ka ba?" Natawa ako nang bahagya habang kumakamot sa batok.

"Sige na, Kuya." Ibinato niya sa akin ang unan niya na agad kong sinalo. Hindi yata nagustuhan ang itinawag ko sa kaniya. "Sige na, kilala mo naman ako. Hindi masama ang budhi ko, Vin. Alam mo 'yan."

"Siraulo ka talaga, tsaka hindi ka naman gusto ni Evie, kaya kahit payagan kita, hindi ka naman sasagutin n'on."

Napangisi ako sa sinabi niya. "Ako, hindi? Hindi mo yata alam na crush ako ni Evie." Pinagpagan ko ang magkabila kong balikat at iniayos ang dalawa kong kilay.

"Hindi ikaw ang crush ni Evie." Napaseryso ang mukha ko sa sinabi niya. "Alam mo kung sino?" Umiling ako. "Yung kaibigan niya . . . si Brent." Mariin ko siyang tiningnan, inaabangan na sabihin niya sa huli ang, "Joke."

Crush niya 'yong lalaking sinungaling na 'yon? E, mas matino naman ako ro'n.

"Baka niloloko mo lang ako"

"Umalis ka na nga."

Hindi ko kayang maniwala dahil sa bigla niyang pagtawa. Tumayo na ako habang iniisip pa rin ang sinabi niya. Hindi pwedeng magkagusto si Evie sa lalaking 'yon. Hindi pwede, hinding-hindi.

Ramdam ko ang paghawak ni Evie nang mahigpit sa likod ng shirt ko habang naglalakad kami sa loob ng bookstore. Gusto ko sanang hawakan ang kamay niya kaso ayaw naman niya, nahihiya siguro. Talagang hindi sanay si Evie sa akin kapag nasa labas kami.

"S-sa'n ba tayo pupunta?' mahina niyang tanong. Maraming tao sa loob ng bookstore kaya halos mabunggo ko na ang iba. Ginagawa ko nang pangsangga ang katawan ko para hindi masaktan si Evie.

"Bibilhan nga kita ng libro, 'di ba?" Nagpalakad-lakad ako sa loob para hanapin kung saang shelf ito naroon.

Nakita ko lang 'yong libro na 'yon na binabasa ng isa sa mga kaklase ko noon. Sabi niya ay maganda raw kaya binasa ko ang prologue at chapter one to three, kaso hindi naman ako mahilig sa libro kaya gusto kong si Evie na lang ang magbasa n'on para sa akin.

"Here, Evie." Inilagay ko siya sa gilid ko habang nakahawak pa rin siya sa T-shirt ko. Maingat kong kinuha ang libro sa shelf at tiningnan ang pamagat at author kung ito nga ang hinahanap ko. "Ito nga. Here."

Nang kuhanin niya ay agad niyang binasa ang pamagat. Halos manlaki ang mga mata niya at animo'y namumula ang buong mukha nang mabasa ang pamagat.

Nagsalubong na lang ang mga kilay ko at muling sinilip ang pamagat ng librong kinuha ko dahil baka nga mali ito. Nang makita ko ay tama naman ang nakuha ko.

'I Want to Touch You'

Your UniverseWhere stories live. Discover now