WC #6: Stabbed

76 1 0
                                    

Chapter VI

"Ate Mads, musta tulog mo? De-aircon ba ang bahay ng bossing mo?" bungad tanong ni Jerome pagpasok pa lang ng bahay ni Maddison.

"Walang aircon pero malamig. Puro puno kasi yung paligid."

Kakauwi lang ni Maddison galing sa mansyon at nadatnan niya ang dalawa niyang kapatid na sina Bianca at Jerome.  Nag-ba-barbel si Jerome gamit ang DIY na barbel na gawa sa tubo, lata, at buhangin. Si Bianca naman ay nagsusuklay ng basa niyang buhok sa harap ng salamin.

"Puro puno? Sa'n banda ka ba nagtatrabaho? Wala namang puno rito, ah."

"Nag-almusal na kayo?" pag-iiba ng usapan ni Maddison at sinulyapan ang lamesa. Malinis ito at walang nakapatong na kahit anong pagkain.

"Kanina pa. Naglalaro na nga sa labas si Zachy."

"Ano kinain niyo?"

"Pandesal at kape."

"Ang daya ni kuya. Inubusan ng tinapay si Zachy!" biglang sumbong ni Bianca na ikinakunot ng noo nito.

"Anong inagawan e ayaw niya ngang kumain! Epal ka talaga magkwento."

"Sino ba naman kasing matutuwa sa pandesal na ibinabad sa kape?"

"Ako! Kaya nga pinapa-try ko sa kaniya kasi masarap."

Nagtakip ng tainga si Maddison dahil sa pagkarindi kina Jerome at Bianca.

"Ba't ang aga mong naligo, Bianca? Sayang tubig." pagsingit ni Maddison para matigil na ang pagtatalo ng mga kapatid niya.

"Oo nga pala, ate Maddy, samahan mo'ko sa public library. May trabaho ka ba ngayon?"

"Wala pa. Bukas pa ulit."

"Ayun, pasama ako!" sabik na sambit ni Bianca.

"Ano bang gagawin mo sa library?  Bakasyon na, ah."

"May kinahiligan kasi yung mga kaibigan ko ngayon. Yung mga pocket book. Nag-uusap sila tungkol do'n at 'di ko ma-gets."

"Bobo ka kasi," pang-aasar ni Jerome na hindi pinatulan ni Bianca.

"O tapos? Anong meron sa library?" tanong naman ni Maddison at hindi rin pinansin ang binata.

"Manghihiram na lang ako ro'n para 'di sayang pera sa pagbili. Isang beses ko lang din namang babasahin."

Tumango si Maddison.

Pagkatapos mag-ayos ni Bianca ng sarili ay dumiretso na sila ni Maddison sa public library. Walking distance lang ito at napagigitnaan ng iba't ibang establisyemento sa bayan. Isang palapag lang ito pero malawak at sapat na para paglagyan ng iba't ibang klase ng libro tulad ng mga libro para sa iba't ibang kurso sa kolehiyo, thesis paper, almanac, dictionary, at ang sinasabi ni Bianca na pocketbooks na puro fiction.

"Iuuwi mo na lang ba 'yan?" tanong ni Maddison nang makapili na ng ilang libro si Bianca. May hawak siya ngayong tatlong malilit na libro na pinabuhat nito habang pumipili.

"Siguro. Pero dito muna tayo. Pipili muna ako sa mga 'yan. 'Di ko naman kasi mababasa lahat."

Pagkakuha ng anim na libro, pumwesto sina Maddison at Bianca sa pangdalawang upuang malapit sa librarian.

"I believe in love," pagbasa ni Maddison sa tag line na nakasulat sa likod ng isa sa mga librong kinuha nila. "Will they continue to fight for their love despite all the challenges they're facing?"

"Oh, mukhang maganda. Patingin ako, Ate Maddy,"

Ngumiwi si Maddison at inabot ang libro sa katapat niyang si Bianca. "Marami na nga tayong problema, gusto mo pang dagdagan."

Winged ChaosWo Geschichten leben. Entdecke jetzt