Kabanata 29

9.1K 399 28
                                    




Kabanata 29

Pagkarating sa sumunod na isla ay nagpababa na ako. Muli akong sumakay ng panibagong bangka na siyang maghahatid sa akin sa kung saan ko nakita si Mikhail.

Alam kong siya 'yon. Hindi ako puwedeng magkamali dahil kahit sa malayo ay makikilala ko siya. Sa tindig at bulto pa lang ng katawan, hindi na mapagkakaila.

Noon pa man, kahit paulit ulit na sinasabi sa akin ni Andrei na wala na siya, hindi ko pa rin magawang maniwala. Ramdam kong buhay siya. Ni minsan, hindi ako nagduda.

Hindi ko na hinintay pang dumaong ang bangka malapit sa dalampasigan at tumalon na sa tubig. Malalaki ang hakbang kong sinuong ang hanggang binting tubig habang iginagala ang mga mata sa paligid.

Bumilis ang tibok ng puso ko nang hindi ko na makita si Mikhail. Wala na halos tao sa malawak na dalampasigan kung hindi ako na lang. Lakad takbo ang ginawa ko, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa.

"Mikhail!" tawag ko.

Ilang beses ko pang tinawag ang pangalan niya kahit pa hindi ko na siya nakita — umaasa na maririnig niya ako kung sakaling nakalayo na siya.

"Ate, sino po ang hinahanap mo?" tanong ng isang binata na lumapit sa akin, sa kamay niya ay isang timba na may lamang isda.

"May nakita ka bang lalaki na mukhang banyaga? Matangkad siya at maputi." hinihingal na tanong ko.

"Matangkad at maputi... ah! Iyong lalaki ba na nakatayo dito sa dalampasigan kanina, ate?"

Tila ako nabuhayan ng loob sa naging sagot na 'yon ng binata.

"Oo! S-Siya nga!"

"Kanina pa nakalabas, ate. Parang magkasunuran lang kayong dalawa. Doon po siya dumaan."

Sinundan ko ng tingin ang itinuturo niya. Mga bahayan iyon kung saan puwedeng lumabas patungong bayan. Kung magkasunuran lang kami ay siguradong wala na siya dahil ang tagal ko pang naghanap sa kaniya dito sa dalampasigan.

Sa kabila ng nabuhay na pag-asa ay kaagad rin akong nanglumo dahil sa katotohanang maaaring hindi ko na siya abutan.

Nagbaka sakali pa rin akong puntahan ang mga gawing iyon pero kagaya ng inaasahan, wala akong napala.

Bagsak ang balikat ko nang umuwi sa bahay. Sari-saring tanong ang bumabalot sa isip ko.

Ano'ng gingawa ni Mikhail dito sa Romblon? Bakit hindi niya ako pinuntahan? Kami ng anak namin? Hindi niya man lang ba isipin ang magpakita sa akin at kumustahin ako matapos ang ilang taon? Pinalabas ng lahat na wala na siya. May alam ba siya doon? Ginusto niya rin ba ang ipaalam sa akin na wala na siya?

Bakit? Sa ano'ng dahilan?

"Akala ko ay namalengke ka, Almira? Nasaan ang mga pinamili mo?" bungad sa akin ni Nanay.

Mula sa pagkakayuko sa mga paa ay nag-angat ako ng tingin sa kaniya. Pansin ang pagkakasalubong ng mga kilay niya na tila ba nagtataka sa inaasal ako.

"Ano'ng nangyayari sa'yo at mukha kang pinagsakluban ng langit at lupa?" tanong niya.

Umiling ako. "Buhay po si Mikhail."

Natigilan siya. Mas lalong nagdikit ang mga kilay niya at tila hindi rin inaasahan ang sinabi ko

"Nahihibang ka na ba, anak? Matagal nang patay ang asawa mo-"

"Nakita ko pa siya sa dalampasigan sa kabilang isla. Hindi po ako puwedeng magkamali-"

"Nasisiguro kong kamukha lang siya ni Mikhail, Almira. Imposible iyang sinasabi mo! Maraming magkakamukha sa mundo kaya tigilan mo nang bumuo ng pag-asa diyan sa isip mo," mataas ang tono ng boses niya saka ako tinalikuran. "Ilang taon na pero ikinukulong mo pa rin ang sarili mo sa pangungulila sa kaniya-"

Mikhail Sage (Book 1) (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon