Kabanata 32

9.2K 397 32
                                    

Kabanata 32

Sa isang bakanteng kwarto kami pinatuloy ng kasambahay nina Mikhail. Matapos ng eksena kanina kay Alona ay ipinalayo na ito sa akin sa pamamagitan ng utos ni Vera. Pansin ko na sa pamamahay na ito, siya ang makapangyarihan. Habang si Mikhail ay tahimik lang akong pinagmamasdan at bihira kung magsalita.

Magulo ang isip ko. Hindi ko lubos na maunawaan kung bakit ganoon na lang ang pakikitungo niya sa akin.

Paanong nangyari na hindi niya ako makilala? Nagkaroon siya ng amnesia? Kung babalikan ng isip ko ang nangyaring aksidente mahigit tatlong taon na ang nakalipas, naaalala kong humampas ang ulo niya sa salamin nung sumayad ang kotse niya sa batuhan. Maging nung bumagsak kami ng tubig ay naulit pa 'yon.

Hindi kaya iyon ang dahilan para makalimot siya? O, maaaring nagkukunwari na naman para protektahan kami? Pero kahit saang anggulo, hindi ko magawang matanggap ang dahilan na 'yon.

Sa kapangyarihan na mayroon siya, iyon na lang ba ang paraan niya para iligtas kami sa kung ano mang kapahamakan?

"Mama... buhay po si Papa?" pukaw ni Nikolai sa atensyon ko.

Mula sa pagkakatayo sa harapan ng bintana habang tinatanaw ang marahas na buhos ng ulan, binitawan ko ang itim na kurtina at hinarap ang anak.

Nakaupo ito sa dulo ng kama habang nakatitig sa akin. Malamlam ang mga mata niya. Medyo basa pa ang buhok mula sa pagligo. Mabuti na lang at hindi nabasa ang ilang damit na dala namin. Pagkapasok sa kwarto na ito ay kaagad ko siyang pinaliguan para hindi magkasakit.

"Oo, Nikolai. Buhay ang Papa mo."

"Pero ang sabi n'yo po ay patay na siya, hindi po ba?"

Bumuntonghininga ako at lumapit sa gawi niya. Naupo ako sa harapan niya at marahang hinaplos ang kaniyang mga pisngi.

"Iyon rin ang ang akala ko. Sa mga nakalipas na taon ay 'yon ang ipinamukha nila sa atin."

"Sino pong sila?"

Sa dami ng taong naglihim sa akin ng katotohanan, aaminin ko na gusto kong magtanim ng galit para sa kanila. Kahit pa kina Andrei at Olivia. Sila na lang ang mga taong pinagkakatiwalaan ko pero nagawa pa nilang ipagkait sa akin ang tungkol kay Mikhail.

Pero wala nang dahilan. Ang importante na lang sa akin ngayon ay buhay siya. Na kahit isang beses, hindi ko pinagdudahan na wala na siya.

"Basta. Huwag mo nang isipin pa 'yon. Ang mahalaga ay buhay ang Papa mo-"

"Pero bakit parang hindi niya po ako kilala? Hindi po ba dapat ay matuwa siya na nagkita na kami? Ayaw niya po ba sa akin?"

Ramdam ko ang kurot sa puso sa huling tanong ni Nikolai. Hindi ko siya masisisi na ganoon ang iniisip niya sa sariling ama. Ako man ay nasaktan sa paraan ng tingin niya sa anak namin. Para bang hindi siya naniniwalang anak niya ito.

Huminga ako nang malalim at hinila si Nikolai para yakapin.

"Sa tamang panahon, ipapaliwanag ko sa'yo ang lahat. Sa ngayon, huwag mo na lang pansinin ang paraan ng pagtitig niya sa'yo. Huwag na huwag kang magtatanim ng galit sa kaniya, Nikolai."

Naramdaman ko ang pagtango niya. "Hindi po, Mama."

Lumipas ang ilang minuto at hinayaan ko munang mahiga si Nikolai sa kama hanggang sa nakatulog na ito. Wala pa kaming kinakain na hapunan pero hindi ako nakakaramdam ng gutom.

Pero paano si Nikolai? Hindi naman ako puwedeng lumabas doon sa kusina nila at sabihing kailangan ko ng pagkain kahit para sa bata lang.

Natawa ako sa naisip. Ako ang asawa ng may ari ng bahay na ito pero parang kailangan ko pa manglimos ng pagkain sa kanila.

Mikhail Sage (Book 1) (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon