102: Madamot

145K 2.7K 365
                                    


Nag-sorry na sa akin sina Kasper, Ara, Mina at Rose at nangakong hindi na nila ako kukulitin pa tungkol kay Sticky Guy. Kapag nga may naririnig sila sa mga kaklase namin na 'yun ang usapan, sinasaway na nila.

Noong uwian, inaya naman akong tumambay ni Deane sa burol. Kaming dalawa lang dahil may sasabihin din daw siya sa akin. Pagdating doon, Pareho lang kaming naupo sa damuhan at tahimik lang noong unang minuto na magkasama kami. Mayamaya, may kinuha siyang envelop na nakaipit sa libro niya at iniabot ito sa akin.

Napatitig ako rito at nagtaka. Naalala ko kung ano ang sulat na iyon.

AKO: Nasa iyo pa pala 'to? Bakit hindi mo pa tinapon?

DEANE: Hindi ko maitapon dahil hindi naman ako ang may-ari niyan. Ikaw.

Nakasulat sa entry #28 noong matanggap ko ang sulat na ito mula sa isang 'secret admirer.' Tinapon ko ito sa basurahan pero sa entry #30, nalaman kong pinulot pala ito ng mga kaibigan ni Amanda. Noong magkapahiyaan na, saka palang dumating si Deane at hinablot ang sulat.

All this time, itinago pala niya ito.

DEANE: 'Yung handwriting ng taong 'yan, kapareho ng sulat ni Sticky Guy.

AKO: (Napayuko) Ahh... tama nga hula nina Ara.

Matagal kong tinitigan 'yung sulat. Pero tulad ng ginawa ko noon, nilukot ko ito at ibinato sa malayo. Nagulat at napatayo nga si Deane dahil sa ginawa ko.

DEANE: Bakit mo tinapon? Hindi mo man lang ba babasahin ulit?

AKO: Nabasa ko na 'yun noon pa. Wala nang point kung babasahin ko ulit ngayon.

DEANE: Wala ka man lang bang balak na kilalanin—

AKO: Deane! (Pinigilan ko siya sa pagsasalita) Alam mo nagalit na ako kina Kasper kahapon dahil sa usapan na 'to eh. Pati ba naman ikaw? Wala akong balak kilalanin siya! Wala akong pakialam kung sino man siya! Intindihin niyo naman 'yun!

Tulad ng nangyari kina Kasper kahapon, ganun din ang naging reaksyon ni Deane nang magalit na ako. Pero nang makita ko ang itsura niya, medyo na-guilty ako. Yumuko siya at ewan ko pero pakiramdam ko, nagalit din siya.

DEANE: Naiintindihan kita. Pero ikaw ba, naisip mong intindihin naman ang sasabihin ko kahit minsan lang?

Hindi ako nakapagsalita noon. Ang seryoso niya.

DEANE: Ni hindi ko pa nasasabi ang gusto kong sabihin. Gusto mong intindihin ka pero ikaw 'tong ayaw makinig.

Aabutin ko sana ang kamay niya para mag-sorry pero umiwas siya. Humakbang siya palayo sa akin.

DEANE: Kilala ko siya, Yecats. Kinilala ko siya kasi gusto kong malaman kung totoo ba talaga ang pinagsasabi niya. At alam mo kung anong nalaman ko tungkol sa kanya? Seryoso at sincere siya. Gusto na niyang magpakilala.

AKO: At ano gusto mong gawin ko? Mapagsalamat dahil sa dami ng pwede niyang magustuhan, ako pa talaga? Paano kung sabihin ko sa 'yo na kahit gaano pa ka-seryoso o ka-sincere o kaganda ng mga sinulat niya, hindi ako tinablan 'nun. Dapat ba pilitin talaga na may maramdaman ako? Hindi ko gusto 'to, Deane! Hindi ako handa sa ganito!

Sandaling natahimik ulit si Deane. Pero nang muli siyang magsalita, napalitan na ng lungkot ang galit niya.

DEANE: Palibhasa hindi mo alam kung paano magkagusto sa isang tao at gaano kasakit na hindi mo masabi sa kanya ng direcho dahil ayaw niyang makinig. Hindi ka naman niya pipilitin na magkagusto ka rin sa kanya. Ganun ba kahirap ibigay sa kanya ng personal ang sagot mo? Ang damot mo, Stacey. (Totoong pangalan ko na ang ginamit niya) Sarili mo lang iniisip mo.

Nasaktan ako sa mga dinabi niya dahil sa totoo lang, hindi ko pa rin talaga naiintindihan,

Anong halaga na magkakilala pa kami ng taong iyon kung sasaktan ko rin lang siya. Ayokong magpaasa kung alam kong sa simula pa lang, wala nang pag-asa.

Gusto ko magkaayos kami, pero masyado na yatang napikon sa akin si Deane. Mas pinili na nga lang niyang umalis at ni isang lingon, hindi na niya ginawa.

Ito ang unang beses na totoong nag-away kami. Ito ang unang beses na totoong nagalit sa akin si Deane.


Lovelife? Ano 'Yun? ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon