Kabanata 28

9.3K 460 27
                                    

Kabanata 28

Tinanaw ko si Nikolai na naglalaro sa dalampasigan. Kalaro niya ang anak ni Imee na halos kasing edaran niya lang rin. Halata ang saya sa mukha niya na para bang hindi na siya maghahangad pa ng materyal na bagay. Ilang taon niya nang naging kalaro ang mga alon ng dagat. Natutunan niya na itong mahalin sa paglipas ng panahon.

Naningkit ang mga mata ko nang ituon ang paningin sa papalubong na araw. Kagaya ng mga nakalipas na linggo, buwan at taon, palagi pa rin akong nalulungkot sa tuwing pagmamasdan ang paglubog nito sa likod ng karagatan.

Ibig sabihin, natapos na naman ang isang buong araw at dadating na naman ang panibagong kinabukasan. Aasa na naman akong babalik siya. Na makikita ko siya kahit pa paulit ulit nang isinasampal sa akin ng tadhana na wala na siya. Na kinuha na siya sa akin nang mismong panahon na 'yon.

Tinitigan ko ang ang araw. Bahagya kong itinakip ang likod ng palad sa mga mata nang masilaw ako. Sa pagitan ng mga daliri ay nanglalabo ang paningin kong pinagmasdan ang asul na langit. Bahagya akong gumalaw mula sa pagkakahiga nang yumakap sa akin ang alon ng dagat.

Mabagal kong inilinga ang ulo. Wala akong ibang nakikita kung hindi ang asul na karagatan, puti at pinong buhangin kung saan ako nakahiga at ilang kabahayan mula sa mga gilid.

"Ayun siya, Ernesto! Diyos ko kwawa naman at baka napaano na!"

"Mag-isa lang ba siya?"

"Oo! Mukhang inanod ng dagat patungo dito!"

Natanaw ko ang ilang mga tao na papunta sa gawi ko, nagmamadali at ang pag-aalala ay bakas sa kanilang mukha.

"Miss, ayos ka lang?"

"Ano'ng nararamdaman mo?" tanong nila.

"Anong n-nangyayari? N-Nasaan ako?" napapaos ang boses na tanong ko, ramdam ang panunuyo ng aking lalamunan dahil sa matinding pagkauhaw.

"Inanod ka ng alon papunta dito sa isla ng Talisay," sabi nung isang matandang babae. "Aba'y nagdadalang tao ka! Ano ba ang nangyari sa'yo, ineng?"

Tinitigan ko siya. Tila mga alon na rumagasa sa isip ko ang mga naging eksena bago ako nawalan ng malay. Ang mga kotse na humahabol sa amin, ang mga putok ng baril, ang pagkalaglag namin mula sa talampas...

"Si Mikhail po?" tanong ko at unti-unting bumangon mula sa pagkakalugmok sa buhanginan. "Nasaan po si Mikhail?!"

Sinubukan akong awatin ng isang matandang babae sa aking balikat. Luminga linga ako ngunit wala akong nakikitang Mikhail sa paligid.

"Nasaan po si Mikhail?" Nagsimula nang mabasag ang boses ko at tiningnan ang ilang tao na nakapaikot sa akin.

"Sinong Mikhail, ineng? Ikaw lang mag-isa ang nakita namin kanina dito. Wala kang kasama-"

"Hindi po. Kasama ko po ang asawa ko! Magkasama po kami kanina!" histerikal na sagot ko ngunit umiling lang sa akin ang mga matatandang naroon.

Tumungo ako sa buhanginan. Pinilit kong balikan muli ang mga kaganapan sa isip ko. Napapikit ako nang mariin nang maalala ang pagkakabitaw ko sa kaniya habang nasa ilalim ng dagat at ang tuluyang pagkakahiwalay namin.

Nanginig ang aking mga balikat, ang mga kamao ay kumuyom sa buhanginan. Sunod-sunod ang naging pagpatak ng luha sa pisngi ko at tumunghay. Pinilit kong tumayo mula sa pagkakaupo, hindi iniinda ang mga matang pinagmamasdan ako.

Ilang hakbang pa ang ginawa ko hanggang ang tubig ay nasa binti ko na. Ang tahimik na pag iyak ko ay unti-unting naging histerikal. Iginala ko ang mga mata sa malawak na karagatan, mabilis ang paggalaw ng dibdib.

Mikhail Sage (Book 1) (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon