Chapter Twenty - Last Part

2.4K 51 9
                                    


NAKAGAYAK na siya nang dumating kinabukasan si Rafael dala ang owner-jeep nito. Mabilis siyang bumaba ng bahay nang bumusina ang binata.

Nginitian siya nito. "Sakay na."

Dalawang hakbang na lang ang dalaga nang muli siyang makaramdam ng pagkahilo. Mabilis siyang humawak sa unahan ng jeep.

Mabilis namang bumaba ng jeep si Rafael upang alalayan siya.

"Huwag ka munang kumilos," wika nito.

Wala sa loob na napakapit si Sandra sa mga balikat ng binata. Hindi nila narinig ang paparating na sasakyan. Pumarada ito sa may di-kalayuan.

"Ate Ara!"

Parehong napalingon ang dalawa. Ang pagtawag ay galing sa siyam na taong gulang na bunsong anak ng Tiya Felisa niya.

"Ige. Bakit ka—" Lalong nawalan ng kulay ang mukha niya nang makita ang nakaparadang Mercedes-Benz at bumaba si Jaime.

Humigpit pang lalo ang pagkakakapit niya sa mga balikat ni Rafael na tila umaamot doon ng lakas.

Humakbang papalapit sa kanila si Jaime kasunod ng pinsan niya. Nakatiim ang mukha at pinaglipat-lipat ang tingin sa kanila ni Rafael.

"Ate, may naghahanap sa iyo. Ipina-sama ako ni Nanay dito," balita ng batang si Ige.

Si Rafael ay nakipagsukatan ng tingin sa bagong dating. At hindi mahirap hulaan kung sino ang bagong dating.

"This time, I don't want to jump into the wrong conclusion, Sandy," ani Jaime. Humagod ang mga mata nito sa kabuuan ng dalaga. A certain longing shadowed his eyes.

Sandra tried to say something but the words lodged somewhere in her constricted throat.

"Ang natatandaan ko'y sinabi ko sa iyo na anuman ang problema ay sasabihin mo sa akin..."

Nang hindi pa rin makuhang makapagsalita ni Sandra ay bumitaw si Rafael sa pagkakahawak sa dalaga at niyuko siya.

"May palagay akong hindi na natin kailangang umalis, Ara," wika nito. "Gusto mong umalis na ako at iwan kita?" Natitiyak nitong tuluyan nang nawala sa kanya ang dalaga. Subalit maluwag sa dibdib nitong tinanggap iyon.

Tuyong-tuyo ang lalamunan ng dalaga. Isang marahang tango ang isinagot kay Rafael. Kung maaari nga lang ay takbuhin na niya at yakapin si Jaime ngayon.

"S-salamat, Rafael," pahabol niyang nasabi nang humakbang patungo sa jeep nito ang binata.

Matabang na ngumiti si Rafael. Tumingin kay Jaime. "Sana'y kaya ka narito ay upang panagutan si Ara," wika nito.

Nagsalubong ang mga kilay na nilingon ni Jaime si Rafael.

"At kung hindi mo siya kayang panagutan ay nakahanda akong pakasalan si Ara anumang sandali." At bago pa makahuma si Jaime ay tinanguan ni Rafael si Ige at hinawakan sa ulo. "Tara, Ige. Ihahatid kita sa inyo."

"Babay, Auntie Ara..."  


NAKAALIS na ang jeep ay nanatiling nakatayo ang dalawa roon at nakatitig sa isa't isa. Napuna ng dalaga ang malaking ibinawas ng timbang ni Jaime. Parang may patalim na sumugat sa dibdib niya sa nakitang anyo nito.

Naiisip ba siya nito? Nami-miss din ba siya ni Jaime tulad ng pananabik niya rito?

"P-pumanhik ka." Unang nakaapuhap ng sasabihin si Sandra. Nagpatiuna siyang pumanhik sa hagdanan. Walang kibong sumunod si Jaime.

My Love My Hero: JSSWhere stories live. Discover now