Kabanata 13

13.5K 627 29
                                    


Kabanata 13

Nagdikit ang mga kilay ko nang makita si Mikhail at Tatay na nag-uusap sa dalampasigan. Tila seryoso ang mga ito habang si Tatay ay tumatango pa.

Ano ang pinag-uusapan nila? At saka bakit sila nag-uusap? Bakit rin narito si Mikhail?

"Nanay..." tawag ko habang inaayos ang butones na puting polo ko. "May itatanong po ako."

Hinigpitan ko ang pagkakatahi sa mga butones na ito dahil baka mamaya ay makalas na naman sila ng walang kahirap hirap. Pero baka kahit anong tibay nito, isang haklit lang ni Mikhail ay maghahagisan na naman sila.

Sandali. Bakit ba 'yon kaagad ang nasa isip ko? Bakit parang naghahanda ako? Umaasa ba akong may mangyayari ulit?

Malala ka na, Almira Eloise.

"Alam ko ang itatanong mo. Kung bakit magkausap ang Tatay mo at si Sir Mikhail." malamig ang tono niya, nahahaluan pa ng sarkasmo ang boses.

Naiinis pa rin ata siya sa akin dahil sa polo ni Mikhail ang suot ko noong nakaraang gabi. Hindi naman na nasundan pa ang pag-uusap namin tungkol doon pero ramdam kong naiinis pa rin siya sa akin.

"Bakit po?"

"Hindi ko rin alam. Basta sumulpot na lang si Sir Mikhail sa labas ng pintuan natin at sinabing gusto makausap ang Tatay mo," bumuntonghininga siya. "Iba talaga ang dating niya kumpara kay Andrei, Almira. Boses pa lang at paraan ng pagsasalita, halatang hindi siya basta-basta. Ang totoo ay natatakot ako sa kaniya."

Natawa ako saka hinarap si Nanay. Inaayos niya ang gamit sa loob ng bag ko, bagay na nakasanayan niya na simula ng magtrabaho ako.

"Bakit naman po? Mabait si Mikhail, Nay. Mukha lang talagang hindi dahil laging seryoso ang ekpresyon ng mukha."

"Paano mo naman nasabing mabait? Sandaling panahon pa lang naman kayo nagkakilala."

Basta lang. Kahit iritado ako sa kaniya noon ay naramdaman ko naman na may kabaitang taglay siya. At isa pa, ilang beses niya nang ipinakita sa akin 'yon.

"Hindi kaya action star siya, nak? Ang galing niya rin makipag barilan. Aba'y dalawang kamay pa. Para akong nanonood ng action movie noon sa kabila ng takot na naramdaman ko."

Ngumiwi ako sa naging pahayag ni Nanay. Pero tama naman siya sa sinabi niya dahil masiyadong malakas ang dating ni Mikhail nung mga sandaling 'yon. Lalo pa nung isang beses niyang binaril ang helicopter bago ito sumabog.

Nakakatakot pa rin sa tuwing naiisip ko pero... hindi ko siya iiwasan. Gaano man siya kasamang

"Ang dinig ko pala ay may kumuha doon sa bangkay nung lalaking natagpuan sa dagat. Hindi ba at nailibing 'yon ng baranggay kahit hindi kilala. Ngayon ay nawawala na daw sa sementeryo."

Mabilis kong nilingon si Nanay. "May ideya po ba sila Kapitan kung sino ang kumuha?"

Umiling ito. "Wala. Hinayaan na lang rin nila dahil wala rin namang pagkakakilanlan doon sa bangkay."

Wala sa sarili kong ibinalik ang tingin sa gawi nina Mikhail, ang isip ay naglalakbay kung sino ang posibleng kumuha sa bangkay na 'yon.

Hindi kaya pamilya?

Tumingin si Mikhail sa gawi ko. Umayos ako ng tayo nang makitang titig na titig siya sa akin. Kahit medyo malayo ay pansin ang pagiging madilim ng mga mata niya.

Hindi nagtagal at sabay silang naglakad ni Tatay papunta sa gawi ko. Seryoso si Tatay pero hindi naman siya mukhang galit.

"Papasok na po ako, Tay." sabi ko nang tuluyan na silang makalapit sa amin habang ang mga mata ay na kay Mikhail.

Mikhail Sage (Book 1) (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon