Chapter Two

1.2K 25 0
                                    


NAGING abala ang mga unang araw ni Sandra sa JSS Engineering. Nakahulihan agad niya ng loob si Bessie, ang executive secretary ng personnel manager. Ito ang nagbigay sa kanya ng briefing sa mga gagawin niya. Sa personnel siya na-assign bilang assistant nito.

"Kailan ba ang labas niyang nasa tiyan mo?" tanong niya rito.

"Three months pa. Kaya nga nagpa-advertised agad si Sir Mauro para ma-train ka sa sandaling mag-leave ako," sagot ni Bessie habang itinuturo ang filing system ng employees' records. "At ano ang malay mo?" patuloy nito. "Baka ma-impress mo si Sir Mauro sa trabaho at i-permanent ka kaagad. Kaya pagbutihin mo, Sandra."

Nilinga niya ang dalawang personnel clerk, sina Helen at Linda. "Bakit hindi ang isa sa kanila ang mag-relieve sa iyo?"

"May sari-sarili silang trabaho. At karaniwan na'y malimit utusan ang dalawa sa field. Pero kung talagang walang qualified na na-hire, si Helen muna ang sekretarya ni Sir Mauro."

"Sana ay hindi ka magsawang turuan ako. Alam mo na, first timer ako sa opisina. At saka tulad na lang ng typing speed ko, alam ko namang bagsak ako roon."

"Tama ka. Pero iyon lang naman ang minus factor mo. At saka 'pag nahasa ka sa pagta-type, mapapabilis mo rin ang speed mo. Kaya marahil hindi gaanong binigyang-pansin ni Sir Mauro iyon. Besides, hindi mo naman kailangan ng mabilis na speed sa computer."

"Sana nga," may pag-asam niyang sagot.

Six months ang probationary period niya at maaaring bumaba ito sa three months, depende sa ipakikita niyang sigasig sa trabaho. At ipinangako niya sa sariling hindi niya aabutin ang anim na buwan para ma-permanent. Ngayon pa lang ay gusto na niya ang atmosphere sa JSS Engineering.


SA UNANG linggo ni Sandra sa trabaho ay dalawang beses pa lang bumaba ng puwesto niya si Albert. Ang una ay kunwa'y may itinanong ito kay Bessie. Natural na ipakilala siya ni Bessie rito. At sa ikalawang pagkakataon naman ay tila isa lamang siyang ordinaryong officemate nito.

Hindi malaman ng dalaga kung matutuwa o maiinis siya sa ikinikilos ng kasintahan. Kung sa bagay ay hindi talaga sila magkikita ni Albert kung hindi sasadyain ng bawat isa na puntahan ang kani-kanilang puwesto. O, 'di kaya ay utusan siya papanhik sa fifth floor.

Nasa ikalimang palapag ng building ang administrative, accounting, at ang engineering department kung saan naroroon si Albert. Nasa ikaapat na palapag naman ang personnel, sales, at ang purchasing department.  


NANG sumunod na linggo ay dalawang beses ding kaswal na bumaba sa puwesto niya si Albert—na hindi naman nagtatagal nang sobra pa sa dalawang minuto. Subalit tinutukso na si Sandra ng mga kasamahan.

"Mukhang masama ang tama ni 'lover boy' sa iyo, Sandra," si Emma, ang filing clerk ng purchasing.

"Sinong 'lover boy'?" baling niya rito.

"Sino pa kundi si Mr. Draftsman," sagot ni Helen, ang typist-messenger sa personnel. "Kuwidaw, Sandra. Huwag mong patulan ang palipad-hangin niyon sa iyo," warning nito na gustong ikabulalas ng tawa ni Sandra kung hindi niya napigil ang sarili.

Ano kaya ang sasabihin ng mga ito kung malamang magkasintahan sila ni Albert?

"Bakit naman?" Nakisakay siya. "Nakikipagkaibigan lang naman iyong tao. At saka guwapo, 'di ba?" Sinabayan pa niya iyon ng hagikgik.

"Kung sa bagay ay talagang guwapo si Albert. Sino ba naman ang hindi maa-attract sa kanya?" si Emma uli. "Kaya lang..." Hindi nito itinuloy ang sinasabi at nagkibit ng mga balikat.

My Love My Hero: JSSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon