Chapter Nine

1.1K 25 0
                                    


PAGPASOK ng dalaga kinabukasan ay may dinatnan na siya sa mesa niyang tatlong rosas. Tuwang-tuwang dinampot niya iyon at dinala sa ilong upang samyuhin. Natitiyak niyang galing kay Jaime ang mga bulaklak kahit na walang naka-attached na card.

"Uy, kanino galing iyan?" si Bessie na kararating lang.

"Wala ngang nakalagay na card, eh." Inayos niya ang tatlong bulaklak sa pencil holder. Hindi niya gustong sabihin sa kaibigang natitiyak niyang kay Jaime galing iyon.

"Gusto ka pang i-suspense ng bagong admirer mo, ha?"

Ang ibang mga empleyadong naroroon ay nakitukso rin kay Sandra. Nagsisimula na siyang magtrabaho nang tumunog ang intercom sa mesa ni Bessie.

"Pakisagot mo nga, Sandra. May ipinahahanap si Sir Mauro sa akin," ani Bessie na nasa filing cabinet.

Tumayo ang dalaga at dinampot ang receiver.

"Hello."

"Si Sandra, please."

"Albert?" Kilala niya ang boses nito at napasimangot siya.

"Sandra. Natanggap mo ba ang mga roses?"

Biglang nadismaya ang dalaga. Galing kay Albert ang mga bulaklak at hindi kay JSS.

"Para saan ang mga bulaklak na iyon, Albert?" malamig niyang tanong. "I'm sure they're expensive. You've wasted money on them."

"Don't be cruel, Sandra. Peace offering ko iyon. Bati na tayo, please."

"Hindi na ako nagagalit sa iyo, Albert. But you can't rekindle old flames. Ayoko na..." Muntik na niyang masabing may boyfriend na siya.

"Hindi ako naniniwala sa iyo. Isa pa'y gusto kitang kausapin kung bakit sinabi kagabi ng mama na umalis ka na sa bahay. Hindi masyadong malinaw ang lahat pero may tumawag daw sa bahay at inalam kung may dapat ka pang bayaran sa mama. Sino iyon, Sandra? At saan ka nakatira ngayon?" he demanded.

"Office hour, Albert, at under probation ako. Puwede ba, saka na lang tayo uli mag-usap?"

"Bababa ako diyan mamayang breaktime." At bago pa nakatanggi ang dalaga'y naibaba na nito ang intercom sa kabilang linya.

Naiiritang bumalik sa upuan niya si Sandra at hinablot ang mga bulaklak sa pinaglagyan niya rito kanina at inihagis sa wastebin.

"Hey, bakit mo itinapon ang mga iyan?" si Bessie.

"Kay Albert galing."

"Ow?"

"Hindi ko nga alam kung ano pa ang sasabihin ko sa kanya para maniwalang hindi ko na gustong makipagbalikan pa sa kanya." Pabagsak siyang naupo sa swivel chair.

"Di sabihin mo ang totoong dahilan at natitiyak kong hindi ka na uli gagambalain pa niyon. At siyanga pala, kumusta ang unang gabi mo sa bago mong tirahan? Saang lugar iyon?" May pailalim na kahulugan ang tanong ni Bessie na hindi nito naiwasang isatinig.

"Come on, Bess. I slept alone. Kumain lang kami sa labas at pagkatapos ay inihatid na niya ako."

Kinakitaan ng bahagyang pagkapahiya si Bessie. "I am sorry. Nanghihinayang kasi ako sa iyo. Kailangan mo ng isang totohanang relasyon. Someone you could look forward to becoming a husband."

"I know and you're forgiven." Ngumiti siya at sinabi sa kaibigan ang address at telepono ng townhouse.

Bahagya nang naitago ni Bessie ang pagkabigla nang malaman kung saan siya nakatira.

My Love My Hero: JSSOnde histórias criam vida. Descubra agora