WC #7: Rules

79 1 0
                                    

Chapter VII

Isang pamilyar na silid ang hagip ng paningin ni Maddison. Pakiramdam niya ay nakapasok na siya rito pero hindi niya maalala kung kailan at kung bakit. Ang bagay na nakasisiguro siya ay hindi niya ito kwarto, at hindi rin ito parte ng bahay niya, paaralan o kahit anong lugar na madalas niyang puntahan.

Malawak ang kabuuan ng kwarto pero hindi gaanong kita ang bawat detalye dahil madilim. Ang tanging nagbibigay-liwanag lang ay ang dalawang sulo na nakakabit sa magkabilang gilid ng pinto. Ang ilan sa mga nakikita niyang gamit ay ang itim na aparador, isang malaking kama, lamesa't upuan, at ang basong kulay ginto na naiiba sa lahat dahil sa matingkad nitong kulay.

Kinuha niya ang kulay gintong baso na nakapatong sa aparador. Pagkatapos ay pumunta siya sa kabilang bahagi ng silid at binuksan ang pinto. Tumambad sa kaniya ang madilim na banyo. Dumiretso siya sa gripo at pinuno ang baso ng tubig.

Bumalik siya sa mismong kwarto at walang pag-aatubili niyang binuhusan ng tubig ang sulo hanggang sa mamatay ang apoy. Nagtaka siya sa ginawa niya pero hindi niya rin mapigilan ang sariling gawin ang sa tingin niya ay kailangan niyang gawin. Kinabig palapit sa kaniya ang sulo na parang kambyo. Para bang siya ang may-ari ng bahay dahil alam na alam niya ang gagawin.

Bakit ko ginawa 'to?

Ito ang tanong ni Maddison sa sarili at isang beses na humakbang paatras. Halos mapatalon siya sa gulat nang biglang may umugong sa bandang kaliwa niya. Sinundan niya ito ng tingin at nakita ang unti-unting pagbukas ng isang lagusan. Sa unang tingin ay ordinaryong pader lang ito pero nag-iba nung kinabig niya ang walang sinding sulo, bigla itong bumukas.

"Woah," magkahalong gulat at pagkamanghang reaksyon ni Maddison sa nasaksihan. Halos hindi siya makahinga habang nilalapitan ang nagbukas na lagusan.

"Secret passage? So totoo ngang merong ganito ang mga mansyon?" manghang tanong ni Maddison sa sarili at inobserbahan ito. Bungad lang ang kita niya dahil natatakpan ng purong kadiliman ang loob. Saka niya lang natantong gawa lang sa kahoy ang pader, samantalang bato na ang nasa loob ng lagusan.

Magkahalong takot at pagkasabik ang naramdaman niya habang nakatitig sa makipot na daan, nagdadalawang-isip kung tutuloy siya rito o hindi. Hindi pa man pumapasok sa isip niya ang mga posibleng bagy na meron diyo, biglang kumulog at kumidlat kaya saglit ding lumiwanag ang lagusan.

Hindi na nasundan ang pangyayari dahil nagising si Maddison mula sa isang panaginip. Napalingon siya sa labas ng bintana at nakitang malakas ang buhos ng ulan sa labas. Kumukulog at kumikidlat din at iyon sa palagay niya ang gumising sa kaniya.

Kinusot niya ang mga mata niya at inilibot ang tingin sa paligid. Kasalukuyan siyang nakahiga sa kwarto niya sa mansyon. At kung titingnan ang nasa labas ng bintana, kahit na natatakpan ng makapal na ulap ang kalangitan ay masasabing umaga pa lang.

Dito ba ako natulog kagabi? Anong nangyari?

Iisipin pa lang sana ni Maddison ang mga nangyari pero biglang sumagi sa isip niya ang panaginip niya kani-kanina lang. Pumikit siya at inaalala ang maliliit na detalye ng panaginip niya. Agad siyang napabangon sa kama nang maalala ang dalawang sulo sa magkabilang gilid ng pinto. Wala pa siyang lugar na napupuntahan na may sulo sa halip na ilaw bukod dito, ang mansyong pagmamay-ari ni Ryker. At wala ring parte ng bahay na may ganoong disenyo bukod sa mismong kwarto nito.

Bumangon siya at saglit na napangiwi dahil sa biglaang pagkirot ng tagiliran. Tiningnan niya ito at walang nakitang bakas ng sugat o pasa. Bigla niyang naalala ang nangyari kahapon kung saan sinaksak siya ng hindi kilalang lalaki sa tagiliran.

Winged ChaosOnde histórias criam vida. Descubra agora