Kabanata 31

9.7K 438 26
                                    

Kabanata 31

Tumigil kami ni Nikolai sa isang parke para magpahinga. Bumili na rin ako nang maayos na pagkain dahil alam kong nanghina siya sa lahat ng nasaksihan. Simula pa lang 'yon ng patikim tungkol sa mundo na mayroon siya at wala akong magagawa para kontrolin 'yon.

Puwede kong piliin na manahimik na lang kami sa isla at doon mamuhay pero alam kong hindi 'yon ang gusto ko. Isa pa, ramdam kong kahit nasaan kami... may kaakibat na gulo.

"Sino po sila, Mama? Bakit po nila tayo ginawan nang masama?" tanong ni Nikolai.

Huminga ako nang malalim. Nasisiguro kong tauhan ni Luciano ang mga nagtangka sa amin. Malakas ang pakiramdam ko na si Nikolai ang sadya niya. Pero bakit ngayon lang? Bakit kung kailan haharapin ko na si Mikhail?

Bantay niya ang mga galaw ko. Simula pa noon.

Ang hindi ko lang maintindihan ay kung sino ang lalaking nagligtas sa amin... at kung bakit naroon si George sa mismong lugar na 'yon?

Hindi kaya alam ni Mikhail ang nangyayari sa amin at ipinadala niya si George para iligtas kami? Hindi niya kami puwedeng sagipin dahil ipinapaniwala niyang patay na siya.

Hanggang kailan ka maglilihim, Mikhail?

"Hindi ko rin alam, Nikolai. Nagtataka rin ako kung sino sila."

"Baka po may nagawa tayong mali sa kanila, Mama?"

Umiling ako. "Wala akong matandaan na ginawan nang masama. Sadyang may mga ganoong tao lang talaga."

Humikbi siya. Nilingon ko siya at kinabig palapit sa akin. Hinaplos ko ang likod niya habang pinapakinggan ang sunod-sunod na hagulgol niya.

Masiyado ka pang bata para maranasan mo ang mga ganitong bagay, Nikolai.

"Kung buhay lang po sana si Papa, siguradong hindi po natin ito mararanasan, Mama. Lagi niya tayong ililigtas."

Hindi ako nagsalita at huminga lang nang malalim. Alam niyang wala na ang ama niya kaya hindi ko rin alam kung ano ang magiging reaksyon niya oras na magharap sila.

Gulo lang ang naging dala ng ama mo sa buhay ko, Nikolai. Sa buhay natin. Pero sa kabila no'n ay hindi ako nagsisisi. Naranasan ko ang sumaya kahit na sandali. Nagkaroon ako ng isang ikaw.

"Saan po ba talaga tayo pupunta, Mama?" tanong niya na pumukaw sa atensyon ko.

"May pupuntahan tayo na importanteng tao, Nikolai," sagot ko. "Kaya mo pa ba ngayon o gusto mong umuwi muna tayo sa bahay ni Tito Andrei mo?"

Sandali siyang nag-isip. "Wala naman na po sigurong gagawa ulit sa atin nang masama?"

Ilang sandali pa bago ako nakasagot... ako mismo ay hindi sigurado.

"W-Wala na, anak."

Nang sandali rin 'yon ay umalis na kami at bumiyahe patungo sa village kung saan naroon daw ang bahay ni Mikhail. Naging mapagmatiyag ako sa paligid habang lulan kami ng taxi. Hindi malabong mangyari ulit ang insidente kanina pero sana naman ay hindi na.

Madilim na ang langit nang huminto ang taxi sa tapat ng isang malaking bahay. Iginala ko ang mga mata. Mataas ang gate nito na para bang sinadya para huwag makita ng mga taong nasa labas kung ano ang mayroon sa loob. Gayon pa man, nagagawa ko pa rin matanaw ang ilang bahagi nito.

Bumaba na kami ni Nikolai. Malamig ang simoy na dulot nang panggabing hangin pero hindi kasing lamig ng sa isla. Nang tingalain ko ay wala akong makita kahit na isang bituin.

Uulan pa ata.

Hawak ang kamay ni Nikolai ay maingat ang bawat hakbang ko patungo sa gate. Malakas ang pintig ng puso ko, ramdam ko sa aking dibdib. Wala akong ideya sa kung ano man ang maaaring naghihintay sa amin oras na makita ko si Mikhail.

Mikhail Sage (Book 1) (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon