- L : 2 -

990 39 1
                                    



──────⊱⁜⊰──────

Unang Libro: Lax

O2

──────⊱⁜⊰──────



Pinihit ko ang pinto ng aking kwarto at pumasok doon.

Ngunit napatigil ako sa paghakbang nang makita si Eyha na nakaupo sa sahig, ang kanyang kamay ay may hawak na maduming tela. Mukha siyang nabigla at natakot nang makita ako ngunit agad din siyang ngumiti at nag-ayos ng sarili.

"Tapos na ang pulong?" tanong niya.

Hindi ko siya tiningnan habang naglalakad ako papunta sa aking mesa. Nagtanggal ako ng kurbata at umupo sa upuan. "Anong ginagawa mo sa kwarto ko?"

"Ah," mahina niyang sagot. "Hinila kasi ako ni Cixi dito kanina at nakita kong napakagulo ng kwarto mo kaya naisipan kong maglinis-"

"Sinong nagpahintulot sa'yong galawin ang gamit ko?" marahas kong tanong.

Saglit siyang natahimik. Nang tingnan ko siya'y pinipisil nanaman niya ang mga kamay niya. "Kasi... Akala ko-- Akala ko matutuwa ka dahil maayos ang paligid."

"Wala nang maayos!" sigaw ko. Bigla na lang lumabas ang mga salita sa aking bibig nang tuloy-tuloy. "Wala nang maayos sa buhay ko noon pa, Eyha. At lalong nagulo ang buhay ko nang pinasok mo iyon!" Tumayo ako at tinapon ang mga papeles sa harap niya. "Kung akala mo, maaayos ang lahat ng paglilinis mo, nagkakamali ka. Kung akala mo mabubura mo sa isip ko si Iris gamit ng batang iyan-" tinuro ko ang tyan niya "-mas lalong nagkakamali ka!"

Lumuluha na si Eyha ngunit hindi ko pa rin mapigilan.

"Dahil hindi mo mapapalitan si Iris." Umiling ako. "Hindi mo siya mapapalitan."

Nagtitigan kami nang sobrang tagal at nabalot kami ng katahimikan. Tahimik lang siyang lumuluha at lumulunok at puno ako ng pagod at galit at sa isang segundo, lumuhod si Eyha upang pulutin ang mga papeles na ikinalat ko.

"Sabi nila," nanginginig niyang kwento, ". . .nakakapagtrabaho daw ang isang tao nang mas maaayos kapag maayos ang kanilang paligid."

Hindi ako makapaniwala sa kanyang pagiging kalmado. Mas mabuti na sana kung ako'y kanyang sinampal o sinigawan pero ito...

Nanginginig ang kanyang mga kamay. "Tsaka sabi nila, nakakapagsabi ng masasakit na salita ang isang tao kapag mainit ang kanyang ulo." Tumayo siya at nanginginig na inabot sa'kin ang mga papeles. Pinanood ko ang isang luha sa kanyang ngiti. "Kaya hindi ako magtatanim ng sama ng loob sa'yo, Lax."

"Anong ginagawa mo?" bulong ko.

Gusto ko siyang tumigil ngumiti at magalit sa'kin. Gusto kong tigilan na lang niya ang mahalin ako. Kasi hindi ko iyon mababalik.

"Pero," nabiyak ang boses niya at hinilig ang kanyang ulo. "Wag mo na uulitin ha? B-Baka kasi... hindi ko na kayanin sa susunod."

Paraisla i: PangakoWhere stories live. Discover now