Chapter Fifteen

1.2K 22 6
                                    


BUMALANDRA sa sahig ang dalaga. Sindak na napatingala sa lalaki habang dinadama ng kamay ang pisnging nasaktan. Agad na tumayo nang humakbang si Albert palapit.

"Kunwari ka pa ay mahinhin at ayaw ng premarital sex, iyon pala ay maghahanap ka lang ng mapera!" singhal nito.

"A-Albert..."

"Nakisama ka kay JSS dahil mayaman siya!"

"M-mahal... mahal ko si Jaime, Albert. Hindi dahil may pera siya." Sa nanlalaking mga mata'y nakuhang mangatwiran ni Sandra. Hindi niya mapaniwalaang ito ang uri ng lalaking minsan ay napaugnay sa kanya. At lalong hindi niya mapaniwalaang kaya nitong saktan siya.

Lalong nagdilim ang mukha ng lalaki. "Mahal? My ass! At isiping halos para akong sira-ulong laging nakikiusap sa iyong sumama ka sa akin sa motel. Magkano ang ibinayad ni JSS sa iyo, Sandra?"

"A-Albert... please. Hindi ako binayaran ni Jaime..." Napaatras siya nang humakbang ito palapit. Natatakot siya sa anyo nito. Akma siyang tatakbo nang mahagip ni Albert ang braso niya at balyahin siya.

Bumagsak sa sofa si Sandra at impit na napatili. Hindi niya magawang mag-eskandalo sa tahimik na compound. Mapapahiya si Jaime sa mga kapitbahay nila.

"S-sinasaktan mo ako, Albert!"

"You're a whore, Sandra! A whore. Naiintindihan mo? At magiging akin ka ngayon sa ayaw at sa gusto mo. Pagba-bayaran mo ang hirap na tiniis ko sa iyo. And I don't really mind kung nauna na si JSS. Bukas ay pagtatawanan ko ang amo ko dahil nakapatas ako sa kanya." Isang tawa ang pinakawalan nito at niyuko siya at niyakap.

"H-hindi mo alam ang sinasabi mo. Please, bitiwan mo ako," pakiusap ni Sandra kasabay ng pagpiglas.

"Pagkatapos ko sa iyo, Sandra." Akmang bubuksan nito ang zipper ng pantalon nang magpumiglas ang dalaga at malakas na itinulak ang lalaki.

Akma niyang tatakbuhin ang pinto subalit mabilis na nahawakan ni Albert ang isang braso niya at padahas na ibinalik siya sa sofa.

"Saan ka pupunta?"

"Bitiwan mo ako!"

Isang ngisi ang ibinigay ni Albert sa kanya. "Huwag kang mag-alala, Sandra. Sandali lang ito. Isa pa'y hindi ka na naman virgin, bakit kailangang tumanggi ka pa. Hindi ba at pinabayaran mo naman nang mahal ang virginity mo?"

"Nakikiusap ako, Albert. Huwag mong ituloy ang balak mo. Wala kaming ganoong ugnayan ni Jaime. Hindi niya ako pinakikialaman!"

Isang nang-uuyam na tawa ang pinakawalan ng lalaki. "Si JSS, hindi ka pinakialaman?" Umismid ito. "Gusto mong paniwalaan ko iyan, ha, Sandra?"

"D-dahil iyon ang totoo!"

Inabot nito ang mukha ng dalaga at halos bumaon ang mga daliri nito sa pisngi niya.

"Totoo? Talaga bang ganoon ako kaistupido sa paningin mo para isiping paniniwalaan ko iyan? Ang buong compound na ito'y pag-aari ng mga San Sebastian, at kanya ang unit na ito. Ibinahay ka niya at sasabihin mong hindi ka niya pinakikialaman!"

She was too shock para intindihin ang sinasabi ni Albert na pag-aari ni Jaime ang tinitirhan niya. Ipinilig niya ang mukha dahil nasasaktan siya. Binitiwan siya ni Albert.

"At kung ako sa iyo ay huwag ka nang pumalag, mahihirapan ka lang. Mag-enjoy ka na lang sa gagawin natin." Muli nitong binuksan ng isang kamay ang zipper ng pantalon. Muli ring nagtangkang kumawala si Sandra sa pamamagitan ng pagtuhod dito. Gasino nang nakaiwas si Albert.

My Love My Hero: JSSWhere stories live. Discover now