WC #9: Curse

69 1 0
                                    

Chapter IX

A century ago...

"Ilayo mo na rito si Ambrosio 'pagkat natunton na nila ang ating kuta. Lumikas na kayo, Olympia," sambit ng isang armadong lalaki at inabot sa kausap niyang babae ang isang sanggol na nakabalot sa puting tela. May nakasabit na baril sa kanang balikat niya.

"Ngunit paano ka, Leoncio?" naluluhang tanong nito at maingat na binuhat ang sanggol na si Ambrosio.

"Kami na ni Pedro ang bahalang magbantay rito."

Malalim ang gabi at nakalitaw ang maliwanag na buwan sa kalangitan. Malamig ang simoy ng hangin sa labas at nakadagdag iyon sa pangambang nadarama ni Olympia. Bumalik siya sa kubo para kumuha ng balabal at ipinatong ito sa kaniyang balikat.

Ilan lamang sila sa mga hindi ordinaryong nilalang na nagpapaalam sa kani-kaniyang pamilya sa gitna ng malawak na kagubatan. Ang iba sa kanila ay lilisan na at ang karamihan naman ay nakatakdang maiwan para magbantay.

Wala silang permanenteng tirahan. Palipat-lipat sila sa mga kabundukan at kweba para makaiwas sa mga tao at para humanap ng pagkain sa araw-araw. Madalas silang nagtatago sa kweba tuwing araw at lumalabas lang kapag gabi.

Bampira—iyan ang tawag sa uri nila. Itim na itim ang mga mata nila at nagiging pula kapag nakakasipsip ng dugo ng tao, may mga pangil, at may kakayahang mag-ibang anyo. Hindi rin maikakailang ang taglay nilang lakas na hindi mahigitan ng maraming tao. Ngunit sa kabila ng mga natatangi nilang kakayahan, nangangapa pa rin sila sa paggamit ng mga ito. Nagagawa nilang kontrolin at itago ngunit kusa itong lumalabas minsan.

"Bakit hindi na lamang natin sila gamitan ng dahas? Kung tutuusin ay kaya natin sila. Sila ang nagpasimula nito at makatarungan lang kung lalaban tayo," mariing sambit ni Olympia.

"Kung gagawin natin iyon ay parang pinatunayan natin sa kanilang totoo ang binibintang nila tungkol sa ating uri. Hindi iyon ang imaheng nais ipamana sa atin ng ating mga ninuno. At kailangan nating makibagay kung nais nating dumami pa ang ating mga kauri," paliwanag ni Leoncio habang nagmamasid sa paligid. Kahit malakas ang pandinig niya at malinaw ang paningin ay hindi niya magawang makampante.

"Kung gayon, ano ang gagawin ninyo? Hahayaan niyo na lang bang sakupin tayo at alipinin ng tulad nila?"

"Lalaban din tayo, mahal, ngunit hindi maitatangging mas marami at mas malakas ang hukbo nila. Hindi ko na matantya ang bukas kung kaya't lumisan na kayo. Ilayo mo na si Ambrosio rito at dalhin mo ang lahat ng ari-arian, pati ang natatagong hiyas."

Sa buong angkan ng mga bampira, si Ambrosio ang pinakabata. Siya pa lang ang natatanging sanggol para sa susunod na henerasyon.

"Ngunit kapag dinala ko ang hiyas, mawawalan ka ng proteksyon. Maaaring ikamatay mo na kapag sinaktan ka nila," nag-aalalang tugon ni Olympia.

"Ayos lang, Olympia. Oras na rin naman para ipamana ito sa kaniya. Masyado nang matagal buhat noong namuhay tayo sa mundo at matagal na rin nating pinasan ang sumpa mula pa sa ating mga ninuno."

"Paano ba tayo makakatakas sa sumpa?"

"Hanapin mo si Sinang mula sa angkan ng aking ama. Batid niya ang nararapat na gawin," wika ni Ambrosio at tinapik si Olympia sa balikat. Sinulyapan niya rin ang sanggol at hindi napigilan maging emosyonal. Hinalikan niya ito sa noo at tinitigan, nangangambang maaaring ito na ang huling beses na makikita niya ang kaniyang anak. Suminghap siya at muling humarap sa asawa. "Siya ang pag-asa at ang magiging pinuno ng angkan, sa susunod na henerasyon ng ating lahi, kaya't pakaingatan mo siya. 'Wag mong hahayaang malaman nila ang tungkol sa uri natin kung ayaw ninyong mapahamak at maging alipin."

Winged ChaosUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum