WC #2: In the woods

100 2 0
                                    

Chapter II

Maganda ang bungad kay Maddison ng araw na ito. Naalala niya agad ang himalang nangyari kahapon bago siya umuwi. Bukod sa trabaho ang kusang lumapit sa kaniya, nilapitan at kinausap siya ng isang gwapong nilalang. Para siyang nasa isang magandang panaginip kung saan ayaw na niyang magising. Sa tanang buhay niya, ito sa palagay niya ang unang swerteng natanggap niya. At aminado siyang gusto niya pang madugtungan ito.

Bumangon siya sa papag at iginilid ang maalikabok na kurtina para makalanghap ng hindi gaanong sariwang hangin sa labas. Dahil mataas na ang araw, tumagos ang sinag nito sa kwarto. Kitang kita tuloy ang alikabok sa hangin. Pero dahil maganda ang mood niya ngayon, hindi niya ito pinansin.

Nasa squatter area ang bahay ng pamilya ni Maddison at gawa ito sa kahoy, tela, at pinagtagpi-tagping yero. Magkakatabi ang mga bahay rito at kabilaan ang mga tindahan ng pagkain tulad ng barbeque kaya hindi maiwasang umabot ang usok hanggang dito sa ikalawang palapag ng bahay nila. Mabuti na lang maaga siyang nagigising at madalas hapon o gabi umuuwi kaya saglit niya lang iyong naaabutan.

Kinuha niya ang phone at pitaka niya sa ibabaw ng maliit na kabinet. Kinuha niya rin ang calling card na nakalagay sa bulsa ng blazer na suot niya kahapon. Suminghap siya at saglit itong hinalikan para patunayan sa sarili niyang totoo ito at hindi siya nanaginip. May trabaho na ako— no, scratch that. MAY TRABAHO NA AKO.

Dahil sa sobrang tuwa niya kahapon, nangutang pa siya para lang mapa-laminate ang calling card o business card na natanggap niya. Pakiramdam niya ay nakasalalay rito ang buhay niya kaya hindi iyon pwedeng mawala o magusumot manlang.

"This is the day! Yayaman na ako!" pag-ma-manifest niya at lumabas sa kwarto. Bumaba siya sa hagdang gawa sa kahoy at medyo marupok na kaya parang bibigay na anumang oras. Dumiretso siya sa kusina para mag-init ng tubig na pang-kape at maghanda ng almusal para sa mga kapatid niya.

"Inubos na naman ni Jerome ang itlog. Tsk," asik niya at nakasimangot na isinara ang kabinet na pinagtataguan nito. Hindi niya ito nakitang kumain kahapon pero sigurado siyang ito iyon dahil ito ang pinakamaganang kumain sa kanilang magkakapatid. Lima sila at ito ang sumunod sa edad niya. Labimpitong taong gulang na ito ngayon.

Naghanap pa si Maddison ng ibang makakain pero bigo siyang makakita ng kahit isang de lata o bigas. Napakamot na lang siya ng ulo at napatanong sa sarili. Sino ba namang hindi gaganahang magtrabaho pag ito ang nakikita?

Ang panganay sa magkakapatid ay si Marigold, dalawampu't limang taong gulang. May asawa't anak na ito at hindi na nakatira bahay nila. Maaga itong nabuntis at sa kabutihang palad ay pinanagutan ito nung lalaki kaya pakiramdam nito ay swerte pa ito kahit papaano. Kabaligtaran ito ng pakiramdam ni Maddison. Pakiramdam niya ay siya ang minalas dahil sinalo niya ang iniwan nitong responsibilidad. Siya ang tumayong panganay sa kanilang magkakapatid.

Si Bianca naman, labindalawang taong gulang at kasunod ni Jerome, sa tingin ni Maddison ay ito ang susunod sa yapak ni Marigold. Wala pa kasi ito sa kolehiyo pero maalaga na sa sarili. Kung tutuusin ay nauna pa rin itong magdalaga kaysa sa kaniya dahil mas maalam pa ito pagdating sa mga kolorete at pananamit. Yung ayos ng buhok at mukha niya nga kahapon ay ito ang nag-ayos. 

Ang bunso naman ay si Zachy, anim na taong gulang pa lang. Makulit ito at lalong nagpapasikip sa bahay nila. Palaging nakakalat ang mga laruan nito sa sahig. Madalas ay hindi na sila nag-aabalang magligpit dahil maya't maya rin itong naglalaro. Kapag gusto niya lang magpahupa ng stress, saka siya sumasali sa nilalaro nito o kaya nagliligpit siya ng mga kalat.

Tumingin si Maddison sa lumang orasang nakasabit sa may pinto. Lagpas alas-nwebe na ng umaga. Maya-maya lang ay magigising na ang mga kapatid niya at paniguradong gutom ang mga ito.

Winged ChaosDove le storie prendono vita. Scoprilo ora