WC #24: Villain

30 0 0
                                    

Chapter XIV

Ten years ago...

Si Julio Agustin. Siya ang kauna-unahang lalaking nagustuhan ni Amity Palacio.

Isang araw, nakapunta si Amity sa bayan nang hindi kasama si Ryker. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay muling nagtagpo ang landas nila ni Julio sa tapat ng paaralang pinapasukan nito. Doon ay naglakas-loob siyang lumapit sapagkat alam niyang hindi rin magtatagal ay babalik na ulit siya sa mansyon. Sa kauna-unahang beses ay na-conscious siya sa sariling itsura at naisipang manalamin, isang bagay na ni minsan ay hindi niya nagawa sa mansyon dahil walang kahit isang salamin doon.

Habang papalapit sa kinaroroonan ng binata ay pabilis nang pabilis ang tibok ng puso niya, isa ring bagay na hindi niya naranasan sa ibang mga taong nakasalamuha niya, maski kay Ryker. Ito pa lang ang pangalawang beses na nagkita sila pero pakiramdam niya ay "tadhana" na ito, base na rin sa ilang mga piksyong librong nabasa niya sa mansyon.

Tumigil sa paghakbang ang binata nang harangin niya ito at nagpakilala.

"Hello, kuya. Uhm... ako si Amity," bungad niya at nahihiyang ngumiti. Itinago niya ang ilang hibla ng buhok niya sa likod ng tainga at kumaway. Nanliit ang mga mata ng lalaki at sinubukan siyang kilalanin pero bigo ito. "Marahil ay ito ang unang beses na nagkita tayo dahil bago pa lang ako sa bayang 'to. Maaari mo ba akong ilibot? Kahit saglit lang."

"Pwede naman. Maaga pa naman," pagmamagandang loob nito na labis na ikinatuwa ni Amity. Pakiramdam niya ay nakalutang siya sa alapaap sa mga sandaling iyon. At sa kauna-unahang pagkakataon, naramdaman niya ang pagiging normal na dalaga. Nagmistula itong tour guide niya sa bayan para hindi na siya magmukhang mangmang at kakaibang tao.

"Ano nga palang pangalan mo, kuya?"

"Julio," tugon nito at matamis na ngumiti. Simple lang iyon pero napatibok nang mabilis ang puso ni Amity napahiling na sana bumagal ang oras habang magkasama silang dalawa.

Nang papagabi na, pinaalalahanan siya ni Julio na malapit na itong umuwi. Sa isang iglap ay nawala ang ngiti sa mga labi niya at nawalan na rin ng ganang mag-ikot. Napansin iyon ng binata kung kaya't hinila siya nito papunta sa bahay na malapit sa bahay nila.

Doon, ipinakilala si Amity sa mga batang naglalaro ng tumbang-preso sa gilid ng kalsada. Noong una ay hindi niya alam kung bakit pero sa huli ay sinabihan siya ni Julio sumali sa laro nila kahit saglit lang. Muling nanumbalik ang sigla niya na ikinatuwa ng binata.

"Nakakatuwa ka, Amity," komento ni Julio nang mapanood ang paglalaro niya. Kapansin-pansing hindi siya maalam sa larong ito kaya kahit siya ang pinakamatanda, nagmukha pa siyang pinakabata sa kanila.

"Salamat, Julio," puno ng sinseridad na wika ni Amity matapos ang laro. Noong maggagabi na ay nagpaalam na sila sa isa't isa. Bago tumalikod, nagbitaw pa siya ng ilang salita. "Masaya akong makilala ka."

"Ikaw rin, Amity."

'Ikaw rin, Amity.' Ito ang linyang tumatak sa isipan ni Amity hanggang sa pagbalik niya sa mansyon. Parang melodiya sa tainga niya ang boses ni Julio kung kaya't hindi niya pinagsasawaan kahit sa isip na lang naririnig. Buhat noon, hindi mawaglit sa kaniyang isipan ang larawan ng lalaki at ang kakaunti ngunit magagandang alaala nilang dalawa.

Isang araw, habang naghahardin sina Amity at Ryker, napatigil si Amity at napatanong.

"Kung ayaw mong manirahan sa bayan, pwede bang ako na lang? Gusto ko namang mabuhay nang normal." Ito ang katagang binitawan ni Amity kay Ryker habang iniisip si Julio. Gusto niyang madagdagan ang mga alaala kasama ang binata kaya hiniling niya ito.

Winged ChaosМесто, где живут истории. Откройте их для себя