132: Iyak Na

134K 2.4K 319
                                    


Pinaiyak ako ni Liam ngayong araw na ito. At ito ang kwento...

After ng lunch kanina, may meeting pa si Amanda sa Student Council bilang huling paghahanda sa nalalapit na Christmas party. Dahil doon kailangan ding samahan siya ni Deane patungo sa office nila.

Noong time na paalis na sila, nagpaalam naman ako na bibili lang ng inumin. Balak kong 'wag na sana silang tignan habang paalis pero ewan ko ba! Kapag magkasama sila, para bang may magnet sila kaya napapatingin pa rin ako sa direksyon nila.

Paakyat na sana sila ng hagdanan pero mukhang nanakit ulit ang paa ni Amanda kaya kamuntikan na siyang matumba. Umalalay ang ilang estudyanteng malapit at nakakita sa kanila pero dahil hindi na nga makatayo ulit si Amanda, binuhat siya ni Deane na parang bagong kasal at itinakbo sa infirmary.

Ang nagpasama sa mood ko noon, imbes na mag-alala 'yung iba pang nakakita, kinilig pa sila sa eksena. Narinig ko pa ang ilan sa mga komento nila, "Dapat magkabalikan na talaga sila."

Hindi na ako nakabili ng inumin ko 'nun. Hindi na rin ako nakabalik kina Kasper.

Dinala ako ng mga paa patungo sa likod nitong cafeteria building kung saan walang tao. Pagdating doon, tuluyang nawalan ng lakas ang mga tuhod ko, napasalampak ako sa lupa at pinalo-palo ang dibdib ko na parang naghahabol ng hininga.

Pinoproseso ko pa ang nararamdaman ko. Halo-halo eh. Naiinis ako. Nafu-frustrate sa sarili ko. Nalulungkot ako. Nagseselos.

Sinubukan kong kumalma at ipinikit ang mga mata ko pero may narinig akong yabag ng mga paa at nang iangat ko ang tingin ko, nakatayo na sa harap ko si Liam.

LIAM: Okay ka lang?

AKO: (Tumingin lang ako sa kanya. No comment)

LIAM: Kumusta ka na?

AKO: (Umiwas na ng tingin. No comment pa rin)

LIAM: Sabi ko, kumusta na?

Napabuntong-hininga na lang siya dahil alam niyang wala siyang makukuhang sagot mula sa akin. Sumalampak na nga lang din siya sa lupa para tabihan ako.

LIAM: Alam mo, ito ang dahilan kung bakit after ng suspension mo, ngayon na lang kita nilapitan. Kapag may nangyayaring masama talaga, lalong hindi ka kumikibo. (Tapos napatingala siya sa langit) Ganitong-ganito rin 'yung ginawa mo noong namatay si Melanie.

Nagtaka ako sa sinabi niya. Parang wala naman akong naalalang ganun pero ikinwento niya.

LIAM: Ilang beses kitang sinubukang kausapin 'nun para kumustahin ka. Pero kahit anong gawin ko, parang hangin lang ako na hindi mo nakikita. Gusto kitang damayan pero dinadaan-daanan mo lang ako. Gusto kitang tulungan pero ini-snob mo ako. Bakit ganyan ka?

Yumuko lang ako. Kinagat ko ang labi ko dahil kapag sinubukan kong magsalita ngayon, baka tuluyan namang bumuhos ang emosyon ko. 'Yun ang iniiwasan kong mangyari.

LIAM: Umiyak ka. (Parang nag-uutos na ang tono niya) Nasasaktan ka na, 'di ba?

Nagulat ako sa sinabi niya pero nagmatigas ako. Hindi pa rin ako umimik. Pero nang magtuluy-tuloy na siya sa pangungulit...

LIAM: Umiyak ka na kasi! Ano pang hinihintay mo? Tayong dalawa lang naman eh. Iyak na, Stace. Iyak na!

AKO: Ayoko!!!

Nasigawan ko siya. Naiinis ako na pinaiiyak niya ako. Pero kahit alam niyang galit na ako, nagawa pa niyang ipatong ang kamay niya sa balikat ko. Inulit niya ang mga salita niya pero this time, parang nagpapayo na ang dating ng boses niya.

LIAM: Umiyak ka kasi hindi tamang kinikimkim mo 'yan. Masakit na nga tapos lalo mo pang pinahihirapan ang sarili mo. Ilabas mo na 'yan. Umiyak ka.

Hindi nagtagal, sinunod ko na ang mga sinabi niya. Nagsimulang manlabo ang mga mata ko hanggang sa tuluyang kumawala ang mga luhang ang tagal kong inipon. Umiyak ako ng todo. Umiyak ako at nanatili siya sa tabi ko. At matapos kong ilabas ang lahat, saka ko siya tinanong.

AKO: Kailan mo pa nalaman na may gusto ako kay Deane?

Sandaling tumitig siya sa akin. At kahit may bakas na napipilitan lang, nginitian niya ako.

LIAM: Ang totoo, ngayon ko lang nalaman. Ngayong ikaw na mismo ang nagsabi.

Hindi ko inaasahan na mahuhuli ako sa sarili kong bibig. Pero kahit ganun, hindi ako nagsisisi na malaman ni Liam ang totoong nararamdaman ko para kay Deane. Dahil nang paiyakin niya ako, gumaan kahit papaano ang nararamdaman ko. Nang paiyakin niya ako, alam kong naiintindihan niya ako.

Lovelife? Ano 'Yun? ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon